settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni haring Saul?

Sagot


Maganda ang naging pasimula ni Saul hanggang sa sirain ng kanyang sunod-sunod na pagsuway ang kanyang dapat sana'y mahusay at nakalulugod sa Diyos na paghahari sa Israel. Paanong ang isang tao na nagsimula ng napakalapit sa Diyos ay mawalan ng kontrol at hindi na makamtan ang pabor ng Diyos? Para maunawaan kung paanong naging magulo ang buhay ni Saul, dapat natin siyang makilala. Sino si haring Saul at ano ang matututunan natin sa kanyang buhay?

Ang pangalang "Saul," ay nagmula sa salitang Hebreo na binibigkas ng shaw-ool, na ang ibig sabihin ay "hiningi." Si Saul ay anak ni Kish mula sa tribo ni Benjamin. Nagmula siya sa isang mayamang pamilya (1 Samuel 9:1) at siya ay mataas at magandang lalaki. Sinasabi sa Kasulatan na "Si Kish ang ama ni Saul na siya namang pinakamakisig at pinakamatangkad na lalaki sa buong Israel" (1 Samuel 9:2). Siya ang pinili ng Diyos na mamuno sa noo'y watak-watak na bansang Israel, isang koleksyon ng mga tribo na walang iisang lider kundi ang Diyos at walang pormal na pamahalaan. Sa mga panahon ng kaguluhan, lumalabas ang mga Hukom ngunit hindi nila napag-isa ang labindalawang tribo para maging isang bansa. Maraming taon bago maghari si Saul, Si Samuel na isang propeta ang lider ng relihiyon ng Israel ngunit hindi siya isang hari. Sa katotohanan, ang Israel ay pinamunuan ng mga Hukom na nanguna sa mga panahon ng kaguluhan sa ilang teritoryo ng Israel (Samuel 8). Gayunman, wala silang kakayahan na mamuno sa panahon ng digmaan. Hindi kalabisang sabihin na nabuhay sina Samuel at Saul sa panahon ng kaguluhan sa bansang Israel. Ang mga Filisteo ay mortal na kaaway ng Israel at laging nagkakaroon digmaan sa pagitan ng dalawa (1 Samuel 4). Dahil sa patuloy na banta ng digmaan at ng pagnanais na maging katulad ng mga bansa sa paligid, ipinagtulakan si Samuel ng mga tao na humirang ng isang hari na mamumuno sa kanila (1 Samuel 8:5).

Bagama't hindi gusto ni Samuel ang kahilingan ng mga tao na magkaroon ng isang hari, pinahintulutan ito ng Diyos. Tinanggihan ng mga tao ang Diyos bilang kanilang hari, kinalimutan Siya at naglingkod sa mga diyus-diyusan (1 Samuel 8:6–8). Sinabi ng Diyos kay Samuel na humirang ng isang hari na hinihingi ng mga tao ngunit binalaan din sila "kung ano ang gagawin ng hari na nais nilang mamahala sa kanila" (1 Samuel 8:9). Kaya nga, pumili si Samuel ng isang hari mula sa mga tao. Lihim na pinahiran ng langis ni Samuel si Saul bilang unang hari ng lahat ng tribo ng Israel (1 Samuel 10:1) bago siya pinili sa pamamagitan ng isang pabunutan sa harap ng publiko (1 Samuel 10:17–24).

Mapayapang nagsimula ang paghahari ni Saul sa Israel noong humigit kumulang 1010 BC, ngunit hindi nagtagal ang kapayapaan sa Israel. Ang isa sa mga pinakakilalang pangyayari sa buhay ni Saul ay ang kanilang pakikidigma laban sa mga Filisteo sa Lambak ng Ela. Doon, tinukso ni Goliat ang mga Israelita sa loob ng 40 araw hanggang mapatay ito ng isang binatang pastol na nagngangalang David (1 Samuel 17). Maliban sa insidenteng iyon ng pagkatakot at kawalang katiyakan, si Saul ay isang mapagkakatiwalaan at magaling na lider militar. Napakahusay niya sa digmaan na anupa't napatibay niya ang kanyang pamamahala sa pamamagitan ng kanyang tagumpay sa Jabes-Galaad. Bilang resulta ng tagumpay na iyon, muli siyang ipinroklama bilang hari sa Gilgal (1 Samuel 11:1–15). Nagpatuloy siya sa pangunguna sa bansa at nagtagumpay sa ilang digmaan hanggang umabot sa sukdulan ang kanyang popularidad. Gayunman, isang serye ng malalaking pagkakamali na nagumpisa sa isang bawal na paghahandog sa Diyos (1 Samuel 13:9–14) ang nagpasimula sa pagbagsak ni Saul sa pagiging hari. Nagpatuloy ang pagbulusok ni Saul ng mabigo siyang patayin ang lahat na mga Amalekita at ang kanilang mga kawan gaya ng inutos sa kanya ng Diyos (1 Samuel 15:3). Hindi sinunod ang direktang utos ng Diyos, nagdesisyon siya na buhayin si haring Agag at ang ilan sa mga piling hayop mula sa kawan ng mga Amalekita. Sinubukan niyang pagtakpan ang kanyang kasalanan sa pamamagitan ng pagsisinungaling kay Samuel na sa esensya ay pagsisinungaling sa Diyos (1 Samuel 15). Ang pagsuway na ito ang pinakahuli dahil binawi na ng Diyos kay Saul ang Kanyang Espiritu (1 Samuel 16:14). Ang pagkasira ng relasyon sa pagitan ng Diyos at ni Saul ang maaaring isa sa pinakamalungkot na pangyayari sa Kasulatan.

Habang pinayagan pa rin ng Diyos na maglingkod si Saul bilang hari ng Israel hanggang sa kanyang nalalabing buhay, ginambala siya ng isang masamang espiritu na nagpahirap sa kanya at naging dahilan ng kanyang sakit sa pagiisip (1 Samuel 16:14–23). Ang mga huling taon ni Saul ay puno ng trahedya habang nagtitiis siya sa tuwing inaatake ng depresyon. Gayunman, isang binata ang dinala sa palasyo ng hari na nagngangalang David na nagpaginhawa sa pakiramdam ni Saul sa pamamagitan ng pagtugtog ng flauta na panandaliang nagpabalik sa kanyang katinuan. Niyakap ng hari si David bilang kanyang sarili ngunit nagbago ang lahat ng ito ng maging isang mahusay na pinunong militar si David sa kanyang sariling karapatan. Dahil dito sumikat ang kantang "Pumatay si Saul ng libu-libo, si David nama'y sampu-sampung libo" (1 Samuel 18:7). Nang mapagtanto ni Saul na pinagpapala si David ang Diyos,humanap siya ng pagkakataon para patayin si David. Nagtagumpay si David sa pag-iwas sa maraming pagtatangka ni Saul sa kanyang buhay sa tulong ng mga anak ni Saul na sina Jonathan at Micol.

Ang huling mga taon ni haring Saul ay kinakitaan ng pangkalahatang pagkukulang sa paglilingkod sa bansang Israel at pagbagsak ng kanyang personal na buhay. Ginugol niya ang marami sa kanyang panahon, lakas at pananalapi sa pagtatangkang patayin si David sa halip na ipagpatuloy ang kanyang mga naunang tagumpay. Dahil dito natunogan ng mga Filisteo na may tsansa sila para sa isang malaking tagumpay laban sa Israel. Pagkamatay ni Samuel, nagtipon ang hukbo ng Filistea laban sa Israel. Lubhang natakot si Saul at sinubukang hingin ang payo ng Diyos ngunit wala siyang natanggap na sagot sa pamamagitan ng Urim at ng mga propeta. Bagama't pinaalis niya ang mga espiritista at mangkukulam sa Israel, nagbalat-kayo si Saul at komunsulta sa isang mangkukulam sa Endor. Sinabi niya dito na nais niyang makausap si Samuel. Tila tumugon ang Diyos at pinalitaw ang kaluluwa ni Samuel para kausapin si Saul. Ipinaalala ni Samuel ang kanyang dating hula na babawiin na ng Diyos sa kanya ang kaharian. Sinabi pa ni Samuel na tatalunin ng mga FIlisteo ang Israel at mapapatay siya at ang kanyang mga anak sa labanan (1 Samuel 28). Tinalo nga ng mga Filisteo ang Israel at pinatay si Saul at ang kanyang mga anak kabilang si Jonathan. Malubhang nasugatan si Saul at hiniling sa tagadala ng kalasag na patayin na siya para hindi siya pahirapan pa ng mga Filisteo. Dahil sa takot, hindi siya nito sinunod, kaya nagpatibuwal si Saul sa kanyang sariling espada. Nagpakamatay din ang kanyang tagadala ng kalasag.

May tatlong aral na matututunan tayo sa buhay ni haring Saul. Una, sundin natin ang Panginoon at hangarin ang Kanyang kalooban. Sa umpisa ng kanyang paghahari, may perpektong oportunidad si Saul na maging modelo ng mga hari ng Israel sa hinaharap. Ang kanyang tanging dapat gawin ay hanapin ang Diyos ng kanyang buong puso, sundin ang Kanyang mga utos at iayon ang kanyang kalooban sa kalooban ng Diyos at ang kanyang paghahari ay magiging kalugod-lugod sa Diyos. Gayunman, gaya ng marami, pinili ni Saul ang ibang landas at lumayo sa Diyos. Makikita natin ang isang perpektong halimbawa ng kanyang pagsuway sa insidente kung saan inutusan siya ng Diyos na patayin ang lahat ng Amalekita, ngunit binuhay ni Saul si haring Agag at nagtira ng ilang mga hayop mula sa labanan. Si Haman na nagnais ipapatay ang lahat na mga Judio kalaunan sa kasaysayan (tingnan ang aklat ni Esther) ay nagmula sa lahi ng haring ito na hindi pinatay ni Saul. Lumala ang problema ni Saul ng magsinungaling siya kay Samuel. Sinabi niya na itinira ng mga sundalo ang pinakamainam sa mga hayop para diumano ihandog sa Diyos (1 Samuel 15). Ang masamang gawang ito, maging ang marami pang ibang kasalanan sa kanyang buong pamamahala ang nagbigay-diin sa katotohanan na hindi si Saul mapagkakatiwalaan bilang ïsang kasangkapan ng Diyos.

Ang ikalawang aral na ating matututunan ay hindi natin dapat na gamitin sa maling paraan ang kapangyarihang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Walang pagaalinlangang inabuso ni Saul ang kapangyarihang pinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Laging gumagapang ang pagmamataas sa ating mga puso kung pinaglilingkuran at pinararangalan tayo ng mga tao. Darating ang panahon na makakatanggap tayo ng magandang pagtrato at maaaring mapaniwala natin ang ating sarili na tayo ay espesyal at karapatadapat sa pagpupuri. Kung mangyari ito, nalilimutan natin na ang Diyos ang tunay na may kontrol at Siya lamang ang naghahari sa lahat. Maaaring pinili ng Diyos si Saul dahil siya ay mapagpakumbaba, ngunit paglipas ng panahon, ang kanyang pagpapakumbaba ay napalitan ng mapaminsalang pagmamataas na siyang sumira sa kanyang pagkatao at moralidad.

Ang isa pang aral para sa atin ay manguna tayo sa paraang nais ng Diyos. Ang 1 Pedro 5:2-10 ang pinakamagandang gabay sa pangunguna sa mga taong ipinagkatiwala Niya sa atin: "Pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, 3 hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman. At kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, "Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob." Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo. Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo." Anong laki ng magiging pagkakaiba kung sinunod lang sana ni Saul ang mga prinsipyong ito. Hindi naubusan si Saul ng matalinong pagpapayo. Sa pagwawalang-bahala sa Diyos at sa matatalinong payo, hinayaan ni Saul na masira ang espiritwal na kalusugan ng kanyang bayan at inilayo sila at ang kanyang sarili sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni haring Saul?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries