Tanong
Ang Scientology ba ay kabilang sa Kristiyanismo o isang kulto?
Sagot
Ang Scientology ay isang relihiyon na mahirap sumahin. Nakilala ang Scientology dahil sa ilang tanyag sa Hollywood na yumakap sa relihiyong ito. Ang Scientology ay itinatag noong 1953 ng isang manunulat ng mga kathang-isip na si L. Ron Hubbard, apat na taon lamang matapos niyang ipahayag ang mga katagang, "Nais kong magtayo ng relihiyon - naroon ang pera." At dito nga niya nakita ang kayamanan. Si Hubbard ay naging isang milyonaryo dahil sa kanyang relihiyon.
Itinuturo ng Scientology na ang mga tao ay mga imortal na nilalang (tinatawag na "Thetan") at hindi orihinal na nagmula dito sa ating planeta, at ang tao ay nakakulong sa apat na elemento "matter", "energy", "space", at "time" (MEST). Ang kaligtasan para sa isang scientologist ay sa paraang tinatawag nilang "auditing," kung saan ang mga "engrams" (mga masasakit na alaala ng nakaraan at kawalang-malay na nagdudulot ng pagharang sa enerhiya) ay inaalis. Ang "auditing" ay isang mahabang proseso at kakailanganing gumastos ng daang libong dolyar. Kapag ang "engrams" ay tuluyan ng natanggal, ang "Thetan" ay maaari na muling magkaroon ng kontrol sa MEST sa halip na siya ang makontrol nito. Hangga't hindi naililigtas, ang bawat "Thetan" ay patuloy na mamamatay at mabubuhay muli.
Mamahalin at magastos na relihiyon ang Scientology. Ang bawat aspeto nito ay laging may kaakibat na kabayaran. Kaya naman ang mga "upuan" sa Scientology ay pawang para sa mga mayayaman lamang. Ito rin ay napaka-higpit na relihiyon at nagpapataw ng parusa laban sa mga sumusubok na talikuran ang kanilang katuruan at pagiging kasapi. Ang kanilang mga kasulatan ay limitado lamang sa mga akda at turo ni L. Ron Hubbard.
Bagamat pinaglalaban nila na ang Scientology ay umaayon sa Kristiyanismo, pinasisinungalingan ng Bibliya ay ang bawat isa sa kanilang mga paniniwalang pinanghahawakan. Itinuturo sa Bibliya na ang Diyos ang pinakamataas at pinakamakapangyarihan sa lahat at ang tanging Manlilikha ng buong sansinukob (Genesis 1:1); ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos (Genesis 1:27); ang tanging kaligtasan ng tao ay sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya sa ginawa ni Kristo Hesus (Filipos 2:8); ang kaligtasan ay libreng kaloob na walang magagawa ang tao upang makamtan (Efeso 2:8-9); at si Hesukristo ay nabubuhay at nakaupo sa kanan ng Diyos Ama hanggang ngayon (Mga Gawa 2:33; Efeso 1:20; Hebreo 1:3), at hinihintay ang oras kung kailan Niya titipunin ang Kanyang mga hinirang upang makasama Siya ng walang hanggan sa langit. At ang lahat ng hindi nabibilang ay itatapon sa impyerno, hiwalay mula sa Diyos sa buong walang hanggan (Pahayag 20:15).
Itinatanggi ng Scientology ang pag-iral ng Diyos ng Bibliya, ang pagkakaroon ng langit at impyerno. Para sa isang scientologist, si Hesukristo ay isa lamang mabuting guro na sa kasamaang palad ay di-makatarungang nahatulan ng kamatayan. Malaki ang kaibahan ng Scientology sa Kristiyanismo sa bawat pangunahing doktrina. Ito ang ilan sa mga pinakamahalagang pagkakaiba.
Diyos: Naniniwala ang Scientology na maraming diyos at ang ilang diyos ay mas mataas kaysa sa iba. Samantala, ang biblikal na Kristiyanismo ay kinikilala ang nag-iisang tunay na Diyos na inihayag ang Kanyang sarili sa Bibliya sa pamamagitan ni Hesukristo. Ang mga naniniwala sa Kanya ay hindi kayang tanggapin ang maling katuruan tungkol sa Diyos ayon turo ng Scientology.
Hesukristo: Tulad ng ibang kulto, itinatanggi ng Scientology ang pagiging Diyos ni Kristo. Sa halip na magkaroon ng biblikal na pananaw kung sino si Kristo at ano ang Kanyang ginawa, ibinababa nila ang Kanyang katangian bilang higit na mas mababang diyos at natamo lamang ang mala-alamat na estado sa paglipas ng panahon. Malinaw na itinuturo sa Bibliya na si Hesus ay Diyos na naging tao at sa pamamagitan ng pagkatawang tao, Siya'y naging alay para sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay at pagkabuhay na muli, nagkaroon tayo ng pag-asa sa buhay na walang hanggan kasama ang Diyos (Juan 3:16).
Kasalanan: Naniniwala ang Scientology sa likas na kabutihan ng tao at tinuturo na kasuklam-suklam at lubos na paghamak na sabihin sa isang tao na siya'y dapat na magsisi o siya ay masama. Sa kabilang dako, itinuturo ng Bibliya na ang tao ay makasalanan at ang tanging niyang pag-asa ay tanggapin si Kristo bilang kanyang Panginoon at Tagapagligtas (Mga Taga-Roma 6:23).
Kaligtasan: Ang Scientology ay naniniwala sa muling pagkakatawang-tao at ang personal na kaligtasan ng sariling buhay ay kalayaan mula sa paulit-ulit na kapanganakan at kamatayan. Naniniwala sila na ang mga gawaing panrelihiyon ang paraan tungo sa karunungan, pag-unawa at kaligtasan. Sa kabilang banda, itinuturo sa Bibliya na mayroon lamang nag-iisang daan para sa kaligtasan at yun ay sa pamamagitan ni Hesukristo. Sinabi mismo ni Hesus "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko" (John 14:6).
Sa paghahambing sa mga katuruan ng Scientology sa Bibliya, makikita natin na napakaliit, kung mayroon man, ang kanilang pagkakatulad. Inilalayo lamang tayo ng Scientology sa Diyos at buhay na walang hanggan. Habang pilit na nagpapanggap ang Scientology na ang kanilang paniniwala ay "tunog Kristiyano", ang katotohanan ay salungat ito sa mga pangunahing paniniwala ng Kristiyanismo. Tiyak at napakalinaw na ang Scientology ay isang kulto at hindi kabilang sa Kristiyanismo.
English
Ang Scientology ba ay kabilang sa Kristiyanismo o isang kulto?