settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sekular na humanismo (secular humanism)?

Sagot


Ang hangad ng sekular na humanismo (secular humanism) ay ang pagkilala ng sangkatauhan na hindi ito bahagi sa mga nilikha at mayroon itong walang hanggang kalikasan; ang layunin nito ay ang patuloy na pamumuhay ng tao ng hindi kumikilala o umaasa sa Diyos. Nag-umpisa ang sekular na humanismo mula sa panahon ng Enlightenment noong ika-18 siglo at panahon ng malayang pag-iisip noong ika-19 na siglo. Maaaring mabigla ang ilang Kristiyano kung malaman nila na may relasyon sila sa mga tagasunod ng sekular na humanismo. Maraming Kristiyano at mga nagsusulong ng sekular na humanismo ang magkakapit-bisig para sa katwiran, malayang pagsisiyasat, ang paghihiwalay ng iglesia at estado, tamang kalayaan, at moral na edukasyon; ngunit, magkaiba sila sa maraming bagay. Ibinabase ng mga tagasunod ng sekular na humanismo ang moralidad at pananaw nila tungkol sa hustisya sa katalinuhan na walang kinalaman sa Banal na Kasulatan, bagay na sinasandalan ng mga Kristiyano para sa kaalaman tungkol sa tama at mali, at mabuti at masama. At kahit na pinapaunlad at ginagamit ng mga tagasunod ng sekular na humanismo at mga Kristiyano ang agham at teknolohiya, para sa mga Kristiyano ang mga bagay na ito ay ginagamit para pagsisilbi ng tao sa kaluwalhatian ng Diyos, ngunit para sa mga tagasunod ng sekular na humanism, ang mga bagay na ito ay para sa pangangailangan ng sangkatauhan at wala itong kinalaman sa Diyos. Sa pagsasaliksik nila tungkol sa pinagmulan ng buhay, hindi kinikilala ng sekular na humanismo na ang Diyos na lumikha ng tao mula sa alikabok ng lupa, Siyang lumikha sa mundo at sa lahat ng mga nabubuhay na nilalang mula sa wala. Para sa sekular na humanismo, walang-hanggan ang kalikasan at isang puwersa na nakasalalay sa kanyang sarili at hindi sa Diyos.

Maaaring magtaka ang mga secular humanists kung malaman nila na marami rin sa mga Kristiano ang kagaya nilang nag-aalinlangan sa relihiyon at gumagamit din ng kritikal na pag-iisip sa edukasyon. Kagaya ng mga taga-Berea, binabasa at pinakikinggan ng mga Kristiyanong “humanists” ang mga tagubilin, ngunit sinusuri namin ang lahat ng bagay ayon sa Banal na Kasulatan (Gawa 17:11). Hindi lang namin basta tinatanggap ang bawat deklarasyon at pananaw na pumapasok sa aming isipan. Sinusubok namin ang lahat ng ideya at “kaalaman” base sa ganap na pamantayan ng salita ng Diyos para masunod ang Panginoon naming si Cristo (tingnan 2 Corinto 10:5; 1 Timoteo 6:20). Naiintindihan ng mga Kristiyanong “humanists” na nakatago ang lahat ng yaman ng karunungan at kaalaman kay Cristo (Colosas 2:3) at sinisikap na nilang lumago sa ganap na kaalaman sa bawat mabuting bagay para sa paglilingkod kay Kristo (Filipos 1:9; 4:6; cf. Colosas 1:9). Di gaya ng mga sekular na humanists na tumatanggi sa lahat ng naihayag na katotohanan, naninindigan kami sa salita ng Diyos bilang pamantayan kung paano namin sinusukat ang kalidad ng lahat ng bagay. Hindi maipaliwanag ng ganap ng maiksing komentaryo ang Kristiyanong humanismo, ngunit nakakadagdag ito ng buhay at pagka-ugnay sa klinikal na kahulugan mula sa mga lexicon (e.g., ang Webster's Third New International Dictionary na nagbigay paliwanag sa Kristiyanong humanismo bilang “isang pilosopya na nagtataguyod ng pagkakuntento ng tao ayon sa pamantayan ng prinsipyong Kristiyano.”)

Bago natin tingnan ang tugon mga Kristiyano sa sekular na humanismo, pag-aralan muna natin ang terminong humanism o humanismo. Pangkaraniwan na ang humanismo ay konektado sa muling pagsilang ng makalumang kaalaman at kultura na nangyari noong Renaissance. Noong panahong ito, pinayabong ng mga “humanists” ang mahigpit na paraan ng karunungan na ayon sa mga pamantayan ng mga Griego at Romano. Sinusubukan nilang bumuo ng bagong istilong Latin (sa literatura at sining ng plastik) at mga institusyong pampulitika na nakabatay sa kanila. Ngunit bago pa ang renaissance, maunlad na ang “Kristiyanong humanismo” sa mga gawain at isipan nina Augustine, Acquinas, Erasmus, at iba pa. Nakita pa ng iba kay Plato na isang paganong pilosopo ang isang uri ng pag-iisip na tugma sa katuruan ng Kristiyanismo. Kahit na maraming mabubuting bagay kay Plato, ang kanyang mga palagay at konklusyon ay hindi ayon sa Bibliya. Naniniwala si Plato, kagaya ni Nietzsche, sa “walang-hanggang paulit ulit na pagsilang” (muling pagkakatawang tao/reincarnation); nagbibigay pugay siya (at karamihan sa mga Griego) sa kanilang mga diyos, ngunit para sa kanila ang tao ang sukatan ng lahat ng bagay. Itinatanggi ng kasalukuyang sekular na humanismo ang parehong Kristiyanong elemento ng kanyang tagapagpauna at ang mahahalagang katotohanan mula sa Bibliya kagaya ng katotohanang taglay ng tao ang larawan ng kanyang Manlilikha, ang Diyos na nahayag sa Bibliya at sa buhay at ministeryo ng Panginoong Hesus.

Noong panahon ng rebolusyon sa agham, hinamon ng mga pagsisiyasat at tuklas ng mga dalubhasang siyentipiko na maaaring ibilang na mga humanists (kagaya nila Copernicus at Galileo) ang mga doktrina ng Romano Katoliko. Tinanggihan ng Roma ang mga tuklas ng makabagong agham at nagpalabas sila ng mga kasalungat na pahayag tungkol sa mga bagay na nasa labas ng saklaw ng pananampalataya. Pinanindigan ng Vatican na dahil nilikha ng Diyos ang kalangitan, kailangang ipakita ng mga ito ang “kaganapan” ng kanilang Manlilikha; kaya tinanggihan nito ang mga tuklas ng mga astronomo na ang mga daang-tala ng mga planeta ay lapad at hindi pabilog, bagay na dating pinapaniwalaan, at ang araw ay may mga “bahaging” mas malamig o mas madilim. Ang mga obserbasyong ito at napapatunayang mga katotohanan at ang mga taong nakatuklas sa mga ito ay hindi sumasalungat sa katuruan ng Bibliya; nangyari noong Enlightenment noong ika-18 hanggang ika-19 na siglo na lumaganap sa buong Europa at namayagpag sa Germany ang tunay na pagbaling ng mga katotohanang naipahayag sa Bibliya tungo sa naturalistikong humanismo—nakikilala sa pagtanggi sa kapangyarihan at katotohanan ayon sa Bibliya at patungo sa sekular na uri ng humanismo.s

Maraming mga pantheists, atheists, agnostics, rationalists, at skeptics ang sumunod sa ilang mga intelektwal na proyekto ang hindi kumilala sa nahayag na katotohanan. Sa kanilang hiwalay at kakaibang paraan, hinanap nila Rousseau at Hobbes ang amoral at makatwirang solusyon sa suliranin ng tao; bukod dito, ang mga gaya ng Phenomenology of Spirit ni Hegel, Critique of Pure Reason ni Kant, at The Science of Knowledge ni Fichte ang naglatag ng teoretikal na pundasyon para sa mga sumunod na secular humanists. Nasa malay man o wala, nag-umpisa ang mga akademiko at sekular na humanists sa pundasyon na yan kapag itinataguyod nila ang mga “makatwirang” paraan sa pagharap sa mga problemang sosyal at etikal at sa antinomian na uri ng pagkilala sa sarili kagaya sa mga saklaw ng kalayaan ng bawat isa at kalayaang mamili sa sekswal na relasyon, panganganak, at boluntaryong pagpatay dahil sa awa. Sa saklaw ng kultura, nakasalalay ang mga secular humanists sa mapanuring paraan sa pagpapaliwanag ng Bibliya at itinatanggi nila ang posibilidad ng pakikialam ng Diyos sa kasaysayan ng tao; sa kabutihang palad, kinikilala nila ang Bibliya bilang “banal na kasaysayan.”

Kapag sa tawag na “higher criticism,” tanyag ito sa mga paaralan ng teolohiya at itinataguyod nito ang kanyang makatwiran o anthropocentric na paraan sa pag-aaral sa Bibliya. Mula sa Germany, noong huling bahagi ng ika-19 siglo, sinikap ng “higher criticism” na gamitin ang “likuran ng mga dokumento at ipawalang bisa ang mensahe ng Bibliya. Gaya ng sinabi ni Darrell L. Block, tinrato ng mapaghaka-hakang katangian ng higher criticism ang Bibliya “bilang isang malabong salamin ng nakaraan” at hindi bilang isang ganap na kasaysayan ng buhay at katuruan ni Cristo at ng Kanyang mga apostol (“Introduction” in Roy B. Zuck and D. L. Bock, A Biblical Theology of the New Testament, 1994, p. 16). Halimbawa, sa Theology of the New Testament ni Rudolf Bultmann na isa sa mga pinakatanyag na tagapagtaguyod ng higher criticism, masyado siyang sumandig sa mga mapanuring pagpapalagay. Kagaya ng sabi ni Bock, ang nagsulat ay “masyadong nagduda sa paglalarawan ng Bagong Tipan kay Cristo at halos hindi na niya tinalakay ang teolohiya tungkol kay Hesus” (ibid).

Habang minamaliit ng higher criticism ang pananampalataya ng ilan, mahusay naman na dinepensahan ng ilan gaya nila B. B. Warfield ng Princeton Seminary, William Erdman, at iba pa ang Bibliya bilang Salita ng Diyos. Halimbawa, sa pagsagot sa mga mapagduda na umusisa sa maagang petsa ng pagkasulat ni Juan sa ikaapat na Ebanghelyo, dinepensahan ni Erdman at ng iba pang mga tapat na lingkod ng Panginoon ang mga mahahalagang bagay sa pamamagitan ng mapanuring paraan at sa kaparehong kaalaman.

Gayun din sa pilosopiya, pulitika, at teoryang panlipunan, gumamit rin ang mga gurong Kristiyano, hurado, manunulat at artista ng parehong armas sa pagdedepensa sa pananampalataya at sa panghihikayat ng mga puso at isip para sa Ebanghelyo. Gayunpaman, sa maraming larangan ng katalinuhan malayo pa sa katapusan ang labanan. Halimbawa, sa pangkat ng literatura sa ibayo ng mundo ng akademya, patuloy paring nangunguna ang mga ideya ni Ralph Waldo Emerson. Ang panteismo ni Emerson ay katumbas sa pagtanggi kay Cristo; mapanlinlang ito at maaari niyang libangin ang isang taong mapaniwalain na lumayo sa Ebanghelyo. Pinaninindigan ni Emerson na ang “Over Soul” sa bawat isa ang pananggagalingan ng kanyang kaligtasan at katotohanan. Sa pagbabasa sa mga sinulat nila Emerson at Hegel, kailangang mag-ingat, laging isaisip ang Salita ng Diyos at manatiling masunurin dito ang mga Kristiyano (lalo na ang mga nagtatanggol ng pananampalataya para sa mga banal [Judas 3]).

Minsan nag-uusap ng masinsinan ang mga Kristiyano at mga sekular humanists tungkol sa batayan ng kaayusan ng sansinukob. Tawagin man nila itong katwiran o prime mover ni Aristotle, tama ang ilang secular humanists sa konklusyong kailangan ang moral na Katotohanan para sa moral na kaayusan. Kahit marami ang ateismo sa mga sekular na humanists, mataas ang paggalang nila sa katwiran; kaya pwedeng makipagdyalogo sa kanila ang mga Kristiyanong apologists tungkol sa Ebanghelyo, gaya ng ginawa ni Pablo sa Gawa 17:15-34 noong nagsalita siya sa harapan ng mga taga Atenas.

Paano ba haharapin ng isang Kristiyano ang sekular na humanismo? Para sa mga tagasunod ng Daan (Gawa 9:2; 19:19, 23), kahit anong lehitimong uri ng humanismo ay dapat maniwala sa ganap na pagkaunawa sa kakayahan ng tao na isuko ang makatao niyang pag-iisip at kalooban sa isip at kalooban ng Diyos. Hangad ng Diyos na wala sanang mawawala, at magsisi sana ang lahat at manahin nila ang buhay na walang-hanggan bilang mga Kanyang mga anak (Juan 3:16; 1:12). Parehong hinahangad na gawin ng sekular na humanismo ang mas kulang at mas higit dito. Hangad niyang pagalingin ang mundong ito at luwalhatiin ang tao bilang manlilikha ng kanyang sarili, o tinatawag na progresibong kaligtasan. Sa kalagayang ito, ayos lang para sa “sekular na humanismo ang mga pamalit sa tunay na Ebanghelyo ng Diyos”—halimbawa, ang katuruan ni Yogananda, ang nagtatag ng Self-Realization Fellowship. Sa kabilang dako, sumusunod ang mga Kristiyanong humanists sa pagkaintindi na wala sa mundong ito ang ating kaharian at hindi na makakamit ditto ang kasiyahan, bagamat ipinangako ito ng Diyos sa Israel (Juan 18:36; 8:23). “Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Cristo. Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan” (Colosas 3:1-4). Totoong mataas na pananaw ito tungkol sa ating tadhana bilang mga tao, sapagkat tayo'y mga anak Niya, bagay na binanggit rin ng mga makata (tignan ang tula ni Aratus na “Phainomena”at Gawa 17:28).

Hindi kailangang Kristiyano ang isang tao para mapagtanto na hindi magtatagumpay ang pinalakas na pangangatwiran ng humanismo. Naintindihan ito kahit ni Emmanuel Kant sa pagsusulat niya ng kanyang Critique of Pure Reason noong karurukan ng German Enlightenment. Hindi sana magpasira ang mga tagasunod ni Cristo sa panlilinlang ng pilosopiya at tradisyon ng tao, o magpabihag sa kahit ano mang uri ng humanismo na base sa romantikong pananampalataya sa posibilidad ng sariling pagtanto ng tao sa kanyang sariling kakayahan (Colosas 2:8). Ibinase ni Hegel ang pag-unlad ng tao sa pamantayan ng katwiran bilang espiritu na “nagbibigay ng halimbawa” ng kanyang sarili sa pamamagitan ng progresibong yugto ng dyalektiko ng kasaysayan; ngunit kung nakita sana ni Hegel ang mga digmaang pandaigdig noong ika-20 siglo, walang katiyakan kung igigiit pa rin niya ang pagtuklas sa pag-unlad ng tao sa pagkasira ng kasaysayan. Naiintindihan ng mga Kristiyano na anumang uri ng humanismo na hiwalay sa pagtubos na gawa ng Diyos ay sadyang hindi magtatagumpay at isang huwad na pananampalataya. Mataas ang pagtingin natin sa tao kasabay ng mataas nating pagtingin sa Diyos, dahil nilikha ang sangkatauhan sa larawan ng Diyos, at sumasang-ayon tayo sa Banal na Kasulatan tungkol sa walang pag-asang kalagayan ng tao at sa plano ng Diyos na pagliligtas.

Kagaya ng naobserbahan ni Alexander Solzhenitsyn, walang solusyon na maibibigay ang humanismo sa lahat ng malubhang kalagayan ng sangkatauhan. Ganito ang kanyang sabi: “Kung tama ang humanismo sa pagsasabing ipinanganak ang tao para maging masaya, hindi siya ipapanganak para mamatay. Dahil itinakdang mamatay ang kanyang katawan, maaaring likas na espiritwal ang tungkulin niya sa mundo.” Sa katunayan, ang tungkulin ng sangkatauhan ay ang hanapin ang Diyos (Gawa 17:26-27; cf. 15:17), ang tunay na tagapagligtas natin na nag-aalay sa atin ng mas mabuti kaysa sa makamundong mana (Hebreo 6:9; 7:17). Mamanahin ng sinumang magbubukas ng pinto kay Cristo (Pahayag 3:20) ang mas mabuting bansa, na inihanda ng Diyos para sa mga nagmamahal sa Kanya at mga tinawag ayon sa mga Kanyang mga layunin (Efeso 1:11; Roma 8:28; Hebreo 11:16; cf. Mateo 25:34; Juan 14:2). Gaanong mas maganda ito kaysa sa lahat ng mga dakila at matayog na layunin na nakapaloob sa mga pahayag ng mga secular humanists?

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sekular na humanismo (secular humanism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries