Tanong
Bakit ang Diyos ay mapanibughuing Diyos?
Sagot
Mahalagang maunawaan kung paanong ang salitang “mapanibighuin” o “seloso” ay ginamit sa mga talata ng Bibliya. Ginamit ang salitang ito sa Exodo 20:5 upang ilarawan kung paanong ang Diyos ay naninibugho (Galatia 20:5). Kung ginagamit natin ang salitang “paninibugho,” ginagamit natin ito upang ilarawan ang ating pagkainggit sa nagtataglay ng isang bagay na wala tayo. Ang isang tao ay maaaring mainggit sa kanyang kapwa dahil ito at may magandang kotse o bahay (o mga ari arian). O kaya naman ang isang tao ay maaaring magselos sa isang tao dahil sa kakayahan o abilidad gaya ng pagiging isang atleta at pagiging mahusay sa musika. Isa pang halimbawa ay ang pagkainggit ng isang tao sa kanyang kapwa dahil sa kaguwapuhan o kagandahan nito.
Sa Exodo 20:5, ang Diyos ay hindi nagseselos dahil may isang persona o bagay na nagtataglay ng wala sa Kanya o kinakailangan Niya. Sinasabi sa Exodo 20:4-5, “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin.” Pansinin na ang Diyos ay naninibugho kung ang isang tao ay ibinibigay sa iba ang nararapat para lamang sa Kanya.
Sa Exodo 20:5, hindi naninibugho ang Diyos dahil may isang nagtataglay ng wala sa Kanya. Sa mga talatang ito, ipinakikita ng Diyos na ayaw Niya ang paggawa ng mga diyus diyusan at ang pagyukod at pagsamba sa mga ito dahil ang pagsamba ay tanging sa Kanya lamang dapat iukol. Ipinagdadamot ng Diyos ang pagsamba at paglilingkod na tanging sa Kanya lamang nararapat ibigay. Ang paguukol ng pagsamba at paglilingkod sa iba sa halip na sa Diyos ay isang kasalanan gaya ng sinasabi ng Diyos sa kautusang ito. Isang kasalanan kung tayo ay maiinggit o magselos dahil may isang tao na nagtataglay ng isang bagay o katangian na wala tayo. Ngunit iba ang pagkagamit ng salitang selos o panibugho kung ginagamit ito para sa Diyos. Ang bagay na kanyang ipinagseselos ay nararapat lamang para sa Kanya. Ang pagsamba at paglilingkod ay sa Kanya lamang dapat na ipagkaloob at hindi sa mga diyus diyusan.
Ang isang praktikal na halimbawa upang maunawaan natin ang pagkakaiba ng paninibugho ng tao at ng Diyos ay ito: Kung makita ng isang lalaki ang isang lalaki na nanliligaw o nagpapakita ng pagkagusto sa kanyang asawa, may karapatan siyang magselos o manibugho dahil siya lamang ang may karapatan sa kanyang asawa. Ang uri na ito ng paninibugho ay hindi kasalanan. Sa halip, ito ay nararapat. Ang pagkainggit o paninibugho ay isang kasalanan kung naghahangad tayo ng isang bagay na hindi sa atin. Ang pagsamba, karangalan, at paghanga ay sa Diyos lamang dapat iukol sapagkat Siya lamang ang karapatdapat tumanggap ng mga ito. Kaya nga may karapatan ang Diyos na manibugho kung ang pagsamba, papuri, paggalang at paghanga ay ibinibigay sa mga diyus diyusan. Ito ang uri ng paninibugho na ginamit ni Pablo sa 2 Corinto 11:2, “Sapagka't ako'y naninibugho tungkol sa inyo ng panibughong ukol sa Dios.”
English
Bakit ang Diyos ay mapanibughuing Diyos?