Tanong
Ano ang Septuagint?
Sagot
Ang Septuagint (kilala rin sa tawag na LXX) ay isang salin ng Bibliyang Hebreo sa wikang Griyego. Ang pangalang "Septuagint" ay nagmula sa salitang Latin na katumbas ng salitang “pitumpo” sa Tagalog. Sinasabi sa tradisyon na pitumpo (70) o pitumpo’t dalawang (72) iskolar na Judio ang mga tagapagsalin sa likod ng Septuagint. Ang Septuagint ay isinalin noong ikatlo at ikalawang siglo BC sa Alexandria, Egypt. Habang nasa ilalim ng pamamahala ng Gresya ang Israel. Sa loob ng ilang siglo, naging pangkaraniwan ang salitang Griyego. Sa ikalawa at unang siglo BC, karamihan ng mga tao sa Israel ay nagsasalita ng salitang Griyego bilang kanilang pangunahing wika. Ito ang dahilan kung bakit gumawa ng paraan ang mga iskolar na Judio na isalin ang Bibliyang Hebreo sa wikang Griyego—upang ang mga hindi nakakaunawa ng salitang Hebreo ay magkaroon ng salin ng Kasulatan sa wikang kanilang naiintindihan. Ang Septuagint ay sumisimbolo sa unang pangunahing pagsisikap sa pagsasalin sa ibang wika ng isang mahalagang kasulatang panrelihiyon.
Sa pagkukumpara sa mga pagbanggit sa Bagong Tipan ng Bibliya sa wikang Hebreo, malinaw na ang Septuagint ang laging ginagamit. Marami sa mga talatang binanggit sa Bagong Tipan na mula sa Bibliyang Hebreo ay hinango sa Septuagint. Ito ay resulta ng katotohanang noong huling bahagi ng unang siglo BC, at lalo’t higit noong unang siglo AD, "pinalitan" ng Septuagint ang Bibliya sa saling Hebreo bilang Kasulatan na laging ginagamit ng mga tao. Dahil mas marami ang nagsasalita ng wikang Griyego at nakakabasa sa wikang Griyego bilang kanilang pangunahing wika, naging mas pangkaraniwan ang Septuagint kaysa sa Lumang Tipan sa wikang Hebreo. Habang nagsikap ang mga tagapagsalin ng Septuagint na gawing eksakto ang pakahulugan ng wikang Hebreo sa wikang Griyego, may lumitaw na ilang pagkakaiba sa salin. Ngunit ang katotohanan na komportable ang mga apostol at mga manunulat ng Bagong Tipan sa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu sa paggamit ng Septuagint ang nagbibigay sa atin ng katiyakan na ang salin mula sa orihinal na wikang Bibliya ay nananatili bilang makapangyarihang Salita ng Diyos.
English
Ano ang Septuagint?