Tanong
Anong prinsipyo ng bibliya ang dapat ipatupad sa isang seremonya ng kasalang Kristiyano?
Sagot
Ang prinsipyo ng Bibliya ay maaaring gamitin sa bawat aspeto ng buhay, kabilang na ang seremonya ng kasalang Kristiyanong. Gayunman, may pagkakaiba sa paghahanda para sa seremonya ng kasal at sa paghahanda para sa mismong pagpapakasal. Maraming tao ang mas nagbibigay ng pansin at mas iniisip ang seremonya kaysa sa kanilang kinabukasan bilang mag-asawa at ang mga estatistika ng diborsyo ay nagpapakita nito. Subalit kapag ang mga Kristiyano ay ikinasal, maaaring gabayan ng mga prinsipyo ng Bibliya ang bawat bahagi ng seremonya at ng magiging pagsasama. Kapag ang mga prinsipyo na ito ay sinusunod at iginagalang, hindi lamang seremonya ang may kabuluhan, kundi ang mismong pag-aasawa ay itinatag sa matibay na pundasyon.
Ang mga seremonya ng kasal ay nagkakaiba depende sa kultura. Ang seremonya ng kasal ng mga Kristiyano ay maaaring magkaiba sa istilo, haba, gastos, at mga bahagi nito ngunit sila’y patuloy na nagbibigay-galang sa Diyos. Ang mga bahagi na pinipili ng isang mag-asawa na isama sa seremonya ay hindi gaanong mahalaga. Mas mahalaga ang puso ng ikakasal at ang kanilang kahandaang sundin ang Diyos sa kanilang buhay at pamilya. Bilang tanda ng kanilang mga pangako, karaniwang kasama sa seremonya ng kasal ng mga Kristiyano ang mga sumusunod:
1) Isang maikling pangangaral ng pastor mula sa Bibliya
2) Pagpapalitan ng mag-asawa ng kanilang mga pangako at ng singsing
3) Panalangin para sa mag-asawa
4) Sa isang seremonya ng kasalang Kristiyano, maaaring isama ang mga simbolikong gawain na kumakatawan sa pagkakaisa ng dalawang indibidwal. Ito ay maaaring ang pagsisindi sa isang kandila ng pagkakaisa, pagsasama ng dalawang kulay ng buhangin sa isang saro bilang alaala, o anumang iba pang malikhaing paraan para maipahayag ng mag-asawa ang kanilang pagiging lisa.
Sa isang seremonya ng kasalang Kristiyano, maaaring isama ang isang imbitasyon para sa mga bisita para tumugon sa isang mensahe ng kaligtasan.
Ang pinakamahalagang prinsipyo sa Bibliya sa seremonya ng kasalang Kristiyano ay ang pangunawa kung ano ang kasal at kung paano ito tinitingnan ng Diyos. Sa ilang kultura, itinuturing ang kasalan bilang isa lamang sa maraming opsyon para sa pagtatatag ng isang tahanan, na dapat panatilihin hangga't nais ito ng parehong panig. Ngunit ang pagsasama ng hindi kasal ay kasalanan ayon sa Kasulatan at hindi dapat ituring na isang opsyon para sa mga Kristiyano (tingnan ang Hebreo 13:4). Ang pangunawa sa layunin ng kasal ay tutulong sa mag-asawa na piliing igalang ang Diyos sa kanilang relasyon at magtatakda rin sa mga seremonyang kanilang idinisenyo.
Ang kasalan ay ideya ng Diyos, at itinatag niya ang kahulugan at mga hangganan nito. Sa Hardin ng Eden, nilikha ng Diyos ang isang babe (Eva) para sa isang lalake (Adan), na sinasabi, "Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong" (Genesis 2:18). Sinabihan sila ng Diyos na "humayo kayo at magpakarami" (Genesis 1:22), isang utos na maaari lamang tuparin sa pamamagitan ng pagkakaisa ng dalawang magkaibang kasarian. Pinagtibay ni Jesus ang katotohanang ito sa Bagong Tipan nang paalalahanan Niya ang mga nagtanong sa permanenteng kasal na "subalit simula pa ng likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang niya ang tao na lalake at babae. ‘Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa at ang dalawa'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” (Marcos 10:6-9).
Maraming prinsipyo tungkol sa kasal ang malinaw mula sa Kasulatan:
1. Ang kasal ay ayon sa disenyo ng Diyos, sa pagitan ng isang lalake at isang babae habangbuhay (Genesis 2:18, 22).
2. Kasal ang nagpapakita ng pagkakaisa sa dalawang magkaibang indibidwal upang maging isang bagong katauhan, isang bagong pamilya (Genesis 2:23-24).
3. Saksi mismo ang Diyos sa dalawang tao na Kanyang pinag-isa (Malakias 2:13-15).
4. Ang diborsyo ay hindi isang opsyon sa orihinal na disenyo ng Diyos (Mateo 19:7-10).
5. Ang kasal ay isang maliit na pagtingin sa pagmamahal ni Kristo sa Kanyang asawa, ang iglesya (Efeso 5:31-32).
Kung isinasaalang-alang ng mga Kristiyanong mag-asawa ang mga prinsipyong ito, ang mga seremonyang kanilang idinisenyo ay maaaring maging maganda, makabuluhan, at nagbibigay-galang sa Diyos nang hindi gumagastos ng malaki. Ang karangyaan ng seremonya ng kasal ay walang kinalaman sa bisa ng kasal at sa magiging resulta nito. Ngunit, kapag ang mga prinsipyong Biblikal ay ipinatupad sa seremonya ng isang Kristiyanong kasal, ang mga prinsipyong ito ay magiging makabuluhan sa mag-asawa sa buong buhay nila at magbibigay ng matatag at pangmatagalang pundasyon para sa kanilang mga buhay.
English
Anong prinsipyo ng bibliya ang dapat ipatupad sa isang seremonya ng kasalang Kristiyano?