Tanong
Magkakaroon ba ng sex sa langit?
Sagot
Hindi binabanggit ng Bibliya ang paksa ng sex sa langit. Kung walang malinaw na pahayag sa Banal na Kasulatan tungkol sa bagay na ito, hindi natin masasabi ang “oo” o “hindi” tungkol sa posibilidad ng pakikipagtalik sa langit. Gayunman, tinatalakay ang kaugnay na paksa na: kasal sa langit o sa mas tiyak na salita ay kasal pagkatapos ng pagkabuhay-muli.
Sa Mateo 22, tinangka ng mga Saduceo na siraan si Jesus sa pamamagitan ng pagtatanong na itinuturing nilang mahirap na tanong tungkol sa kasal at muling pagkabuhay. Lumapit sila sa Kanya at ipinakita ang isang kaso kung saan ang isang babae ay ikinasal ng maraming beses sa kanyang buong buhay. Tinanong nila kung sino sa mga naging asawa niya sa lupa ang magiging asawa niya sa muling pagkabuhay: “Kanino siya magiging asawa,… sapagkat naging asawa siya ng lahat?” (talata 28). Sinagot sila ni Jesus ng mga salitang ito: “Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit” (talata 30). Ang sinabing walang kasal sa langit ay nagmumungkahi na walang pakikipagtalik sa langit, bagama’t hindi ginawa ng Panginoon ang tahasang konklusyong ito. Ang simpleng turo ni Jesus sa Mateo 22:29-32 ay 1) magaganap ang muling pagkabuhay at 2) hindi na magiging bahagi ng ating karanasan ang pag-aasawa. Tila ang kasiyahan ng pag-aasawa sa buhay na ito ay hindi madadala sa kabilang buhay. Ang kaganapan doon ay magiging kakaiba sa kung ano ang nakasanayan natin dito ngayon. Mula sa katotohanan na walang pag-aasawa sa langit ay isinasa-alangalang natin ang dalawang bagay:
Walang magaganap na pagpaparami sa langit. Ang bilang ng mga tinubos ay itinakda na at dahil wala ng kamatayan, walang pangangailangan para magparami ng lahi ng tao.
Walang pakikipagtalik sa langit. Ang mga kagustuhan at pagnanasa ng mundong ito ay bibigyan-daan sa mas mataas at lubos na nakakasiyang mga kaluguran sa darating na mundo.
Sa langit walang pangangailangan ng pakikipagtalik gaya ng iba pang mga bagay. Sa loob ng maraming siglo, ang templo sa Jerusalem at ang mga handog na iniaalay doon ay siyang sentro ng pagsamba ngunit nang inialay ni Kristo ang Kanyang sarili bilang pinakahuling handog, ang templo at ang sistema ng paghahain ay hindi na kinakailangan (Juan 4:22-23). Sila ang naging “larawan ng mga bagay na makalangit” (Hebreo 9:23). Sa parehong paraan, isang larawan ng ating relasyon kay Kristo ang relasyon ng pag-aasawa (Efeso 5:31-32) Kapag tayo ay kasama na si Kristo, hindi na kailangan ang ilustrasyon. Magkakaroon tayo ng tunay na karanasang higit na mas mahusay kaysa sa anumang karanasan sa lupa. Kaya’t tinatawag si Jesus na lalaking kasintahan, tinatawag naman ang iglesya na Kanyang kasintahang babae, at ang ating pagdiriwang sa langit ay tinatawag na Kasalan (Juan 3:29, Mateo 22:1-14, Pahayag 19:7-9).
English
Magkakaroon ba ng sex sa langit?