settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Shamanismo (shamanism)?

Sagot


Ang Shamanismo (Shamanism) ay isang huwad na pananaw at kalaban ng Kristiyanismo kung saan ang tagapamagitan sa natural at supernatural ay tinatawag na Shaman. May kaugnayan ang Shamanismo sa Animismo (Animism), ang paniniwala na naninirahan ang mga espiritu sa pisikal at espiritwal na mundo. Ang Animismo ang isa sa mga pinakamatandang sistema ng paniniwala na umiiral pa rin hanggang ngayon at makikita sa maraming komunidad ng mga sinauna at makabagong tribo sa buong mundo. Nakikita ang pagbabalik nito sa ngayon sa mga grupong neo-shamanistic.

Laging inihahalo ang paniniwala ng Shamanismo sa ibang sistema ng paniniwala kasama ang Islam at Kristiyanismo at pagkatapos ay kikilalanin bilang orihinal na relihiyon ng isang lugar. Sa tuwina, hindi nagiisa sa kanyang sarili ang shamanismo/animismo bilang isang relihiyon kundi tipikal na inihahalo ito sa paganismo, politeismo at sistema ng paniniwalang New Age.

Ang salitang Shaman ay nanggaling sa wikang Siberian Tungus at nangangahulugang "isang taong nakakaalam." Ang mga kahalintulad na salita ay espiritista, albularyo, mananawas, mangkukulam, nagpapalayas ng masamang espiritu, manghuhula, kumakausap sa kaluluwa ng patay at tumatawag ng espiritu.

Sa sistema ng paniniwala ng Shamanismo, ang isang shaman ay nagsisilbing tagapamagitan sa pagitan ng pisikal at espiritwal na mundo. Tinatawag ng mga tao sa komunidad ang mga shaman kung may nagkasakit, napilayan, may kalamidad, kung umaatake ang mga kalaban, o anumang oras na may hindi balanse sa pisikal at espiritwal na mundo. Itinuturo ng mga shaman na ang lahat ng bagay ay may espiritwal na dahilan at ang espiritwal na mundo ang komokontrol sa pisikal na mundo, kaya ang susi upang mapabuti ang anumang masamang kalagayan ay nasa espiritwal na mundo. Ang pananaw ng shamanismo sa mundo ay katulad ng sa okultismo. Upang makamit ang ninanais na resulta sa pisikal na dimensyon, nagtitiwala ang isang shaman sa kanyang kasanayan at sa kapangyarihan ng mga bagay na kanyang ginagamit sa pagsasagawa ng mga ritwal.

Sa sistema ng paniniwala ng animismo/shamanismo, ang mundo ay isang nakakatakot na lugar na puno ng mga espiritu na dapat na pahupain ang galit. Kung bibigyan sila ng kasiyahan, maaari nilang pagpalain ang mga tao ngunit kung gagalitin, maaari silang maghiganti at saktan ang mga tao at bigyan sila ng sakit. Binabayaran ang mga shaman upang pumasok sa mundo ng mga espiritu upang malaman ang dahilan ng mga kalamidad at humanap ng paraan upang magkaroon ng kagalingan at kaayusan. Kinatatakutan sila at may malaking impluwensya sa kanilang mga tribo habang inaangkin nila na may kapangyarihan silang magpagaling ng maysakit, pumatay o manakit. Kaya nga hindi lamang ang mga espiritu ang dapat na paamuin, dapat ding bigyang kasiyahan ang mga shamans.

Sa tuwina, gumagamit ang mga shamans ng mga gamot na nakakawala sa sarili, sinusugatan ang sarili o hindi kumakain sa loob ng maraming araw para makamit ang isang kakaibang pagiisip. Maaaring maging bahagi ng kanilang seremonya ang mga anting-anting, kampanilya, tambol, kanta, sayaw at paggawa ng mga tunog. Tumatawag din ang mga Shamans ng mga espiritu ng hayop at gumagamit ng mga kasangkapan gaya ng mga bato at mga buto na pinaniniwalaang nagtataglay ng espesyal na kapangyarihan. Maaari din silang tumawag ng kaluluwa ng mga namatay, espiritu ng mga hayop, o espiritu ng mga bato o puno upang magsilbing gabay. Itinuturo ng Shamanismo na may mga lugar na makapangyarihan at nagbibigay ng daan patungo sa espiritwal na dimensyon.

Kahit na sa mga tagasunod ng sistema ng paniniwalang ito, kinikilala ang papel ng shaman bilang isang mapanganib na gawain. Napakamapanganib ang pagpasok sa espiritwal na dimensyon. Posibleng maranasan ang depresyon, pagkawala ng katinuan, at kamatayan dahil sa paggamit ng mga gamot.

Ang shamanismo ang nasa likod ng sistema ng paniniwala sa mga lugar na pinangyarihan ng mga kaganapan sa Bibliya. Inutusan ng Diyos ang Kanyang bayan laban sa pakikipagasawahan sa mga tao sa mga bansa sa kanilang paligid at sa pagsamba sa mga espiritu na laganap noon sa Lupang Pangako. Binabanggit sa Deuteronomio 18:9-13 at iba pang mga talata ang mahigpit na utos ng Diyos laban sa pagsangguni sa mga espiritista, albularyo, mananawas, mangkukulam, nagpapalayas ng masamang espiritu, manghuhula, kumakausap sa kaluluwa ng patay at tumatawag ng espiritu (Levitico 18:21; 20:2, 4, 6, 27; 2 Hari 17:31; 2 Cronica 28:3; 33:6, Isaias 57:5; Ezekiel 16:21; Galacia 5:19–21).

Itinuturo ng Bibliya na nabubuhay tayo sa teritoryo ng kaaway. Tinutukoy sa 1 Pedro 5:8 ang espiritwal na digmaang ito at ang katotohanan ng hindi nakikitang mundo sa ating paligid. Bilang mga Kristiyano, hindi tayo dapat magtiwala sa mga shamans, sa isinasagawa nilang ritwal, o sa kanilang mga anting-anting. Sa halip, ang ating pagtitiwala ay sa kapangyarihan ng Sallita ng Diyos (Hebreo 4:12), sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu (1 Corinto 2:4), at sa kapangyarihan ng Ebanghelyo (Roma 1:16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Shamanismo (shamanism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries