settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kaluwalhatiang Shekinah (Shekinah glory)?

Sagot


Ang salitang shekinah ay hindi makikita sa Bibliya kundi ang konteksto nito. Ang mga Hudyong Rabbi ang lumikha ng ekspresyong ito na hindi makikita sa Bibliya. Ito ay isang anyo ng isang salitang Hebreo na literal na nangangahulugang “Siya ay nanahan” na nagpapahiwatig na ito ay pagdalaw ng Diyos o pananahan ng Panginoong Diyos sa mundong ito. Ang Shekinah ay unang nasaksihan noong makarating ang mga Israelita sa Sucot sa kanilang pagtakas mula sa Ehipto. Doon nagpakita ang Panginoon sa anyo ng haliging ulap sa araw at haliging apoy sa gabi. “Umalis sila ng Sucot at tumigil muna sa Etam bago pumasok ng ilang. Sa kanilang paglalakbay araw-gabi, patuloy silang pinapatnubayan ni Yahweh: kung araw ay sa pamamagitan ng haliging ulap at kung gabi'y sa pamamagitan naman ng haliging apoy na tumatanglaw sa kanila. Laging nasa unahan nila ang haliging ulap kung araw at ang haliging apoy kung gabi” (Exodo 13:20–22).

Nakipagusap ang Diyos kay Moises sa haliging apoy sa Exodo 33 habang tinitiyak sa kanya na sasama sa mga Israelita ang Kanyang presensya (t. 9). Sinasabi sa talata 11 na nakipagusap ang Diyos kay Moises ng “mukhaan” mula sa ulap, ngunit ng hilingin ni Moises na makita ang kaluwalhatian ng Diyos, sinabi sa kanya, “ngunit hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon” (t. 20). Kaya, ang nakikitang manipestasyon ng kaluwalhatian ng DIyos ay hindi maaaring makita sa kabuuan. Nang hilingin ni Moises na makita ang kaluwalhatian ng Diyos, itinago ng Diyos si Moises sa isang bato, tinakpan siya ng Kanyang kamay at saka Siya dumaan. Pagkatapos inalis ng Diyos ang Kanyang kamay at ang nakita lang ni Moises ay ang Kanyang likod. Tila nagpapahiwatig ito na ang kaluwalhatian ng Diyos ay sobrang kagila-gilalas at makapangyarihan para makita ng buo ng sinuman.

Ang nakikitang manipestasyon ng presensya ng Diyos ay nakita hindi lamang ng mga Israelita kundi maging ng mga Ehipsyo: “Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio'y ginulo ni Yahweh mula sa haliging apoy at ulap. Napabaon ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makahabol nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat si Yahweh na ang kalaban natin” (Exodo 14:24-25). Ang presensya lamang ng Diyos ay sapat na para kumbinsihin ang Kanyang mga kaaway na hindi Siya kayang tanggihan ng sinuman.

Sa Bagong Tipan, si Jesu Cristo ang tahanan ng kaluwalhatian ng Diyos. Sinasabi sa atin sa Colosas 2:9: “Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao,” kaya nga sinabi ni Jesus kay Felipe, “Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama” (Juan 14:9). Kay Cristo, nakikita natin ang kaluwalhatian ng Diyos mismo sa ikalawang persona ng Trinidad. Bagama’t natatakpan din ang Kanyang kaluwalhatian, si Jesus ang presensya ng Diyos sa mundo. Kung paanong ang presensya ng Diyos ay tumira sa isang karaniwang tolda na tinatawag na “Tabernakulo” bago itayo ang templo sa Jerusalem, gayun din naman, ang Kanyang presensya ay nanahan sa isang karaniwang tao na si Jesus. “Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin, walang taglay na pang-akit para siya ay lapitan” (Isaias 53:2). Ngunit pagadting natin sa langit, makikita natin pareho ang Ama at ang Anak sa kanilang kaluwalhatian at hindi na matatakpan ang buong kaluwalhatian ng Diyos (1 Juan 3:2).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kaluwalhatiang Shekinah (Shekinah glory)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries