Tanong
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng Sheol, Hades, Impiyerno, Dagat dagatang apoy, Paraiso at sinapupunan ni Abraham?
Sagot
May iba’t ibang terminolohiya ang ginagamit sa Bibliya para sa langit at impiyerno: sheol, hades, gehenna, dagat dagatang apoy, paraiso, at sinapupunan ni Abraham, at ang mga ito ay paksa ng maraming debate at maaaring nakakalito sa marami.
Ang salitang “paraiso” ay ginagamit na kasing kahulugan ng “langit” (2 Corinto 12:4; Pahayag 2:7). Nang malapit ng mamatay ang Panginoong Hesu Kristo sa krus, at humingi sa Kanya ng kahabagan ang magnanakaw na kasama Niyang nakapako sumagot si Hesus, “Ngayundin isasama kita sa paraiso” (Lukas 23:43). Alam ni Hesus na nalalapit na ang Kanyang kamatayan at tutungo na Siya sa langit sa Kanyang Ama. Tinukoy ni Hesus ang “paraiso” na kasing kahulugan ng “langit.” Ang salitang ito ay nakilala bilang isang lugar ng perpektong kagandahan at kasiyahan.
Tinukoy ang salitang “sinapupunan ni Abraham” na minsan lamang sa buong Bibliya, sa kuwento tungkol kay Lazaro at lalaking mayaman sa Lukas 16:19-31. Ginamit sa Talmud na kasingkahulugan ng “langit” ang larawan sa kuwento tungkol kay Lazaro na nakahilig sa dibdib ni Abraham gaya ng paghilig ni Juan sa dibdib ni Hesus sa huling hapunan. May magkakaibang opinyon kung ano ang kahulugan ng sinapupunan ni Abraham. May mga naniniwala na ang kalagayang ito ay kapareho ng “langit” pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ng Mesiyas. May mga naniniwala naman na ang sinapupunan ni Abraham ay ang “paraiso” sa Hades bago ang pagpapapako kay Hesus sa Krus. Mapapansin sa kuwento na nakikita ng mayaman si Lazaro sa kanyang kagalakan at may isang malalim na bangin na nakapagitan sa kanila na hindi kayang tawirin ng sinuman (Lukas 16:26).
Sa Kasulatang Hebreo, ang salitang ginamit upang ilarawan ang lugar na pinupuntahan ng mga patay ay Sheol. Ito’y simpleng nangangahulugan na “lugar ng mga patay” o “lugar ng mga yumaong kaluluwa/espiritu.” Ang salitang Griyego sa Bagong Tipan na gehenna ay ginagamit din sa Bagong Tipan para sa “impiyerno” at nagmula sa salitang Hebreo na hinnom. Ang iba pang aklat sa Bagong Tipan ay nagpapahiwatig na ang sheol/hades ay isang pansamantalang lugar kung saan pumupunta ang kaluluwa ng mga hindi mananampalataya at naghihintay para sa kanilang pagkabuhay na mag-uli at paghuhukom ni Kristo sa Dakilang Tronong Puti. Ang kaluluwa/espiritu naman ng mga mananampalataya ay dumidiretso sa presensya ng Diyos sa langit/paraiso/sinapupunan ni Abraham pagkatapos ng kamatayan (Lukas 23:43; 2 Corinto 5:8; Filipos 1:23).
Ang dagat dagatang apoy na binanggit sa Pahayag 19:20 at 20:10, 14-15, ay ang huling impiyerno, ang lugar ng walang hanggang pagdurusa para sa mga rebelde sa Diyos na hindi nagsipagsisi, maging tao man o anghel (Maeo25:41). Inilarawan ito na isang lugar ng nagbabagang asupre kung saan, ang mga naroroon ay nakakaranas ng walang hanggan at hindi mailarawang paghihirap na walang kapahingahan (Lukas 16:24; Markos 9:45-46). Ang mga tumanggi kay Kristo na nasa pansamantalang lugar ng mga namatay sa hades/sheol ay itatapon sa dagat dagatang apoy na kanilang huli at permanenteng destinasyon.
Ngunit ang mga taong nakasulat ang pangalan sa Aklat ng buhay ng Kordero ay hindi dapat matakot sa kahindik-hindik na lugar na ito. Dahil sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo at sa Kanyang dugo na nabuhos sa krus para sa ating mga kasalanan, ang ating huling hantungan ay ang walang hanggang kasiyahan sa piling ng ating Diyos.
English
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng Sheol, Hades, Impiyerno, Dagat dagatang apoy, Paraiso at sinapupunan ni Abraham?