Tanong
Ano ang Shintoismo?
Sagot
Ang Shintoismo ang orihinal na relihiyon ng mga hapon, na ang pinagmulan ay matatagpuan sa sinaunang kasaysayan ng bansang Japan. Ito ang isa sa pinakamatanda sa lahat ng relihiyon sa mundo. Ang mga hapon ay may masidhing pag-ibig para sa kanilang bansa at naniniwala sila na ang mga isla ng Japan ang pinakaunang nilikha ng Diyos. Sa katunayan, itinuturo ng Shintoismo na walang ibang lupain o bansa sa mundo ang banal kundi ang kanilang bansa kaya’t pinakakaiba ang Japan sa lahat ng bansa sa buong mundo. Hindi nakapagtataka na hindi popular ang Shintoismo sa labas ng bansang ito.
Ang dalawa sa pinakapangunahing doktrina ng Shintoismo ay ang bansang Japan ang bansa ng mga diyos at ang mga mamamayan nito ay nagmula sa angkan ng mga diyos. Ang konseptong ito ng pinanggalingan ng mga Hapones, at ang banal na pinanggalingan ng kanilang lupain ang nagbibigay sa kanila ng kaisipan ng pagiging pangunahin sa lahat ng mga bansa at sa lahat ng mga tao. Maliban sa ilang mga sekta ng Shintoismo, walang kinikilalang tagapagtatag ang relihiyon, walang banal na Kasulatan, o saligan man ng pananampalataya na may awtoridad. Nagaganap ang pagsamba sa mga napakaraming templo sa buong bansa, bagama’t maraming Hapones ang may sariling altar sa kani-kanilang tahanan para sa isa o sa marami nilang diyos.
Ang salitang Shinto ay nagmula sa salitang Intsik na Shen-tao, na nangangahulugang “ang daan ng mga diyos.” Ang pangunahing katuruan ng Shinto ay ang ideya ng kami, ang konsepto ng banal na kapangyarihan na nasa mga nabubuhay at walang buhay na bagay. Nasa Shinto ang kapangyarihan at presensya ng mga diyos at ng mga espiritu sa kalikasan. Ang mga diyos ng Shinto ay napakarami upang ilagay sa isang grupo ngunit ang diyosa ng araw na si Amaterasu ang pinakapipitaganan sa lahat ng mga diyos at ang kanyang marangyang templo na nasa Hilagang Kanluran ng Tokyo ang malimit na pinupuntahan ng mga Hapones. Itinuturo ng Shintoismo na ang mismong lahi ng mga Hapones ay nagmula sa kami.
Ang relihiyong Shinto ay hindi maaaring makasundo ng Biblikal na Kristiyanismo sa anumang kaparaanan. Una, ang ideya na ang lahi ng mga Hapones at ang kanilang lupain ang higit na pinapaboran ng diyos sa lahat ng mga bansa ay sumasalungat sa katuruan ng Bibliya na ang mga Hudyo ang lahing hinirang ng Diyos: “Kayo ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan” (Deuteronomio 7:6). Gayunman, bagama’t ang mga Hudyo ang lahing hinirang ng Diyos, hindi kailanman sinabi na mas magaling o mas pinapaboran sila ng Diyos ng higit sa sinumang tao at hindi rin itinuturo ng Bibliya na sila ay direktang nanggaling sa Diyos.
Ikalawa, malinaw na itinuturo ng Bibliya na walang maraming diyos, kundi iisa lamang Diyos: “Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba” (Isaias 45:5). Itinuturo din ng Bibliya na ang Diyos ay hindi isang impersonal na puwersa o kapangyarihan lamang kundi isang mapagmahal at mapagkalingang Ama sa mga natatakot sa Kanya (2 Corinto 6:17-18). Siya lamang ang lumikha sa lahat ng bagay sa sansinukob at Siya lamang ang walang hanggang naghahari at namamahala sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Ang ideya na nakatira ang mga diyos sa mga bato, puno, at mga hayop ay kumbinasyon ng dalawang kasinungalingan: ang politeismo (paniniwala sa maraming diyos) at animismo (ang paniniwala na ang mga diyos ay nasa mga bagay). Ang mga ito ay kasinungalingan mula sa ama ng kasinungalingan, si Satanas na “parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila” (1 Pedro 5:8).
Ikatlo, ang Shintoismo ay nagsusulong para sa mga Hapones ng pagmamataas at ng pakiramdam ng pagiging nakahihigit sa lahat ng tao. Ang ganitong elitismo ay kinukondena sa Bibliya. Kinamumuhian ng Diyos ang pagmamataas dahil ito mismo ang naglalayo sa mga tao sa Kanya at nagiging dahilan upang hindi nila hanapin ang Diyos ng kanilang buong puso (Awit 10:4). Bilang karagdagan, ang mga katuruan ng likas na kabanalan ng tao at ang direktang panggagaling ng mga Hapones sa Diyos ay nagbibigay sa kanila ng kaisipan na hindi nila kailangan ang isang Tagapagligtas. Hindi mapapasubaliang itinuturo ng Bibliya na ang “lahat ay nagkasala at walang sinumang karapatdapat sa paningin ng Diyos” (Roma 3:23), at kailangan nating lahat ng Tagapagligtas, ang Panginoong Hesu Kristo dahil “Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas” (Gawa 4:12).
Habang itinuturo ng Shintoismo na maaaring makipagugnayan ang Kami sa mga taong pinaging dapat ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga ritwal na paglilinis, ang Diyos ng Bibliya ay nangangako na mananahan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa sinumang hihingi sa Kanya ng kapatawaran. Walang anumang uri ng personal na paglilinis o kahit anong uri ng ritwal (isang uri ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa) ang magpapaging dapat sa tao sa harap ng Diyos. Tanging ang pananampalataya lamang sa nabuhos na dugo ni Hesu Kristo doon sa krus ang makapaglilinis sa tao mula sa kanyang mga kasalanan at magpapaging dapat sa kanya sa harap ng banal na Diyos. “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos” (2 Corinthians 5:21). English
Ano ang Shintoismo?