Tanong
Ano ang Sikhismo?
Sagot
Ang Sikhismo ay lumabas dahilan sa pagtatangka na pagkaisahin ang Islam at Hinduismo. Ngunit ang pagtingin sa Sikhismo bilang isang relihiyon na pinagkakaisa ang dalawang relihiyong ito ay hindi nagpapawalang saysay sa sarili nitong teolohiya at kultura na matatagpuan lamang sa Sikhismo. Ang tawagin ang Sikhismo na isang pagkikipagkompromiso sa pagitan ng Islam at Hinduismo ay isang insulto, katulad ng pagtawag sa isang Kristiyano bilang isang heretikal na Hudyo. Ang Sikhismo ay hindi isang kulto o paghahalo ng dalawang relihiyon kundi isang natatanging kilusang pangrelihiyon.
Ang kinikilalang tagapagtatag ng Sikhismo ay si Nanak (1469-1538), na isinilang ng isang amang Hindu at isang inang Muslim sa India. Sinasabing nakatanggap si Nanak ng direktang tawag mula sa “diyos” at itinalaga siya nito upang maging isang guru. Mula noon, nakilala siya sa rehiyon ng Punjab sa Timog Silangang India dahil sa kanyang debosyon, pagkakawanggawa at sa kanyang matapang na deklarasyong, “Walang sinuman ang Muslim at walang sinuman ang Hindu.” Nagkaroon siya ng marami-raming disipulo (Sikhs). Itinuro niya na ang Diyos ay iisa, at tinawag niya ang Diyos na ‘Sat Nam’ (“tunay na pangalan”) o ‘Ekankar,’ mula sa pagsasama ng mga pantig na ek (“isa”), aum (isang mistikal na salita na naglalarawan sa Diyos), at kar (“Panginoon”). Hindi kasama ang personalidad sa monoteismong ito at hindi rin ito dapat na ituring na kapareho ng anumang uri ng Panteismo (ang Diyos ay lahat ng bagay) sa Silangan. Gayunman, pinanatili ni Nanak ang mga doktrina ng Karma at paglipat ng kaluluwa ng tao sa ibang katawan (reinkarnasyon) na mga katuruan din ng mga relihiyon sa Silangan gaya ng Budismo, Hinduismo, at Taoismo. Itinuro ni Nanak na makakatakas ang isang tao sa paulit ulit na reinkarnasyon (samsara), sa pamamagitan lamang ng mistikal na pakikipagisa sa Diyos sa pamamagitan ng debosyon at mga awit pagsamba. Sinundan si Nanak ng hindi naputol na linya ng siyam na (9) na itinalagang guru na ipinagpatuloy ang pamamahala sa Sikhismo hanggang noong ikalabing walong (18) siglo (1708).
Ang orihinal na layunin ng Sikhismo ay para sa pagkakaisa at pagkakasundo, ngunit hindi ito nanatili sa ganitong kalagayan sa pagdaan ng panahon. Ang pagtanggi nito sa kapamahalaan ng propetang si Muhamad ay itinuring na isang pamumusong at nakaganyak ng oposisyon mula sa pananampalatayang Islam. Sa panahon ng ikasampung (10) guru na si Gobind Rai, na kilala rin sa tawag na Gobind Singh (“leon”), naorganisa ang Khalsa, isang grupo ng mga mandirigmang Sikh na kinilala sa buong mundo . ang Khalsa ay kilala sa pamamagitan ng kanilang limang (5) K’s: kesh (mahabang buhok), kangha (suklay na bakal sa buhok), kach (maiksing pantalon), kara (pulseras na bakal), at kirpan (isang espada o punyal na nasukbit sa tagiliran). Ginamit ng mga Briton ang mga Khalsa bilang mga mandirigma at mga alalay, noong sinasakop nila ang India bilang isang kolonya ng panahong iyon. Sa huli, pinatay si Gobind Singh ng mga Muslim. Siya ang huling guru na isang tao. Sino ang kanyang kahalili? Pinalitan siya ng Banal na Aklat ng mga Sikh, ang Adi Granth, na inilarawan sa kahalili nitong pangalan na Guru Granth. Ang Adi Granth, habang hindi sinasamba ng mga Sikh, ay nakaabot sa estado ng pagiging diyos.
Sa kabila ng katangian nito bilang maibigin sa kapayapaan, nakilala ang Sikhismo sa pagiging militante, na hindi nararapat dahil ang pagiging militante ng grupo ay nag-ugat sa mga isyung pangheograpiya na wala sa kontrol ng mga Sikhs. Ang mainit na pinagaagawang border ng India at Pakistan na inilagay noong 1947 ay direktang pinaghihiwalay ng pahalang ang rehiyon ng Punjab kung saan may mataas na antas ng awtonomiya ang mga Sikhs. Dahil nabigo sila sa pagtatangka na panatilihin ang kanilang pulitikal at pagkakakilanlang sosyal, nagsagawa ang mga terorista ng marahas na hakbang upang itatag ang estado ng Sikh, ang Khalistan, ngunit ang karamihan ng mga Sikhs ay mga taong maibigin sa kapayapaan.
Maaaring maunawaan ng mga Kristiyano at mga Sikh ang isa’t isa dahil ang dalawang relihiyon ay parehong nagdanas ng matinding paguusig at pareho silang sumasamba sa isang Diyos. Bilang mga tao, ang mga Kristiyano at mga Sikhs ay maaaring mamuhay ng magkasama ng mapayapa at gumagalang sa bawat isa. Ngunit hindi maaaring paghaluin ang katuruan ng Sikhismo at Kristiyanismo. May ilang pagkakahalintulad sa kanilang pinaniniwalaan ngunit may malaking pagkakaiba sila sa kanilang pananaw sa Diyos, sa kay Hesu Kristo, sa Kasulatan at sa kaligtasan.
Una, itinuturo ng Sikhismo na ang Diyos ay isa lamang teorya at impersonal na puwersa. Direktang sumasalungat ito sa karuruan ng Kristiyanismo na ang Diyos ay isang mapagmahal at mapagkalingang “Abba, Ama” katulad ng pagpapakilala sa Kanya ng Bibliya (Roma 8:15; Galacia 4:6). Ang ating Diyos ay sangkot sa buhay ng Kanyang mga anak, na nalalaman kung tayo ay umuupo at tumatayo at nakakaalam ng lahat nating iniisip (Awit 139:2). Inibig Niya tayo ng walang hanggang pag-ibig at inilalapit tayo sa Kanyang sarili ng buong katiyagaan at katapatan (Jeremias 31:3). Nilinaw din Niya na hindi Siya maaaring makipagisa sa mga tinatawag na “diyos” ng ibang relihiyon: “Walang ibang Diyos maliban sa akin, walang nauna at wala ring papalit” (Isaias 43:10) at “Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba” (Isaias 45:5).
Ikalawa, tinatanggihan ng Sikhismo ang natatanging kalagayan ni Hesu Kristo. Pinatutunayan ng Kasulatan ng Kristiyanismo na Siya lamang ang Daan sa kaligtasan: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). “Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas” (Gawa 4:12). Anuman ang kalagayan na maaaring ibigay ng mga Sikhs para kay Kristo, hindi ito ang kalagayan na nararapat sa Kanya at hindi ito ang kalagayan na tulad sa ibinibigay sa Kanya ng Bibliya – Ang Anak ng Diyos - ang Tagapagligtas ng mundo.
Ikatlo, inaangkin pareho ng mga Sikhs at mga Kristiyano na ang kanilang Kasulatan ang mapagkakatiwalaan. Ang pinanggagalingan ng katuruan ng Krisitiyanismo at Sikhismo ay hindi maaaring maging parehong “natatanging Salita ng Diyos.” Sa partikular, inaangkin ng Kristiyano na ang Kasulatan nito ang mismong Salita ng Diyos. Ito ay hiningahan ng Diyos, at isinulat para sa lahat ng mga nagnanais na malaman at maunawaan ang kalooban ng Diyos at “nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain” (2 Timoteo 3:16-17). Ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang Bibliya upang makilala at maibig natin Siya upang ang “lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanan…” (1 Timoteo 2:4), at makalapit tayo sa Kanya para sa buhay na walang hanggan.
Ikaapat at panghuli, ang paniniwala ng Sikhismo sa kaligtasan ay pagtanggi sa ginawang paghahandog ni Kristo sa krus para sa kasalanan ng tao. Itinuturo ng Sikhismo ang doktrina ng Karma maging ang debosyon sa Diyos. Ang Karma ay hindi sapat na paliwanag sa kasalanan at walang kahit anong mabubuting gawa ng tao ang makakapagbayad kahit sa isang kasalanan na kanyang nagawa laban sa walang hanggan at banal na Diyos. Walang magagawa ang Diyos na may perpektong kabanalan kundi ang kamuhian ang kasamaan. Dahil makatarungan ang Diyos, hindi simpleng mapapatawad lamang Niya ang kasalanan ng wala Siyang gagawing paniningil sa utang sa Kanya ng tao dahil sa kanilang kasalanan. Dahil Siya rin ay mabuti, hindi Niya hahayaang pumunta sa langit ang taong makasalanan na hindi sila magbabago. Ngunit kay Kristo, ang tunay na Diyos at tunay na tao, mayroon tayong handog na walang hanggan ang halaga upang bayaran ang ating pagkakautang sa Diyos. Walang kapantay ang halaga ng ating kapatawaran at napakamahal nito na walang sinumang tao ang maaaring bilhin ito. Ngunit maaari natin itong tanggapin bilang isang kaloob na walang bayad. Ito ang ibig sabihin ng Bibliya sa salitang “grasya.” Binayaran ni Hesus ang ating utang sa Diyos na hindi natin kayang bayaran sa anumang paraan. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay bilang kahalili para sa atin upang mabuhay tayong kasama Niya. Kailangan nating ilagak ang ating pananampalataya sa Kanya upang magkaroon tayo ng kapatawaran at kaligtasan. Sa kabilang dako, nabigo ang Sikhismo na bigyang pansin ang walang hanggang konsekwensya ng kasalanan, ang papel ng kabutihan at hustisya ng Diyos at ang kawalan ng kakayahan ng tao na makaahon sa pagkakasala.
Sa pagtatapos, maaari nating sabihin na nag-ugat ang kasaysayan at teolohiya ng Sikhismo sa Hinduismo at Islam ngunit hindi ito maaaring ituring na paghahalo ng dalawang relihiyon. Ito ay umunlad bilang isang natatanging sistema ng relihiyon. Maaaring makatagpo ang isang Kristiyano ng pagkakapareho sa ilang katuruan ng Sikhismo, ngunit sa huli, hindi maaaring pagkasunduin ang Kristiyanismo at Sikhismo. English
Ano ang Sikhismo?