settings icon
share icon
Tanong

Ano ang dahilan ng mga paghihiwalay sa mga iglesya? Paano magaganap ang paggaling pagkatapos ng paghihiwalay?

Sagot


Ang mga paghihiwalay sa simbahan/iglesya ay isang nakakalungkot at napakapangkaraniwang pangyayari sa katawan ni Cristo. Ang mga epekto ng paghihiwalay, anuman ang dahilan ay nakakapanlumo at nakakasira sa patotoo. Ang mga paghihiwalay sa iglesya ay nagiging dahilan ng pagkabalisa at pagkadismaya ng mga dating miyembro at kabiguan para sa mga bagong mananampalataya at nagiging dahilan ng kaguluhan sa buhay ng mga pastor at ng kanilang pamilya at nagdudulot ng kahihiyan sa pangalan ni Cristo. Pero mayroong pag-asa; ang mga iglesyang dumaan sa hiwalayan ay maaaring makaranas ng paggaling at pagpapanumbalik.

Ang mga simbahan/iglesya ay tulad sa mga ospital na puno ng mga sugatan at may sakit ngunit sa iglesya/simbahan, ang sakit ay kasalanan at ang mga sugat na ating nililikha sa ating mga sarili at sa isa’t isa ay bunga ng pagkakasala. Ang isang kasalanan na nagdudulot ng maraming problema ay ang hindi pagpapatawad. Walang kahit isang Kristiyano ang perpekto, at walang pastor o lider o diyakono ang perpekto. Sa tuwing ang mga hindi perpektong taong ito ay nagsasama-sama, hindi maiiwasan ang hindi pagkakaunawaan, samaan ng loob, at maling pagaakala. Kung sobrang mataas ang ekspektasyon ng iba sa isang tao, hindi maiiwasan ang pagkabigo at maaari itong magdulot ng karagdagang sama ng loob at hinanakit. Ang ating tugon sa bawat isa ay dapat na pagpapatawad sa kabutihang loob, kahabagan (Efeso 4:32; Colosas 3:13) at sa Kristiyanong pag-ibig na nagkukubli ng maraming kasalanan na sinusundan ng mas malalim na pagtatalaga na maglingkod sa isa’t isa (1 Pedro 4:8-11). Kung handa tayong magpatawad, umibig at maglingkod sa isa’t isa, makikita natin ang pagkakaiba ng bawat isa sa isang bagong liwanag. Pero kung gaganti tayo dahil sa maling opinyon sa atin ng iba, lalo na sa mga bagay na hindi gaanong mahalaga sa pamamagitan ng pagkakampi-kampi at pagtitsismis, lalaki ang gulo, mas maraming pinsala ang mararanasan ng mga miyembro ng iglesya at makokompromiso ang ating mensahe sa mundo.

Ang paghihiwalay sa iglesya ay maaaring mangyari kung may isang tao o mga taong nagnanais na manipulahin o pasunurin ang iba para sa kanilang sariling kapakanan. Maaaring may nagmamataas sa pagpapatupad ng isang tuntunin, at ang mga hindi makaganap sa tuntuning iyon ay minamaltrato. Maaaring ang interpretasyon ng isang miyembro sa isang hindi gaanong mahalaga at malabong doktrina ay binibigyang-diin at ginagamit na pamantayan kung sino ang kasama o hindi. O maaari ding may isang tao/may mga tao na nagnanais na agawin ang awtoridad sa pastor o mga lider ng iglesya at nagpapakampi sa isang grupo sa loob ng iglesya para iyon maisakatuparan. Nakakalungkot na ang pagkakaiba-iba ng opinyon patungkol sa istilo ng pagsamba at musika ay laging nagiging dahilan ng paghihiwalay sa mga iglesya/simbahan. Marami ang alibi sa mga hindi pagkakaunawaan, pero ang lahat ng ito ay naguugat sa parehong dahilan – pagmamataas at pagkamakasarili. Sinasabi sa Santiago 4:1-3, “Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban? Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan.”

Maaari ding hindi lahat ng miyembro na sumasamba linggo-linggo ay tunay na mga Kristiyano. Hindi lahat ng tumatawag sa pangalan ni Cristo ay tunay na kay Cristo, isang katotohanan na nilinaw ng Panginoon sa Mateo 7:16-23. Maaari nating makilala kung sino ang tunay at huwad sa pamamagitan ng kanilang mga bunga. Ang mga tunay na Kristiyano ay nagpapakita ng mga bunga ng Espiritu na nananahan sa kanila (Galacia 5:22-23), habang ang mga dawag naman na kasama ng mga trigo ay naghahasik ng hindi pagkakaunawaan at pagtatalo. Dapat tayong laging magbantay sa mga taong ipinapadala ng kaaway sa ating kalagitnaan at magsanay ng karunungan sa pagkilala sa mabuti at masama na ginagamit ang pagdidisiplina sa iglesya kung kinakailangan (Mateo 18:15-20) at ang pagsasabi ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig sa lahat ng mga bagay (Mateo 10:16; Efeso 4:15).

Sa huli, kahit na ang bawat lokal na iglesya/simbahan ay binubuo ng indibidwal na mga miyembro, ang buhay ng mga miyembrong iyon ay nakakaapekto sa kung paano ginagampanan ng iglesya ang tungkulin nito sa mundo sa kabuuan. Hinihikayat ni Pablo ang iglesya sa Roma na mabuhay ng maayos sa gitna ng mga hindi mananampalataya, “Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan” (Roma 13:13). Ang mga miyembro ng iglesya ay naiimpluwensyahan ng isang imoral na kultura araw-araw, at ang isang oras kada linggo sa iglesya ay hindi sapat para labanan ang impluwensya ng kultura. Ang pagbabago ng puso ay nagaganap sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu sa ating mga buhay. Tungkulin ng bawat mananampalataya na maging masipag sa pagsunod kay Cristo at gawin ang mga bagay na makakapagpalago sa kanilang espiritwal na buhay sa pamamagitan ng regular na pagbabasa at pagaaral ng Bibliya, paggugol ng panahon sa pananalangin, at pakikisama sa ibang mananampalataya sa labas ng iglesya, hindi lamang maupong kasama nila tuwing Linggo ng umaga sa araw ng pagsamba (Filipos 2:12–13). Ang pagdalo sa pananambahan ay napakahalaga, pero ang pamumuhay bilang isang Kristiyano ay mas mahalaga kaysa sa pagpunta sa pananambahan linggo-linggo. Ang pamantayan ng mundo ay pagtataas sa sarili, pagpapahalaga sa sarili, at pagsamba sa sarili na nagpapahalaga sa ibang tao kung sila lamang ay handa ring idolohin ng ibang tao gaya ng pagidolo nila sa kanilang mga sarili. Ang ganitong paguugali ay laging nagdudulot ng “alitan at inggitan,” na ang hindi maiiwasang resulta ay pagsamba sa sarili. Ang lunas para dito ay makikita sa Tito 2:11-13: “Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at mamuhay tayo sa daigdig na ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at karapat-dapat sa Diyos habang hinihintay natin ang pinagpalang araw na ating inaasahan. Ito ang araw na mahahayag ang kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.” Ang biyaya ng Diyos, na ipinagkaloob sa mga na kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na tanggihan ang mga makamundong pagnanasa, layuan ang imoralidad, at mabuhay ng may pagpapakumbaba sa isa’t isa: “Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili” (Filipos 2:3).

Ang mga paghihiwalay sa iglesya ay napapagaling sa pamamagitan ng pagsisisi at pagpapakumbaba. Kung may hindi pagkakaunawaan, ang pinakamabuting gawin ng dalawang panig ay pagsisihan ang anumang nasabi o nagawa ng walang pag-ibig sa panahon ng hindi pagkakasundo. Kasama sa pagsisisi ang paghingi ng kapatawaran mula sa nasaktang partido. Sa kapakumbabaan, dapat na tanggapin ng bawat panig ang paghingi ng tawad, na itinatalaga ang sarili na magpatuloy sa buklod ng pag-ibig bilang mga Kristiyano.

May isang partikular na kaso kung kailan nararapat ang paghiwalay sa isang iglesya/simbahan. Kung ang pamunuan ng isang iglesya ay tinalikuran ang mga pangunahing katuruan ng Kasulatan gaya ng pagkadiyos ni Cristo, ang kapanganakan ni Cristo sa pamamagitan ng isang birhen, ang Diyos bilang Manlilikha, ang pagkasi at awtoridad ng Kasulatan, o iba pang pundasyong doktrina, talagang nararapat (at maaaring isang obligasyon) na iwanan ang iglesya/simbahang iyon.

Marami ang mga sanhi ng paghihiwalay sa iglesya, pero ang pinakapangunahing dahilan ay kung may isang tao/mga tao na inaalis si Jesu Cristo bilang sentro ng iglesya at ginagamit ang organisasyon ng iglesya para sa pansariling kapakanan. Ang iglesya ay isang buhay na organismo hindi lamang isang organisasyon. Ginagamit na analohiya ni Pablo ang katawan para ilarawan ang iglesya. Sa 1 Corinto 12 at Roma 12, tinatawag niya ang iglesya bilang katawan ni Cristo. Dapat na tayo bilang katawan ay ginagawa ang kalooban ng Ulo, ang Panginoong Jesu Cristo. Kung ang sinuman sa katawan ay nakatuon ang pansin sa pagganap sa kalooban ng Diyos at pagsamba kay Jesu Cristo sa pag-ibig at pagpapakumbaba, maaaring may mga hindi pagkakaunawaan, pero ang mga hindi pagkakaunawaang iyon ay malulutas sa isang maayos na paraang puno ng pag-ibig.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang dahilan ng mga paghihiwalay sa mga iglesya? Paano magaganap ang paggaling pagkatapos ng paghihiwalay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries