Tanong
Ano ang sinapupunan ni Abraham?
Sagot
Ang salitang “sinapupunan ni Abraham” ay minsan lang makikita sa Bagong Tipan, sa kuwento tungkol sa mayamang lalaki at si Lazaro (Lucas 16:19-31), kung saan itinuro ni Jesus ang katotohanan tungkol sa langit at impiyerno. Ang salitang Griegong kolpos na ginamit sa talatang ito ay tila mahirap ipaliwanag. Halimbawa, minsang ginagamit ang mga salitang kolpos sa mga pananalitang “piling ni Abraham,” o “mga bisig ni Abraham” o “sinapupunan ni Abraham.”
Malinaw sa konsepto ng salitang “sinapupunan ni Abraham” na ito ay nagbibigay ng pahiwatig na si Lazaro ay nagtungo sa isang lugar ng kapahingahan, kakuntentuhan, at kapayapaan na si Abraham (isang lubhang iginagalang na tao sa kasaysayan ng mga Judio) ang kanyang tagapagingat o patron. Sa isang malungkot na kabaliktaran, natagpuan ng mayamang lalaki ang kanyang sarili pagkatapos niyang mamatay sa pagdurusa na walang kahit sinong makakatulong o makakapagbigay sa kanya ng kaginhawahan.
Salungat sa mga makabagong pananaw, itinuturo ng Bibliya na ang langit at impiyerno ay tunay na mga lugar. Gugugulin ng bawat tao ang walang hanggan sa isa sa dalawang lugar na ito. Ito ang itinuturo ni Jesus sa kuwentong ito. Habang namuhay ang mayaman para sa mga panlupang kasiyahan at itinuon ang kanyang pansin sa buhay lamang dito sa lupa, si Lazaro naman ay nagtiis ng maraming kahirapan habang nagtitiwala sa Diyos. Kaya nga mahalaga ang mga talatang 22 at 23: “At mula sa Hades na kanyang pinagdurusahan ay tumingala siya at nakita sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang kandungan. Siya'y sumigaw at sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.”
Maaaring pakahuluganan ang kamatayan bilang paghiwalay. Ang pisikal na kamatayan ang paghiwalay ng ating mga katawan mula sa ating kaluluwa/espiritu, habang ang espiritwal na kamatayan ay ang paghiwalay ng ating mga kaluluwa sa Diyos. Itinuro ni Jesus na hindi natin dapat katakutan ang pisikal na kamatayan, sa halip dapat nating alalahanin ang tungkol sa espiritwal na kamatayan. Sa Lucas 12:4-5, sinabi rin ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos ay wala na silang magagawa. Subalit ipapakita ko sa inyo kung sino ang inyong dapat katakutan; katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang magtapon sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan.” Ginamit ni Jesus ang terminolohiyang “sinapupunan ni Abraham” bilang bahagi ng Kanyang pagtuturo na dapat na ituon ng Kanyang mga tagapakinig ang kanilang mga pagiisip sa katotohanan na ang ating paghahanap o pagwawalang bahala sa kanya dito sa lupa ay may literal na epekto kung saan natin gugugulin ang walang hanggan.
English
Ano ang sinapupunan ni Abraham?