settings icon
share icon
Tanong

Sino ang pupunta sa impiyerno?

Sagot


Naging isang kontrobersyal na paksa ang impiyerno sa mga nagdaang taon, kahit na sa mga Kristiyano. Gayunman, gawa lamang ng tao ang mga kontrobersyang ito. Ang pagtanggi sa katotohanan ng impiyerno ay nag-ugat sa kawalan ng kakayahan ng tao na pagkasunduin ang pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang walang hanggang hustisya sa impiyerno. Maaari ding nag-ugat ito sa tahasang pagtanggi sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Kahit na ang mga nagpapakilalang Kristiyano ay nagkakaroon ng hindi Biblikal na konklusyon. May ilan na tinatangkang baguhin ang kahulugan ng impiyerno at itinuturo na ito ay isa lamang pansamantalang kalagayan ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan na hindi matatagpuan sa Kasulatan. Mayroon naman na talagang ayaw paniwalaan ang impiyerno. Dahil dito, ipinagwawalang bahala nila ang babala ni Jesus sa Pahayag 22:19, "At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito."

Binanggit ang impiyerno sa Bibliya ng 167 beses at karaniwan itong tinatawag na 'Gehenna,' 'Hades,' 'ang kadiliman sa labas,' 'ang kalaliman,' 'ang Abyss,' o 'walang hanggang pagpaparusa' (Kawikaan 7:27; Lukas 8:31; 10:15; 2 Tesalonica 1:9). Itinuro ni Jesus na ang langit at impiyerno ay mga literal na lugar (Mateo 13:41–42; 23:33; Markos 9:43–47; Lukas 12:5). Maaaring ang kuwento ni Jesus tungkol sa isang lalaking mayaman at Lazaro ay isang aktwal na pangyayari na nagpapakita ng katotohanan tungkol sa dalawang walang hanggang hantungan ng tao (Lukas 16:19–31). Ang langit ang tahanan ng Diyos (2 Cronica 30:27) kung saan pumunta si Jesus upang "ipaghanda ng matitirhan" ang mga umiibig sa Kanya (Juan 14:2). Ang impiyerno ay nilikha para sa "diyablo at kanyang mga anghel" (Mateo 25:41). Ngunit dahil makasalanan ang lahat ng tao, ang lahat ay nararapat ding parusahan doon (Roma 3:10; 5:12; Juan 3:18). Nararapat tayo sa impiyerno dahil ang lugar na ito ay ang makatarungang parusa ng Diyos sa ating paglaban sa Kanya (Roma 6:23).

Maliwanag ang katuruan ni Jesus na "walang makakakita ng kaharian ng Diyos malibang ang tao ay isilang na muli" (Juan 3:3). Itinuro din Niya na ang impiyerno ay walang hanggang kaparusahan para sa mga hindi sumusunod sa Kanya (Mateo 25:46). Sinasabi sa 2 Tesalonica 1:8–9 na ang Diyos ay "maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Kanya, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan." Sinabi ni Juan Bautista patungkol kay Jesus, "Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, at lilinisin niyang lubos ang kaniyang giikan; at titipunin niya ang kaniyang trigo sa bangan, datapuwa't ang dayami ay susunugin sa apoy na hindi mapapatay" (Mateo 3:12).

Ipinaliwanag sa Juan 3:18 sa isang napakasimpleng paraan kung sino ang pupunta sa langit at kung sino ang pupunta sa impiyerno: "Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios." Kaya nga ang mga pupunta sa impiyerno ay yaong mga hindi sumampalataya sa pangalan ng Panginoong Jesu Cristo: Ang "manampalataya" ay hindi lamang sa isip o simpleng pangunawa at pagtanggap sa katotohanan. Ang pananampalataya kay Kristo para sa kaligtasan ay nangangailangan ng paglilipat ng pagtitiwala. Tumitigil tayo sa pagsamba sa ating sarili at sa mga diyus-diyusan, itinatakwil natin ang ating sarili at naguumpisa tayo na sambahin ang Diyos ng ating buong puso, buong kaluluwa, buong pagiisip, at buong lakas (Mateo 22:36–37; Markos 12:30).

Nais ng Diyos na makasama ang lahat ng tao sa walang hanggan (Mateo 18:14; 2 Pedro 3:9), ngunit hindi Niya sinasagkaan ang ating malayang pagpapasya (Juan 4:14). Ang sinumang magnanais ay maaaring pumunta sa langit (Juan 1:12). Binayaran na ni Jesus ang napakalaking halaga ng ating kaligtasan, ngunit dapat nating tanggapin ang Kanyang regalo at ipagkaloob sa Kanya ang ating buhay bilang Kanyang pagaari (Lukas 9:23). Perpekto ang langit at hindi doon dadalhin ng Diyos ang sinuman na patuloy na hindi nagsusuko ng kanyang kasalanan. Dapat nating ipalinis sa Diyos ang ating mga kaluluwa upang gawin tayong makatuwiran sa Kanyang harapan (2 Corinto 5:21). Ipinapakita sa atin sa Juan 1:10–12 ang problema at solusyon: "Siya'y nasa sanglibutan, at ang sanglibuta'y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan. Siya'y naparito sa sariling kaniya, at siya'y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya. Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan."

Maaari nating piliing magtiwala sa bayad ni Jesus para sa ating mga kasalanan—ngunit dapat nating tandaan na ang kabayaran para sa ating mga kasalanan ay walang hanggang pagdurusa sa impiyerno. Sinabi ito ni C. S. Lewis sa ganitong paraan: "Mayroon lamang dalawang uri ng tao sa huli: ang mga magsasabi sa Diyos, "Ang iyong kalooban ang masunod," at ang mga sasabihan ng Diyos, "Ang inyong kalooban ang masusunod."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang pupunta sa impiyerno?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries