settings icon
share icon
Tanong

Sino ang pupunta sa langit?

Sagot


May iba't ibang ideya ang mga tao tungkol sa langit. May mga tao na walang kahit anong pangunawa tungkol sa Diyos ngunit iniisip na ang langit ay isang "magandang lugar" kung saan pumupunta ang lahat ng tao. Ang ideya tungkol sa langit ay karaniwang isang malabong pag-asa na gaya ng "maaaring manalo ako sa lotto balang araw." Maraming tao ang hindi pinaguukulan ng pansin ang langit maliban na kung may mamatay silang mahal sa buhay o kung pupunta sila sa burol ng isang kaibigan. Isang napakapopular na kaisipan tungkol sa langit ay isa itong lugar kung saan pumupunta ang "mabubuting tao." At siyempre, ang lahat ng kanilang kakilala at mahal sa buhay ay kabilang sa kategorya ng "mabubuting tao."

Ngunit napakarami ng sinasabi ng Bibliya patungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan at ang mga ito ay sumasalungat sa popular na opinyon ng mga tao. Sinasabi sa Juan 3:16, "Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Pagkatapos sa talata 36, nagpatuloy si Jesus, "Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kaniya." Sinasabi sa Hebreo 9:27, "At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom." Ayon sa mga talatang ito, ang lahat ng tao ay mamamatay, ngunit hindi lahat ay pupunta sa langit (Mateo 25:46; Roma 6:23; Lukas 12:5; Markos 9:43).

Ang Diyos ay banal at perpekto. Ang langit ang Kanyang tahanan at ito ay banal at perpekto din naman (Awit 68:5; Nehemias 1:5; Pahayag 11:19). Ayon sa Roma 3:10, "walang mabuti, wala, wala kahit isa." Walang sinumang tao ang banal at perpekto at karapatdapat sa langit. Ang tinatawag na "mabuti" ng mga tao ay hindi mabuti kumpara sa walang bahid dungis na kabutihan ng Diyos. Kung papayagan ng Diyos na makapasok ang makasalanang tao sa langit, hindi na magiging perpekto ang langit. Ano ang pamantayan na ating dapat gamitin upang malaman kung sino ang ganap ang kabutihan o tunay na "mabuting tao?" Ang pamantayan ng Diyos ang tanging karapatdapat at nagpasya na Siya patungkol dito. Sinasabi sa Roma 3:23 "Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios."

Kailangang parusahan ang kasalanan dahil kung hindi, hindi magiging makatarungan ang Diyos (2 Tesalonica 1:6). Ang hatol na kamatayan na ating kinakaharap ay nagpapaalala sa ating kalagayan at sa paglalapat ng Diyos ng Kanyang sentensya sa ating mga kasalanan laban sa Kanya. Walang kahit anong paraan upang maitama natin ang ating mga kamalian. Hindi higit na marami ang ating kabutihan kaysa sa ating kasamaan. Sinisira ng kahit isang kasalanan ang ating pagiging perpekto, gaya ng isang patak ng lason sa isang basong tubig.

Kaya naging tao ang Diyos at pinagdusahan ang kasalanan ng tao doon sa krus. Si Jesus ang Diyos na nagkatawang tao. Nabuhay Siya ng ganap na banal at walang kahit isang kasalanan at lubos na sumunod sa Kanyang Ama hanggang kamatayan (Hebreo 4:15). Wala Siyang kahit anong kasalanan, ngunit doon sa krus, dinala Niya ang ating mga kasalanan at inari niyang sa Kanya. Pagkatapos na bayaran ang ating mga kasalanan, maaari na tayong ideklarang banal at perpekto (2 Corinto 5:21). Noong ipagtapat natin sa Diyos at pagsisihan ang ating mga kaslanan at humingi sa Kanya ng kapatawaran, minarkahan Niya ng "bayad ng lahat" ang ating buhay na dating puno ng kasakiman, kahalayan at pagiimbot (Gawa 2:38; 3:19; 1 Pedro 3:18).

Sa pagharap natin sa Diyos isang araw, hindi tayo papasok sa langit dahil sa ating sariling kagagawan. Wala tayong maiaalok na kahit ano sa Diyos. Kung susuriin sa pamantayan ng Diyos sa kabanalan, wala sa atin ang sapat ang kabutihan. Ngunit sapat ang kabanalan ni Jesus at dahilan lamang sa Kanyang ginawa para sa atin kayo tayo makakapasok sa langit. Sinasabi sa 1 Corinto 6:9-11, "O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake. Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios. At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni't nangahugasan na kayo, nguni't binanal na kayo, nguni't inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios." Pinawi ng handog ni Jesus ang poot ng Diyos sa lahat nating mga kasalanan.

Ang mga taong pupunta sa langit ay may pagkakatulad: sila ay mga makasalanan na naglagak ng kanilang pagtitiwala at pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo (Juan 1:12; Gawa 16:31; Roma 10:9). Kinilala nila ang kanilang pangangailangan ng tagapagligtas at buong pagpapakumbabang tinanggap ang kapatawaran ng Diyos. Nagsisi sila at iniwan ang kanilang dating masamang pamumuhay at nagpasya na sumunod kay Kristo (Markos 8:34; Juan 15:14). Hindi nila tinatangka na makamtan ang kapatawaran ng Diyos sa kanilang sariling kakayahan kundi sa halip, naglilingkod sila sa Kanya ng may kagalakan mula sa pusong puno ng pasasalamat (Awit 100:2). Ang uri ng pananampalataya na nakakapagligtas sa kaluluwa ang pananampalatayang bumabago sa buhay ng tao (Santiago 2:26; 1 Juan 3:9-10) at buo ang ating pagtitiwala na makakamtan natin ang biyayang ito ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang pupunta sa langit?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries