Tanong
Sino si Apolos?
Sagot
Si Apolos ay isang ebanghelista, tagapagtanggol ng pananampalataya, lider ng iglesya, at kaibigan ni Apostol Pablo. Si Apolos ay isang Judio mula sa Alexandria, Egipto at inlarawan bilang isang "mahusay na tagapagsalita," "magaling sa Kasulatan," "masigasig sa espiritu," at "tinuruan sa Daan ng Panginoon" (Gawa 18:24). Noong AD 54, naglakbay siya sa Efeso kung saan buong tapang siyang nangaral sa sinagoga. Gayunman, ng panahong iyon, hindi pa kumpleto ang pangunawa ni Apolos sa Ebanghelyo dahil ang alam lamang niya ay ang "bawtismo ni Juan Bautista" (Gawa 18:25). Maaaring nangangahulugan ito na nangaral si Apolos tungkol sa pagsisisi at pananampalataya sa Mesiyas—o maaaring naniwala siya na si Jesus na taga Nazareth ang Mesiyas—ngunit hindi niya alam ang buong kahalagahan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Gumugol ng ilang panahon sina Priscila at Aquila na mga kaibigan ni Pablo at pinunan ang mga puwang sa pangunawa ni Apolos tungkol kay Jesu Cristo (Gawa 18:26). Matapos malaman ang kumpletong mensahe, agad na inumpisahan ni Apolos, ang kanyang ministeryo ng pangangaral bilang isang epektibong tagapagtanggol ng Ebanghelyo (Gawa 18:28).
Naglakbay si Apolos patungo sa Acaya at hanggang sa mapadaan siya sa Corinto (Gawa 19:1), kung saan "dinilig" niya ang "itinanim" ni Pablo (1 Corinto 3:6). Mahalaga itong tandaan sa pagaaral sa unang sulat ni Pablo sa mga taga Corinto. Dahil sa kanyang likas na kaloob, nakaengganyo si Apolos ng mga tagasunod sa Corinto ngunit ang simpleng paghanga ay nauwi sa pagkakabaha-bahagi. Laban sa kalooban ni Apolos, nagkaroon ng paksyon sa Corinto at inangkin ng ilan na siya ang kanilang espiritwal na tagapagsanay ng hindi isinasaalang-alang si Pablo. Itinuwid ni Pablo ang pagkakabaha-bahaging ito sa 1 Corinto 1:12-13. Hindi maaaring hatiin si Cristo at tayo din naman na mga mananampalataya. Hindi natin maaaring isantabi ang pag-ibig alang-alang sa katotohanan.
Ang huling banggit tungkol kay Apolos sa Bibliya ay sa sulat ni Pablo kay Tito: "Sikapin mong mapadali ang paglalakbay ni Apolos at ng abogadong si Zenas. Tiyakin mong hindi sila magkukulang sa anumang pangangailangan" (Tito 3:13). Malinaw na si Apolos ay patungo sa Creta (kung saan naroon si Tito) ng panahong iyon. At malinaw din na itinuturing pa rin ni Pablo si Apolos na isang mahalagang kamanggagawa at kaibigan.
May ilang naniniwala na sa huli ay nagbalik din si Apolos sa Efeso para maglingkod sa iglesya doon. Malaki din ang posibilidad na ito ang nangyari bagama't walang kumpirmasyon sa Bibliya patungkol sa detalyeng ito. Gayundin, may ilan na ipinagpapalagay na si Apolos ang hindi kilalang may akda ng aklat ng Hebreo; muli, walang suporta mula sa Bibliya sa palagay na ito. Nananatiling hindi kilala hanggang ngayon ang manunulat ng Hebreo.
Sa pagbubuod, si Apolos ay isang lalaki ng sulat na naging masigasig para sa paglilingkod sa Panginoon at may kaloob sa pangangaral. Nagpagal siya sa gawain ng Panginoon, tumulong sa ministeryo ng mga apostol at tapat na nagtatag ng iglesya. Ang kanyang buhay ay dapat na humamon sa bawat isa sa atin na lumago sa "biyaya at karunungan ng Panginoon" (2 Pedro 3:18) at gamitin ang mga kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos para sa pagsusulong at pagtatanggol ng katotohanan.
English
Sino si Apolos?