Tanong
Ano ang ating matututunan mula sa buhay ni Barnabas?
Sagot
Sa aklat ng mga Gawa, mababasa natin ang tungkol sa isang Levita na mula sa Cyprus na nagngangalang Joses (Gawa 4:36) na tinatawag ng mga apostol na "Barnabas." Ang tawag na ito na ngangangahulugang "anak ng pagpapalakas ng loob" (Gawa 4:36-37) o "anak ng pagpapayo," ay maaaring ibinigay sa kanya dahil sa kanyang ugali na maglingkod sa iba (Gawa 4:36-37, 9:27) at sa kanyang kahandaan na gawin ang anumang ipinagagawa ng mga lider ng iglesya (Gawa 11:25-30). Tinukoy siya bilang isang "mabuting tao, na puspos ng Banal na Espiritu at pananampalataya." Sa pamamagitan ng kanyang ministeryo, "malaking bilang ng mga tao ang nadala sa Panginoon" (Gawa 11:24). Ginamit ni Pablo si Barnabas bilang isang halimbawa ng isang taong may tamang pananaw sa pera at ari-arian. Nang ipagbili niya ang kanyang lupain, dinala niya ang pinagbilhan sa mga apostol at inilatag sa kanilang paanan (Gawa 4:36-37).
Nang magumpisang lumago ang iglesya sa kabila ng paguusig ni Herodes, tinawag si Barnabas ng Banal na Espiritu para samahan si Pablo sa kanyang mga paglalakbay bilang misyonero (Gawa 13:1-3). Naglingkod sa kanila si Juan Markos na kanyang pinsan bilang katulong (Gawa 13:5; Colosas 4:10). Habang nasa unang pagmimisyon, sa isang hindi malamang kadahilanan, iniwan sila ni Juan Marcos at hindi ito nagpatuloy sa pagsama sa kanila (Gawa 13:13). Gayunman, nagpatuloy si Barnabas sa pagsama kay Pablo at kasa-kasama siya ni Pablo ng ibaling nito ang kanyang ministeryo ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga Hentil (Gawa 13:42-52).
Pagkatapos ng unang paglalakbay, nagplano sila Pablo at Barnabas para sa kanilang sunod na gagawin. Nais ni Barnabas na isama ang kanyang pinsang si Juan Marcos ngunit hindi pumayag si Pablo at nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan at pagtatalo hanggang sa punto na naghiwalay sila ng landas (Gawa 15:36-41). Totoo sa tawag sa kanya, isinama ni Barnabas si Juan Marcos at naggugol siya ng panahon sa pagdidisipulo dito. Napakaepektibo ng kanyang minsiteryo na anupa't pagkatapos ng ilang taon, hiniling ni Pablo na puntahan siya ni Juan Marcos dahil lumago na ito sa pananampalataya at naging kagamit-gamit na para sa ministeryo ni Pablo (2 Timoteo 4:11).
Ang tanging negatibong banggit kay Barnabas sa Kasulatan ay sa isang insidente kung saan naimpluwensyahan ng pagpapakitang tao ni Pedro ang ibang mga Judio (kabilang si Barnabas) para iwasan ang paklikisalo sa mga Hentil (Galacia 2:13).
Gaya ni Barnabas, tinatawag tayong mga Kristiyano na palakasin ang ng loob ng iba, partikular ang mga mahihina sa pananampalataya o nakikipagbaka sa kasalanan. Inilalarawan sa Gawa 11:23 si Barnabas bilang isang tao na natutuwang makita ang iba na nagpapakita ng ebidensya ng biyaya ng Diyos sa kanilang mga buhay, nagpapahayag ng pananampalataya at nagpapalakas ng loob ng iba para matiling tapat sa Panginoon. Sa parehong paraan, dapat tayong maghanap ng mga oportunidad para papurihan ang mga taong lumuluwalhati at nagbibigay ng parangal sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga buhay na kinakikitaan ng pananampalataya. Bilang karagdagan, si Barnabas ay isang halimbawa ng isang taong may mapagbigay na espiritu at may pagpapakasakit para sa gawain ng Panginoon.
English
Ano ang ating matututunan mula sa buhay ni Barnabas?