Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay birheng Maria?
Sagot
Inilarawan ng Diyos na "lubos na kinalulugdan" si Maria, ang ina ni Jesus (Lukas 1:28). Ang pariralang "lubos na kinalulugdan" ay mula sa salitang Griego na nangangahulugang "labis na biyaya." Tumanggap si Maria ng labis na biyaya mula sa Diyos.
Ang biyaya ay isang "kagandahang loob na hindi nararapat na ipagkaloob." Ibig sabihin, ito ang tinatanggap natin sa kabila ng katotohanang hindi ito karapat-dapat ibigay sa atin. Kinakailangan ni Maria ng biyaya mula sa Diyos katulad natin. Nauunawaan ni Maria ang katotohanang ito kaya niya sinabing, "ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas" (Lukas1:47).
Nalalaman ng birheng si Maria sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, na kailangan niya ng Tagapagligtas. Sinabi sa Bibliya na si Maria ay isang ordinaryong tao lamang na na ginamit ng Diyos sa katangi-tanging paraan. Oo, isang matuwid na tao at kinalugdan ng Diyos si Maria (Lukas 1:27–28). Gayon din naman, isa siyang makasalanang nilalang na kinakailangan si Jesus bilang kanyang Tagapagligtas, katulad nating lahat (Mangangaral 7:20; Roma 3:23; 6:23; 1 Juan 1:8).
Hindi si Maria "ipinaglihi na walang kasalanan" (Immaculate Conception). Hindi binanggit ng Bibliya na natatangi ang kapanganakan ni Maria kundi karaniwan lamang tulad ng ibang tao. Birhen pa si Maria nang ipanganak niya si Jesus (Lukas 1:34–38), ngunit hindi siya permanenteng naging birhen. Hindi biblikal ang ideya ng habang panahon niyang pagkabirhen (perpetual virginity). Sinasabi sa Mateo 1:25, na tumutukoy kay Jose, "Ngunit hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol." Nangangahulugan ang paggamit ng salitang 'hanggang' na nagkaroon ng sekswal na relasyon si Maria at Jose matapos na ipanganak si Jesus. Nanatiling isang birhen si Maria hanggang sa ipanganak ang Tagapagligtas. Pagkatapos, nagkaroon si Jose at si Maria ng iba pang mga anak. May apat na lalaking kapatid si Jesus: sina Santiago, Jose, Simon, at Judas (Mateo 13:55). Mayroon ding mga kapatid na babae si Jesus, bagama't hindi nabanggit ang pangalan at kung ilan sila (Mateo 13:55–56). Pinagpala at biniyayaan ng Diyos si Maria sa pagkakaloob sa kanya ng ilan pang mga anak, na isang indikasyon ng malinaw na pagpapala ng Diyos sa kababaihan sa kanilang kultura ng panahon iyon.
Isang araw na nangangaral si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, "Pinagpala ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo" (Lukas 11:27). Isa sana itong magandang pagkakataon upang ipahayag ni Jesus na nararapat ngang papurihan at sambahin si Maria. Ngunit, paano ito sinagot ni Jesus? "Sumagot Siya, 'Higit na pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!'" (Lukas 11:28). Para kay Jesus, higit na mahalaga ang pagsunod sa mga Salita ng Diyos kaysa sa papurihan ang babaeng nagluwal sa Kanya.
Wala saanman sa Bibliya na sinabing si Jesus o sinumang tao ay tuwirang nagbigay ng pagpupuri, pagluwalhati, o pagsamba kay Maria. Pinuri si Maria ng kanyang kamag-anak na si Elizabeth, sa Lukas 1:42–44, ngunit dahil ito sa kanyang kagalakan sa biyayang nasa sinapupunan ni Mara. Hindi ito papuri dahil sa anumang likas niyang kaluwalhatian. Pagkarinig nito, bumigkas si Maria ng isang awit ng papuri at pagtatanghal sa habag at katapatan ng Panginoon (Lukas 1:46–55).
Marami ang naniniwala na isa si Maria sa mga pinagkunan ng mga detalye ni Lukas sa pagsusulat ng ebanghelyo (Lukas 1:1–4). Itinala ni Lukas na binisita ng Anghel na si Gabriel si Maria at sinabi sa kanya na isisilang niya ang isang sanggol na isang Tagapagligtas.
Nag-agam-agam at hindi sigurado si Maria kung posible ba itong mangyari dahil isa syang birhen. Nang sabihin ni Gabriel na maglilihi siya sa tulong ng Banal na Espiritu, sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel" (Lukas 1:38). Tumugon si Maria ng may pananampalataya at pagpapasakop sa plano ng Diyos. Dapat rin tayong magkaroon ng ganoong pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya.
Inilarawan ni Lukas ang mga pangyayari sa kapanganakan ni Jesus at ganito ang tugon ni Maria ng marinig ang mensahe ng mga pastol tungkol kay Jesus, "Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan" (Lukas 2:19).
Nang dalhin ni Jose at Maria si Jesus sa templo, nakilala ni Simeon si Jesus na Siyang Tagapagligtas at nagpuri siya sa Diyos. Namangha sina Jose at Maria sa mga sinabi ni Simeon. Sinabi rin niya kay Maria na, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso" (Lukas 2:34–35)
Ang isa pang pagkakataon na nasa templo si Jesus ay noong labindalawang taong gulang siya. Nabalisa si Maria dahil naiwan si Jesus sa templo nang bumalik sila sa Nazaret. Nag-alala sila habang hinahanap si Jesus at nang matagpuan nila ito sa templo, sinabi ni Jesus sa kanila na dapat na nasa bahay Siya ng Kanyang Ama (Lukas 2:49). Bumalik si Jesus sa Nazaret kasama ang mga magulang at naging masunurin sa kanila. Nasusulat muli na, "Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso" (Lukas 2:51). Maaaring nakakatakot gawin ang pagpapalaki kay Jesus ngunit gayon pa man, napuno ng mahahalagang pangyayari, mga alaala na lalong nagpalalim ng pagkakaunawa ni Maria kung sino si Jesus. Maaari rin nating gawing kayamanan sa ating puso ang kaalaman tungkol sa Diyos at ang mga alaala ng Kaniyang pagkilos sa ating buhay.
Si Maria ang siyang humiling kay Jesus na tumulong sa kakulangan ng inumin sa kasalan sa Cana, kung saan naganap ang una Niyang himala at ginawang alak ang tubig. Kahit na tila tumanggi si Jesus noong una, sinabi ni Maria sa mga lingkod na sundin ang iuutos Niya. Nagtiwala siya sa Kanya (Juan 2:1–11).
Pagtanda ni Jesus, nabahala ang Kanyang pamilya sa Kanyang pangangaral sa publiko. Nasusulat sa Marcos 3:20-21, "Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya'y nasisiraan ng bait." Nang dumating ang kanyang pamilya, sinabi ni Jesus na ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang kanyang mga kapatid at ina. Bago maganap ang pagpako kay Jesus sa krus, hindi naniniwala sa kanya ang kanyang mga kapatid na lalaki ngunit naniwala na ang dalawa sa kanila sa bandang huli — si Santiago at Judas, na sumulat ng dalawang aklat sa Bagong Tipan.
Naniwala si Maria kay Jesus sa buong buhay Niya. Naroon siya nang mamatay si Jesus sa krus (Juan 19:25), at siguradong naranasan ang matinding kapighatian na parang isang "patalim" sa kanyang puso gaya ng sinabi sa propesiya ni Simeon. Sa mga sandaling iyon, hiniling si Jesus kay Juan na magsilbing anak ni Maria, at pinatira si Maria ni Juan sa kanyang bahay (Juan 19:26–27). Kasama rin si Maria ng mga apostol noong araw ng Pentecostes (Gawa 1:14). Gayunman, hindi na muling nabanggit si Maria pagkatapos ng unang kabanata ng aklat ng mga Gawa.
Hindi binigyan ng mga apostol ng bantog na pagkakakilanlan si Maria. Hindi rin nasulat sa Bibliya ang kanyang kamatayan. Walang nabanggit tungkol kay Maria na nakitang umaakyat sa langit o kaya'y nakaluklok sa trono sa langit. Bilang ina ni Jesus sa lupa, dapat siyang igalang, ngunit hindi nararapat na sambahin.
Walang nasulat sa Bibliya na naririnig ni Maria ang ating mga panalangin at maaari natin siyang maging tagapamagitan sa Diyos. Tanging si Jesus lamang ang ating tagapamagitan sa langit (1 Timoteo 2:5). Kung aalayan ng pagsamba o panalangin, marahil ay sasabihin din ni Maria ang katulad na sagot ng mga anghel, "Ang Diyos ang sambahin mo" (Pahayag 19:10; 22:9.) Si Maria mismo ang nagbigay ng halimbawa para sa atin. Itinuon niya ang kanyang pagsamba at pagpupuri sa Panginoon lamang: "Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala; dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Banal ang kanyang pangalan!" (Lukas 1:46-49)
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay birheng Maria?