Tanong
Ano ang matututunan natin sa buhay ni Esteban?
Sagot
Ipinakilala sa Gawa 6:5 ang isang lalaking lubos ang pananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo. Kapansin-pansin na may mga tapat na mananampalataya na ang pag-ibig at paninindigan sa Panginoon ay nagliliwanag kaya't nakikita ng mga tao sa kanyang paligid at ganito si Esteban.
Walang nakatala tungkol sa personal na buhay ni Esteban – tungkol sa kanyang mga magulang, mga kapatid, o kahit kung nagkaroon ba siya ng asawa't anak. Gayon pa man, kung ano ang nakatala tungkol sa kanya ang mahalaga. Tapat siya, kahit pa nahaharap sa tiyak na kamatayan.
Isa si Esteban sa pitong lalaki na napili upang maging responsable sa pagbabahagi ng mga pagkain para sa mga balo sa unang iglesya, matapos magkaroon ng alitan at kinailangan ng mga apostol ng tulong. Si Esteban ay "Pinagpala ng Diyos at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla" (Gawa 6:8). Nagkaroon man ng alitan, hindi kayang tapatan ng mga taong nakipagtalo sa kanya ang karunungang kaloob sa kanya ng Espiritu Santo. Kaya naman, inakusahan na lamang nila si Esteban na isang lapastangan sa Diyos at ipinahuli (Gawa 6:11-14).
Nakatala sa ika-pitong kabanata ng Gawa ang talumpati ni Esteban. Marahil ito na ang pinakadetalyado at maiksing kasaysayan ng Israel at ng kanilang relasyon sa Diyos sa buong Kasulatan.
Hindi inisip ni Esteban ang kanyang buhay sa lupa, sa halip, nanindigan siya para kay Jesus kahit ano pa ang maging kapalit. Pinagkalooban siya ng Diyos ng kakayahan na magsalita ng may katapangan at magakusa laban sa Israel ng kanilang pagkukulang na kilalanin si Jesus bilang kanilang Mesiyas, itinanggi at pinatay Siya, katulad ng kanilang pagpatay kay Zacarias, sa iba pang mga propeta, at sa mga tapat na lingkod ng kanilang henerasyon.
Pagsasakdal laban sa Israel ang mga pananalita ni Esteban dahil sa kanilang pagkukulang bilang piniling bayan ng Diyos na pinagkalooban ng kautusan, ng mga banal na bagay, at pangako para sa isang Mesiyas. Hindi tinanggap ng mga Judio ang mga paratang na ito bagama't totoo.
Sa kanyang talumpati, ipinaalala ni Esteban sa Israel ang kanilang tapat na ninunong si Abraham, at kung paano siya dinala sa lupain ng Israel kung saan nakipagtipan sa kanya ang Diyos. Isinalaysay niya ang paglalakbay ng kanyang bayan, mula sa pananatili ni Jose sa Egipto hanggang sa kanilang paglaya matapos ang 400 taon sa pamumuno ni Moises. Ipinaalala niya kung paano nagpakita ang Panginoon kay Moises sa pamamagitan ng nagliliyab na mababang punongkahoy sa lupain ng Madian. Ipinaliwanag niya kung paano kinasangkapan ng Diyos si Moises upang pangunahan ang kanyang bayan palayo sa mga diyus-diyosan at pagkaalipin tungo sa kaginhawahan sa lupang pangako.
Sa buong talumpati ni Esteban, paulit-ulit niyang ipinaalala ang kanilang patuloy na pagsuway at pagsamba sa diyus-diyosan sa kabila ng kabutihan ng Diyos na kanilang nasaksihan. Pinaratangan niya sila ng sarili nilang pagkukulang sa kasaysayan, na hindi nila ikinatuwa hanggang sa ayaw na nilang makarinig ng kahit ano pa.
Nasusulat sa Kautusan na ang paglapastangan sa Diyos ay nararapat parusahan ng kamatayan, kadalasan sa pamamagitan ng pagbato ng buong kapulungan (Bilang 15:30-36). Bago pa man sundin ng mga mapagmataas na Judio ang kaparusahan at simulang pagbabatuhin si Esteban, naitala sa Gawa 7:55-56 ang huling sandali ng kanyang buhay sa lupa bago siya pumunta sa langit: "Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. Kaya't sinabi niya, "Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos."
Nasulat ang Colosas 3:2-3 patungkol sa buhay ni Esteban, at naaangkop ang talata sa lahat ng mananampalataya: "Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo."
Ang buhay ni Esteban — maging ang kanyang kamatayan — ay dapat na maging halimbawa kung paano dapat sikaping mamuhay ng mga mananampalataya: naninindigan sa pananampalataya kay Kristo kahit maharap sa kamatayan, tapat sa pangangaral ng ebanghelyo ng may katapangan, may sapat na kaalaman sa katotohanan ng Diyos, at handang magpagamit sa Panginoon para sa Kanyang plano at layunin. Nananatiling isang ilaw ang patotoo ni Esteban sa ligaw at madilim na mundo, at naglalaman rin ng tamang kasaysayan ng lahi ni Abraham.
English
Ano ang matututunan natin sa buhay ni Esteban?