Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Ester?
Sagot
Si Ester ay isang dalagang Hudyo na naging reyna ng Persia na nagligtas sa kanyang bayan mula sa isang plano na patayin ang buong lahi ng Judio Ang kanyang kwento ay nakatala sa isang aklat sa Lumang Tipan na nagtataglay ng kanyang pangalan. Ang pista ng mga Judio na tinatawag na Purim ay ipinagdiriwang para gunitain ang partikular na pagliligtas na ito ng Diyos sa mga Judio.
Nagsimula ang kuwento ng buhay ni Ester sa isang piging ni haring Ashuero. Si Haring Ashuero (na tinatawag ding Xerxes) ay anak ng kilalang hari ng Persia na si Haring Dario I, na binanggit sa Ezra 4:24; 5:5–7; 6:1–15; Daniel 6:1, 25; Ageo 1:15; at 2:10. Naganap ang inisdenteng ito sa pagitan ni Ester at haring Xerxes noong humigit kumulang 483 BC. Napakalawak ng imperyo ni haring Xerxes; sa katunayan, ito ang pinakamalaki sa buong mundo. Nasasakop noon ng Persia ang lupain na kilala ngayon sa tawag na Turkey, gayundin ang Iraq, Iran, Pakistan, Jordan, Lebanon, at Israel; saklaw din nito ang mga bahagi ng makabagong Egipto, Sudan, Libya, at Saudi Arabia.
Gaya ng nakararaming paganong haring hentil ng panahong iyon, nasisiyahan si haring Xerxes na ipakita sa publiko ang kanyang kayamanan at kapangyarihan sa mga piyesta na minsan ay nagtatagal ng 180 araw. Makikita na sa isang piyesta na binanggit sa Ester 1:10–11, hiniling ng hari sa kanyang asawang reyna na si Vashti na humarap sa pagtitipon ng mga opisyal para ipakita sa kanila ang kanyang kagandahan habang suot ang kanyang korona. Ang hinuha ay gusto ni haring Xerxes na magpakita lang si Vashti na suot ang kanyang korona. Tumanggi si reyna Vashti kaya't nagalit si haring Xerxes. Sinangguni ni Xerxes ang kanyang mga tagapayo at sinabi ng mga ito na ayon sa batas, ginawan ni Vashti ng masama ang mga tao. Natakot sila na baka kung marinig ng mga babae ng Persia ang pagtanggi nito na sundin ang kanyang asawang hari ay baka magumpisa silang ipahiya rin ang kanilang sariling mga asawa. Ipinayo nila sa hari na gumawa ng isang batas sa buong lupain na hindi na maaari pang magpakita si Vashti sa kanya. Ginawa nga ito ng hari at isinabatas ang nasabing panukala sa lahat ng wika sa buong nasasakupan ng Persia.
Sa pagkawala ni Vashti, nawalan ng reyna ang hari. Ipinayo ng mga katulong ng hari na magpahanap siya ng isang magandang dalaga sa buong lupain na magiging bagong reyna. Itinala ni Josephus, isang mananalaysay na Judio, na pumili si Xerxes mula sa kabuuang 400 na babae para maging kandidata sa pagiging bagong reyna (Ester 2:1–4). Sasailalim ang mga babae sa isang taon ng pagpapaganda bago humarap sa hari (talata 12). Napili si Ester, isang babaeng Judio na ang pangalan sa Hebreo ay Hadassah na maging isa sa mga kandidata (talata 8).
Bago dalhin ang mga dalaga sa harap ng hari, iingatan sila sa harem sa pangangalaga ni Hegai (Ester 2:8); pagkatapos ng pakikipagkita sa hari, dahil hindi na sila birhen, dadalhin sila sa isang lugar na nakatalaga para tirhan mga kabit – o mga asawa – kung saan babantayan sila ng isa pang eunuko (o bating) na nagngangalang Shaashgaz (talata 14).
Si Ester ay matagal ng naninirahan sa kuta ng mga kawal sa Susa, kung saan nakatira din ang hari. Siya ay pinsan ng isang Judio na galing sa lahi ni Benjamin na nagngangalang Mordecai, na kanya ring tagapangalaga at umapon sa kanya bilang sariling anak ng mamatay ang kanyang mga magulang. May isang uri ng opisyal na posisyon si Mordecai sa pamahalaan ng Persia (Ester 2:19). Nang mapili si Ester bilang siang kandidata para maging reyna, tinuruan siya ni Mordecai na huwag sasabihin ang kanyang pinanggalingan bilang isang Judio (talata 10). Binibisita din niya si Ester araw-araw para alamin ang kalagayan nito sa harem (talata 11).
Nang si Ester na ang nakatakdang humarap sa hari, "Dumating ang araw na haharap na sa hari si Ester. (Si Ester ay anak ni Abihail na tiyuhin naman ni Mordecai.) Wala siyang hiniling maliban sa sinabi sa kanya ni Hegai. Nabighani ang lahat ng nakakita sa kanya" (Ester 2:15). Nakuha din ni Ester ang loob ng hari: "Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae" at ginawa siya nito na kanyang reyna (Ester 2:17). Bilang karagdagan sa pagkakaroon ng "magandang katawan at kagandahan" (talata 7), si Ester ay masunurin sa payo ng matatalinong tagapayo ng hari at magaling makisama sa lahat. Sa pagpapatuloy ng kuwento, makikita din na ang Diyos mismo ang nasa likod ng buong proseso at mga pangyayari sa buhay ni Ester.
Makalipas ang ilang panahon, habang nakaupo si Mordecai sa tarangkahan ng hari, narinig niya ang isang plano ng pagpatay sa hari. Sinabi niya ito sa reyna na agad na nag-ulat sa hari at ibinigay kay Mordecai ang kredito. Napigilan ang plano ngunit nalimutan ng lahat ang pangyayari (Ester 2:21–23). Makikita nati sa pangyayaring ito ang patuloy na pakikipagugnayan ni Ester kay Mordecai gayundin ang kanyang integridad. Parehong pinarangalan nina Mordecai at Ester ang hari at pinrotektahan ito sa kanyang mga kaaway.
Pagkatapos nito, nagtalaga ang hari ng isang masamang tao sa kanyang pamamahala. Ang taong ito ay si Haman at kinamumuhian nito ang bayang Israel. Si Haman ay buhat sa angkan ni Agag, ang hari ng mga Amalekita, ang bansang mortal na kaaway ng bansang Israel sa loob ng maraming henerasyon (Exodo 17:14–16), at ang poot nito laban sa Israel ay malalim na nakatanim sa kanyang nadidimlang puso. Sa kanyang kayabangan, iniutos ni Haman sa mga opisyal ng hari na lumuhod sa kanya at parangalan siya ngunit tumanggi si Mordecai. Sinabi ng mga opisyal ng hari kay Haman ang tungkol dito at sinabi din kay Haman na si Mordecai ay isang Judio. Hindi lamang nais ni Haman na parusahan si Mordecai kundi, "Nang malaman niyang Judio si Mordecai, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes" (Ester 3:6). Pinayagan ni haring Xerxes si Haman na gawin ang kanyang anumang maibigan dahil nasiyahan siya sa payong ito, at isang batas ang ipinakalat sa lahat ng probinsya na sa isang itinakdang araw na pagpapasyahan sa pamamagitan ng palabunutan, lahat ng tao ay inuutusang "lipulin ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes" (Ester 3:13). Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis nang buong kapaitan, nag-ayuno at nagluksa. Karamihan sa kanila'y nagsuot ng damit panluksa at naglagay ng abo sa ulo (Ester 3:15; 4:3).
Hindi alam ni reyna Ester noong una ang planong ito laban sa mga Judio ngunit nalaman niya ang tungkol dito ng sabihin sa kanya ng kanyang mga aliping babae at mga eunuko na nagugulumihanan si Mordecai. Nagpadala si Ester ng isang mensahero kay Mordecai para alamin kung ano ang nangyayari. "Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng sulat ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari" (Ester 4:8). Ang problema, may isang kautusan laban sa pagharap sa hari ng hindi iniimbita at hindi inimibitahan ng hari si Ester sa nakaraang 30 araw. Sa pamamagitan ng kanyang mensahero, ipinasabi ni Ester kay Mordecai ang kanyang kawalan ng kakayahan para tumulong. Ipinasabi ni Mordecai, "Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Judio. Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!" (Ester 4:13–14). Sa isang pagpapakita ng malaking pananampalataya, pumayag si Ester. Hiniling niya sa mga Judio na magayuno para sa kanya sa loob ng tatlong araw habang magaayuno rin naman siya at ang kanyang mga aliping babae "…Pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay" (Ester 4:16).
Nang lumapit si Ester sa hari, talagang isinapanganib niya ang kanyang buhay. Ngunit "Nalugod siya nang makita si Ester at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Lumapit naman si Ester at hinipo ang dulo ng setro," isang tanda na tinatanggap niya ang kanyang presensya (Ester 5:2). Inimbitahan ni Ester si Haman at si Xerxes sa isang salu-salo ng araw na iyon. Ipinatawag ng hari si Haman at nagtungo sa hapag kung saan nito tinanong si Ester kung ano ang kanyang kagustuhan at sinabing ibibigay niya "kahit ang kalahati ng kanyang kaharian" (talata 6). Inimbitahan ni Ester ang dalawang lalaki na muling dumalo sa isa pang salu-salo kinabukasan kung saan niya sasabihin ang kanyang kahilingan (talata 8). Pumayag naman ang dalawa.
Hindi nakatulog si Xerxes ng gabing iyon kaya ipinabasa niya ang tala ng kasaysayan sa kanyang pamumuno. Sa isang kahanga-hangang pangyayari, ang tala na kanyang narinig ay tungkol sa pagbubunyag ni Mordecai ng isang plano para siya patayin at sa pagliligtas nito sa kanyang buhay. Samantala, umuwi naman si Haman sa kanyang bahay, tinipon ang kanyang mga kaibigan at asawa at sinabi sa kanila kung paano siya pinarangalan sa palasyo. Ngunit nakita niya si Mordecai sa daan habang pauwi na nagpalungkot sa kanya. Ipinayo ng kanyang asawa at mga kaibigan na magpagawa siya ng isang bitayan kung saan bibigtihin si Mordecai (Ester 5:9–14). Sinunod ni Haman ang kanilang payo at nagpatayo nga si Haman ng isang bitayan.
Habang pinagiisipan ni haring Xerxes ang kanyang hindi pagbibigay parangal kay Mordecai sa pagliligtas nito ng kanyang buhay, dumating si Haman para kausapin ang hari tungkol sa pagbitay kay Mordecai. Ngunit bago nasabi ni Haman ang kanyang plano, itinanong ng hari kay Haman kung ano ang dapat gawin sa sa isang lalaki na "nais na parangalan ng hari" (Ester 6:6). Sa pagaakalang siya ang tinutukoy ng hari, ipinayo ni Haman sa hari na iparada ang taong iyon sa buong bayan habang nakasuot ng maharlikang kasuutan at nakasakay sa kabayo ng hari habang isinisigaw ang ganito, "Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!" (Ester 6:9). Iniutos agad ng hari kay Haman na gawin ito para kay Mordecai.
Sinunod ni Haman ang hari at pinarangalan ang lalaking kanyang kinamumuhian. Ikinuwento niya ang mga pangyayari sa kanyang asawa at mga kaibigan. Nang marinig ito, tila alam ng kanyang asawa at mga kaibigan ang dahilan ng mga pangyayari, "Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, "Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya" (Ester 6:13). Dumating ang mga eunuko ng hari at dinala si Haman sa salu-salo ni Ester (talata 14). Doon, sinabi ni Ester sa hari na ang kanyang bayan ay ipinagbili para lipulin. Habang nagpapakita ng malaking paggalang at kapakumbabaan, sinabi ni Ester na kung ipinagbili lamang sila para maging alipin, hindi niya gagambalain ang hari, "Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako at hindi na kayo gagambalain pa. Subalit kami po ay nililipol na!" (Ester 7:4). Nagalit ang hari sa kung sinuman ang nagpaplano ng ganitong kasamaan sa mga kalahi ng reyna (talata 5). Ibinunyag ni Ester na ang tao sa likod ng planong ito ay ang "masamang si Haman" (talata 7). Galit na iniwan ni Xerxes ang salu-salo. Nagpaiwan si Haman para magmakaawa kay Ester para sa kanyang buhay. Nang muling pumasok ang hari sa silid at nakita ang pagmamakaawa ni Haman, inakala nitong minomolestiya ni Haman si Ester kaya't inutos ng hari na bitayin si Haman sa mismong bitayan na ipinagawa nito para kay Mordecai (talatas 8–10).
Pagkamatay ni Haman ibinigay ng hari kay Ester ang lahat nitong kayamanan at ibinigay kay Mordecai ang kanyang singsing na pantatak na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan sa kaharian na dating hawak ni Haman. Gayunman, ang utos na nagmula kay Haman ay hindi na mababawi pa. Muli, nagmakaawa si Ester sa hari na mamagitan. Nagpalabas muli ng isang utos ang hari para kontrahin ang utos na nanggaling kay Haman na nagbibigay ng karapatan sa mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili sa sinumang aatake sa kanila. Nagkaroon ng kagalakan sa lahat ng probinsya ng Persia. Marami ang naging Judio dahil sa takot. May ilang kaaway na umatake sa mga Judio sa itinakdang araw ngunit nagtagumpay ang mga Judio laban sa kanilang lahat (Ester 8).
Ang katapangan at pananampalataya ni Ester ay isang patunay sa pagtitiwala ng kabataang babaeng ito sa buhay na Diyos. Ang kanyang buhay ay isang aral tungkol sa kapamahalaan ng Diyos sa Kanyang mga nilikha. Pinamamahalaan ng Diyos ang bawat aspeto ng buhay para iposisyon ang mga tao, at isaayos ang mga sitwasyon para sa kanyang plano at layunin. Maaaring hindi natin alam ang ginagawa ng Diyos sa isang partikular na lugar sa isang partikular na sandali, ngunit maaaring dumating ang panahon na mauunawaan natin kung bakit nakaranas tayo ng ilang mga karanasan, o nakilala natin ang ilang tao, o nabuhay tayo sa isang lugar, o bumili sa isang tindahan, o naglakbay sa isang lugar. Maaaring dumating ang panahong iyon na malalaman natin na ang lahat ng bagay na naganap ay nakakalakip-lakip at kung babalikan natin ang mga pangyayari, ang lahat pala ay naganap sa eksaktong lugar at eksaktong panahon gaya ng naganap sa buhay ni Ester. Naging kabilang siya sa "harem" ng hari sa "eksaktong panahon." Naging isa siyang reyna sa "eksaktong panahon." Pinalakas siya at inihanda para mamagitan para sa kanyang bayan sa "eksaktong panahon" (Ester 4:14). At tapat siya na sumunod sa Diyos. Nagtiwala si Ester sa Diyos at buong pagpapakumbabang naglingkod anuman ang maging kapalit. Tunay na si Ester ay isang paalala sa atin ng pangako ng Diyos, gaya ng nasusulat sa Roma 8:28, "Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga namgamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin."
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Ester?