settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Ezekiel?

Sagot


Si Ezekiel, na ang pangalan ay nangangahulugang "pinalakas ng Diyos," ay lumaki sa Jerusalem, naglingkod siya bilang saserdote sa templo at kabilang sa ikalawang grupo ng mga Judio na dinalang bihag sa Babilonia kasama ni haring Jehoiachin. Habang nasa Babilonia, naging isa siyang propeta ng Diyos; siya ang sumulat ng isa sa mga aklat sa Lumang Tipan na ipinangalan sa kanya. Nagumpisa ang minsiteryo ni Ezekiel sa pagkondena at paghatol sa bansang Juda. Pagkatapos na mawasak ang Jerusalem, ang naging paksa ng mga hula ni Ezekiel ay pag-asa para sa hinaharap. Nais ni Ezekiel na tulungan ang mga tao na matuto sa kanilang mga kabiguan. Inianunsyo niya ang napipintong hatol sa mga bansa na nakapalibot sa Juda at muling itinatag ang pag-asa para sa pagpapanumbalik sa Israel. Ang kanyang pangitain tungkol sa isang lambak ng mga tuyong kalansay (Ezekiel 37) ay naglalarawan sa bagong buhay na ihihinga ng Diyos sa bansa, na magaganap sa isanlibong taon ng paghahari ni Cristo sa mundo.

Ang unang pangitain ni Ezekiel ay tungkol sa trono ng Diyos kasama ang apat na nabubuhay na nilalang at "mga umiikot na gulong." Nagkaroon din si Ezekiel ng detalyadong pangitain ng isang bagong templo (Ezekiel 40–43), ng isang pinanumbalik na Jerusalem (Ezekiel 48:30–35), ng isanlibong taon ng paghahari (kabanata 44), at ng lupain kung saan mananahan ang bayan ng Diyos (Ezekiel 47:13–23). Manunumbalik na muli ang pagkakaisa sa Israel at Juda hanggang sa dulo ng sanlibutan habang muli ring manunumbalik ang kaluwalhatian ng Diyos at mananahan ang Diyos kasama ng Kanyang bayan. Ang mga napakagandang pangitaing ito ay may kinalaman sa parehong nalalapit at pangmatagalang plano ng Diyos. Ipinahayag ni Ezekiel ang mensahe ng Diyos sa direktang pananalita na anupa't maiintindihan iyon ng lahat, makinig man sila o hindi (Ezekiel 2:7). Mismong si Ezekiel ay nakatanggap ng isang babala na kung hindi niya tapat na bibigyan ng babala ang mga tao tungkol sa parusa ng Diyos sa hindi pagsunod sa Kanya, papapanagutin siya ng Diyos sa dugo ng mga taong namatay sa kanilang mga kasalanan (Ezekiel 33:8–9). Hindi siya nagatubili sa kanyang misyon at masigasig na sinunod ang mga tagubilin ng Diyos. Nagkaroon si Ezekiel ng marubdob na pananaw sa paghatol at pag-asa, at nasalamin sa kanyang sarili ang kalungkutan ng Diyos dahil sa kasalanan ng mga tao.

Nakaranas ang propeta ng maraming oposisyon sa kanyang buong buhay, ngunit masigasig niyang ipinahayag ang kagustuhan ng Diyos na hindi mamatay ang mga makasalanan sa kanilang mga kasalanan kundi sa halip ay magsisi sila at mabuhay. Ang kanyang yugto-yugtong katahimikan sa kanyang mga uanng taon ay nabasag ng bigyan siya ng Diyos ng kakayahang magsalita at kinalagan ang kanyang dila upang sabihin ang pinakamahabang talata sa Bibliya patungkol sa isang nagpapatuloy na pag-asa. Ang pagsunog, pagtadtad at pagkalat ng kanyang buhok ay kumatawan sa pagbagsak ng Jerusalem at pagbabalik ng mga nalalabi mula sa pagkakatapon (kabanata 5). Ang pinakasukdulan ng mga salitang puno ng pag-asa ay ang pangako para sa isang walang hanggang paninirahan sa lupain, sa pagdating ng isang walang hanggang prinsipe mula sa lahi ni David, sa isang walang hanggang tipan, at isang walang hanggang santuaryo sa Israel (Ezekiel 11:16-21). Lumukso siya sa panahon pagkatapos na ibalik ang Israel mula sa isang misteryosong paglusob mula sa Hilaga na pahihintulutan ni Yahweh ngunit ganap na magtatagumpay ang Israel. Ipinapakita nito na walang bansang kaaway ng Israel ang muling magtatagumpay sa pagsakop sa banal na Lupain at muling magbabalik ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, at papasok Siya sa Silangang pasukan ng Templo gaya ng nakita ni Ezekiel sa kanyang pangitain.

Ipinapakita ni Ezekiel sa lahat ng mga Kristiyano na dapat tayong maging masunurin sa tawag ng Diyos sa ating mga buhay. Sinabi ng Diyos kay Ezekiel na dumaing siya sa Diyos ng may basag na puso at mapait na kalungkutan para sa paparating na paghatol at sa pamamagitan ng kanyang madamdaming aklat, sinasabi sa atin ni Ezekiel ang parehong bagay. Paparating na ang paghatol na ito! Tiyak itong magaganap, ang sabi ng Panginoon!! Maaari din naman nating babalaan ang iba at ibahagi sa kanila ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu Cristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Ezekiel?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries