Tanong
Sino si Felipe sa Bibliya?
Sagot
May apat na magkakaibang tao na may pangalang Felipe ang nabanggit sa Bibliya. Felipe ang pangalan ng dalawang anak ni Haring Herodes sa dalawang magkaibang asawa (Lucas 3:1 at Mateo 14:3). Mga lingkod ni Kristo at mga naging manggagawa sa unang iglesya ang dalawa pa: si Felipe na alagad at apostol ni Kristo, at si Felipe na ebanghelista.
Taga Betsaida sa Galilea si Felipe na alagad, tulad nina Andres at Pedro (Juan 1:44; 12:21). Tinawag ni Jesus si Felipe, na naging alagad ni Juan Bautista (Juan 1:43), at siya ay sumunod at natagpuan si Nathaniel at sinabi ang tungkol kay Jesus. Naging alagad rin ni Jesus si Nathaniel. Walang gaanong detalye ang Bibliya tungkol sa pinagmulan ni Felipe o sa iba pang alagad, ngunit ilang ulit na itinala ni Juan ang mga pagkakataong nakipag-usap si Felipe kay Jesus.
Ang paghayo ni Felipe at pagsasabi nito kay Nathaniel tungkol kay Jesus ang pinakaunang naitala niyang pagsunod bilang alagad ni Jesus. Ang sumunod ay nang lapitan siya ng ilang Griyegong mula sa Betsaida na nagtanong tungkol kay Jesus (Juan 12:20–22). Si Felipe ang alagad na nagkalkula sa halaga ng salapi na kailangan upang mapakain ang 5,000 tao (Juan 6:7). Pagkatapos ng Huling hapunan, humiling si Felipe na ipakita sa kanila ni Jesus ang Ama na sinagot ni Jesus ng, "Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama" (Juan 14:8–9). Ang huling beses na binanggit sa Bibliya ang alagad na si Felipe ay kasama siya sa mga nagtipon sa Jerusalem upang manalangin pagkatapos ng pag-akyat ni Jesus sa langit (Gawa 1:13). Sinasabi sa tradisyon na nagpunta si Felipe sa Phrygia (ngayon ay kilala bilang bansang Turkey) bilang isang misyonero at pinatay siya sa Hierapolis.
Ang isa pang Felipe ay ang alagad na si Felipe. Tinatawag siya na ang "Diyakono at Ebanghelistang si Felipe." Kadalasan na ipinagpapalagay na kasama siya sa pitumpu't dalawang lalaki na isinugo ni Jesus sa Lucas 10:1 bagama't hindi nabanggit sa Bibliya ang kanilang mga pangalan. Ang nalalaman lamang natin ay isa si Felipe sa pitong napili na lubos ang pananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo upang maglingkod sa iglesia sa Jerusalem (Gawa 6:5). May puso si Felipe sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at nang mangyari ang matinding pag-uusig sa iglesya sa Jerusalem (Gawa 8:1), umalis si Felipe sa Jerusalem upang maging ebanghelista sa Samaria (Gawa 8:5–12). Nang magsimula ang iglesya sa Samaria, ginamit ng Espiritu Santo si Felipe upang ihatid ang ebanghelyo sa isang eunuko na pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, reyna ng Etiopia. Nakita ni Felipe na nakasakay ang eunuko sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias at sinusubukang unawain ang binabasa. Inalok ni Felipe ang Eunuko ng paliwanag at inanyayahan siya nitong sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. Sa huli, naligtas ang eunuko at binautismuhan ni Felipe (Gawa 8:26–39). Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at dinala sa Azoto, kung saan ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea (Gawa 8:40).
Makalipas ang dalawampung taon, nabanggit muli si Felipe na naroon pa rin sa Caesarea (Gawa 21:8–9). Naglakbay si Pablo at Lukas, kasama ang iba pa patungo sa Jerusalem at huminto sila sa tahanan ni Felipe sa Caesarea. Nanatili sila roon ng ilang araw. May apat na anak na babae si Felipe. Lahat sila'y pawang mga dalaga at may kaloob ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Ito ang huling beses na nabanggit ang Ebanghelistang si Felipe sa Bibliya.
English
Sino si Felipe sa Bibliya?