settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Jeremias?

Sagot


Si Jeremias ay isang propeta na nabuhay sa mga huling panahon na bumabagsak ang bansang Israel. Siya ang huling propeta ng Diyos na isinugo para mangaral sa kaharian sa Timog na binubuo ng mga tribo ng Juda at Benjamin. Paulit-ulit na nagbabala ang Diyos sa Israel na tigilan ang kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan ngunit hindi sila nakinig kaya winasak niya ang 12 tribo at ipinadala ang sampung tribo sa Hilaga sa pagkabihag sa mga kamay ng mga Asiryo. Pagkatapos sinugo ng Diyos si Jeremias sa Juda para bigyan sila ng huling babala bago sila ipatapon sa labas ng lupain, at wasakin ang bansa at ipadala sila sa pagkabihag sa paganong kaharian ng Babilonia. Si Jeremias ay isang taong tapat at may takot sa Diyos na tinawag para sabihin sa Israel na dahil sa kanilang hindi pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, binalingan sila ng kanilang Diyos at ngayon ay nakahanda ng alisin sila sa lupain sa kamay ng isang paganong hari.

Walang duda na si Jeremias, na 17 taong gulang pa lamang ng tawagin ng Diyos ay nanlumo dahil sa magaganap sa kanyang bayan at pinakiusapan niya sila na makinig. Kilala siya bilang ang ''nananaghoy na propeta," dahil lumuha siya sa sobrang kalungkutan, hindi lamang dahil alam niya kung ano ang mangyayari, kundi dahil din sa kahit ano ang kanyang gawing pangangaral ay ayaw makinig ng mga tao. Gayundin, hindi siya nakatagpo ng kaaliwan mula sa tao. Pinagbawalan siya ng Diyos na magasawa o magkaroon ng mga anak (Jeremias 16:2), at iniwan siya ng kanyang mga kaibigan. Kaya, bukod sa kahirapang dulot ng kaalaman tungkol sa nalalapit na paghatol ng Diyos, nakaranas din siya ng sorang kalungkutan dahil sa kanyang sitwasyon. Alam ng Diyos na ito ang pinakamaganda para kay Jeremias dahil sinabi Niya dito ang nakapanghihilakbot na magaganap sa madaling panahon, na ang mga sanggol, mga bata, at maging ang mga matatanda ay mamamatay sa kalunos-lunos na paraan na anupa't ni hindi magagawang ilibing ang kanilang mga bangkay at ang kanilang laman ay kakainin ng mga ibon (Jeremias 16:3-4).

Malinaw na napakatigas na ng puso ng mga Israelita dahil sa nakamamanhid na epekto ng kasalanan anupa't hindi na sila naniniwala sa Diyos o natatakot man sa Kanya. Nangaral si Jeremias sa loob ng 40 taon, at ni minsan ay hindi siya nagtagumpay na baguhin o palambutin ang puso at isip ng kanyang bayan na sumasamba sa diyus-diyusan at matitigas ang ulo. Nagtagumpay kahit paano ang ibang mga propeta ng Diyos kahit sa sandaling panahon, ngunit hindi si Jeremias. Parang nagsasalita siya sa pader; gayunman, hindi nasayang ang kanyang pangangaral. Ang kanyang mga salita ay gaya ng perlas na itinatapon sa mga baboy, at hinahatulan ang bawat taong nakarinig sa kanila at tumangging dinggin ang kanyang babala.

Sinubukan ni Jeremias na maunawaan ng mga tao na ang kanilang problema ay kawalan ng pananampalataya, pagtitiwala, at pananampalataya sa Diyos maging ang kawalan nila ng takot sa Kanya na siyang dahilan ng kanilang pagwawalang bahala sa Kanya. Napakadali na mahulog sa huwad na katiyakan, lalo na kung ang atensyon ay hindi nakatuon sa Diyos. Gaya ng maraming bansa ngayon, ang bansang Israel ay tumigil na unahin ang Diyos sa lahat ng bagay at pinalitan ang tunay na Diyos ng mga diyus-diyusan, mga huwad na diyos na hindi sila uusigin at hahatulan sa kanilang kasalanan. Iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan sa pagkaalipin sa Egipto, gumawa ng mga himala sa kanilang harapan, at hinati pa ang tubig ng dagat para sa kanila. Sa kabila ng pagpapakita ng Diyos ng Kanyang kapangyarihan, bumalik sila sa kanilang makasalanang pamumuhay na kanilang natutunan sa Egipto, at namanata pa sa huwad na 'Reyna ng Langit," at gumawa ng iba pang mga ritwal at seremonya na bahagi ng kultura at relihiyon ng Egipto. Sa huli, ibinigay sila ng Diyos sa kanilang pagsamba sa diyus-diyusan at sinabi, 'Kayo at ang inyong mga asawang babae ay nagsabi ng ganito: 'Gagawin namin ang aming ipinangako; magsusunog kami ng mga handog sa reyna ng kalangitan, at mag-aalay ng handog na alak sa kanya." Patunayan ninyo at tuparin ang inyong mga ipinangako!" (Jeremias 44:25).

Pinanghinaan din ng loob si Jeremias. Lumubog siya sa kawalang pag-asa kung saan maraming mananampalataya ang tila hindi makaahon sa tuwing naiisip na walang nangyayari sa kanilang mga ginagawa at nauubusan na sila ng oras. Naubusan na si Jeremias ng emosyonal na lakas hanggang sa punto na nagduda siya sa Diyos (Jeremias 15:18), ngunit hindi pa tapos ang Diyos sa kanya. Itinala sa Jeremias 15:19 ang isang aral na dapat alalahanin ng bawat isang mananampalataya sa tuwing nakakaramdam sila ng kalungkutan, kawalang kabuluhan at kawalan ng pag-asa at nanghihina ang pananampalataya: 'Kung manunumbalik ka, tatanggapin kita, at muli kitang gagawing lingkod ko. Kung magsasalita ka ng mga bagay na may kabuluhan, at hindi ng walang kabuluhan, muli kitang gagawing propeta. Lalapit sa iyo ang mga tao, at hindi ikaw ang lalapit sa kanila." Sinabi ng Diyos kay Jeremias, "magbalik ka sa Akin, at papanumbalikin kita at ibabalik ko sa iyo ang galak ng iyong kaligtasan." Ang mga pananalitang ito ay kapareho ng mga salitang isinulat ni David ng magsisi siya sa kanyang kasalanan kay Batsheba (Awit 51:12).

Ang matututunan natin sa buhay ni Jeremias ay ang kaaliwan na nalalaman ng bawat isang mananampalataya na kahit na ang mga dakilang propeta ng Diyos ay maaaring makaranas ng pagtataksil, depresyon at panghihina ng loob sa kanilang paglakad kasama ng Panginoon. Ito ay normal na bahagi ng paglagong espiritwal, dahil nakikipagbaka ang ating makasalanang kalikasan sa ating bagong kalikasan na isinilang ng Espiritu ng Diyos ayon sa Galacia 5:17: 'Sapagkat ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin." Ngunti gaya ng nalaman ni Jeremias, alam natin na walang hanggan ang katapatan ng Diyos; kahit na hindi tayo tapat sa kanya, nananatili siyang tapat sa atin (2 Timoteo 2:13).

Binigyan si Jeremias ng isang gawain ng paghahayag ng isang hindi popular na mensahe ng hatol sa Israel, na nagdulot sa kanya ng matinding pagdadalamhati, gayundin, ng panlalait ng mga tao. Sinasabi ng Diyos na ang Kanyang katotohanan ay 'kahangalan' para sa mga naliligaw, ngunit para sa mga mananampalataya, ang mga iyon ay mismong mga salita ng buhay (1 Corinto 1:18). Sinabi din Niya na darating ang panahon na hindi na matitiis ng mga tao ang katotohanan (2 Timoteo 4:3-4). Ayaw ng mga Israelita noong panahon ni Jeremias na pakinggan ang kanyang sasabihin, at nayamot sila sa kanyang patuloy na babala sa paghatol ng Diyos. Totoo ito sa ating panahon ngayon habang sumusunod ang mga mananampalataya sa tagubilin ng Diyos na nagbababala sa nalalapit na paghatol sa naliligaw at napapahamak sa mundo (Pahayag 3:10). Bagama't nakararami ang hindi nakikinig, dapat tayong magtiyaga sa pagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang ilan sa kahindik-hindik na paghatol na tiyak na darating.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Jeremias?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries