settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni apostol Juan?

Sagot


Si apostol Juan ang sumulat ng 5 aklat sa Bagong Tipan: ang ebanghelyo ni Juan, ang tatlong maiksing sulat sa kanyang pangalan (1, 2, at 3 Juan) at ang aklat ng Pahayag. Si Juan ay isa sa malapit na alagad ni Jesus at binigyan siya ng pribilehiyo kasama nina Pedro at Santiago na masaksihan ang pakikipagusap ni Jesus kina Moises at Elias sa isang bundok kung saan Siya nagbagong anyo (Mateo 17:1-9). Naging prominente siya sa 12 alagad habang lumalago sa kanyang pagkakilala sa Panginoon at pagkatapos ng pagpako kay Cristo sa krus, naging isang "haligi" siya ng iglesya sa Jerusalem (Galacia 2:9), naglingkod na kasama ni Pedro (Gawa 3:1, 4:13, 8:14), at sa huli ay ipinatapon sa isla ng Patmos ng mga Romano kung saan natanggap niya ang mga kahanga-hangang pangitain na nilalaman ng aklat ng Pahayag.

Hindi dapat maipagkamali kay Juan Bautista, si apostol Juan ay kapatid ni Santiago na isa rin sa 12 apostol ni Jesus. Tinawag ni Jesus ang magkapatid na Juan at Santiago na "Boanerges," na nangangahulugang "mga anak ng kulog" at sa taguring ito natin masasalamin ang kanilang personalidad. Ang magkapatid ay parehong kinakitaan ng kasigasigan, ambisyon at simbuyo ng damdamin. Sa mga unang araw na kasama si Jesus, may mga panahon na kumilos si Juan ng marahas, walang ingat, agresibo at mapusok. Mababasa natin sa Markos 9 na pinagbawalan niya ang isang lalaki na magpalayas ng mga demonyo sa pangalan ni Jesus dahil hindi ito bahagi ng 12 (Markos 9:38-41). Mahinaho siyang sinaway ni Jesus at sinabi na walang sinuman ang nagpapalayas ng mga demonyo sa Kanyang pangalan na magsasalita ng masama laban sa Kanya. Sa Lukas 9:51-55, makikita natin ang magkapatid na Juan at Santiago na nagnais na magpaulan ng apoy mula sa langit para lipulin ang mga Samaritano na tumangging tanggapin si Jesus. Muli, minarapat ni Jesus na sawayin ang dalawa dahil sa kanilang kawalan ng pasensya at ng tunay na pag-ibig para sa mga naliligaw. Ang kasigasigan ni Juan para kay Jesus ay itinulak din ng kanyang ambisyon, gaya ng mapapansin sa kanyang kahilingan (sa pamamagitan ng kanyang ina) na siya at ang kanyang kapatid na si Santiago ay makaupo sa kanan at kaliwa ni Jesus sa kaharian ng Diyos, isang insidente na naging sanhi ng pansamantalang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawa at ng iba pang mga apostol (Mateo 20:20-24; Markos 10:35-41).

Sa kabila ng mga maling ekspresyong ito at simbuyo ng damdamin bilang isang baguhan, natuto si Juan sa kanyang mga pagkakamali habang nagkakaedad. Nagumpisa siyang maunawaan ang pangangailangan ng pagpapakumbaba sa mga nagnanais nna maging dakila. Tanging ang ebanghelyo lamang ni Juan ang nagtala sa paghuhugas ni Jesus ng paa ng mga alagad (Juan 13:1-16). Ang simpleng pagpapakita ni Jesus ng kapakumbabaan na gaya ng isang alipin ang bumago sa pananaw ni Juan. Habang nakapako sa krus, may sapat na pagtitiwala si Jesus kay Juan para ibigay dito ang responsibilidad ng pangangalaga sa Kanyang ina, isang habilin na lubhang sineryoso ni Juan. Mula ng araw na iyon, inalagaan ni Juan si Maria na gaya ng kanyang sariling ina (Juan 19:25-27). Ang mapusok na kahilingan ni Juan para sa espesyal na karangalan sa kaharian ng Diyos ang nagbigay daan sa kahabagan at kapakumbabaan na magiging katangian ng kanyang minsteryo sa huling bahagi ng kanyang buhay. Bagama't nanatili pa rin siyang matapang at matibay ang paninindigan, ang kanyang ambisyon ay nabalanse ng pagpapakumbaba na kanyang natutunan sa paanan ni Jesus.

Ang kahandaan ni Juan na maglingkod sa iba at magdusa para sa kapakanan ng ebanghelyo ang nagbigay sa kanya ng lakas para tiisin ang pagkakabilanggo niya sa isla ng Patmos kung saan, ayon sa mga mapagkakatiwalaang tala sa kasaysayan, tumira siya sa isang kuweba hiwalay sa kanyang mga minamahal at tinrato ng may kalupitan at kahihiyan. Sa kanyang mga paunang salita sa aklat ng Pahayag, tinukoy ni Juan ang kanyang sarili bilang "ang inyong kapatid at kasama sa kapighatian at pagtitiis na nararanasan ng mga kabilang sa kanyang kaharian dahil sa pakikipag-isa kay Jesus" (Pahayag 1:9). Natutunan niyang tingnan sa kabila ng kanyang pagdurusa sa lupa ang makalangit na kaluwalhatian na naghihintay sa lahat ng tapat at nagtitiis alang-alang sa pananampalataya.

Masigasig na inilaan ni Juan ang kanyang buhay sa pagpapahayag ng katotohanan. Maaaring walang ibang karakter sa Kasulatan, maliban sa Panginoong Jesus ang may napakalaking malasakit sa katotohanan na gaya ni Juan. Ang kanyang kagalakan ay maipahayag ang katotohanan sa iba at makitang lumalakad sila sa katotohanan (3 Juan 1:4). Ang kanyang pangunahing kinokonenda ay ang mga taong binabaluktot ang katotohanan at inililigaw ang iba palayo sa Diyos, lalo na ang mga nagpapanggap na mananampalataya (1 Juan 2:4). Ang kanyang dedikasyon sa katotohanan ang nagpapaningas sa kanyang malasakit sa mga tupa na maaaring madaya ng mga bulaang tagapagturo, at ang kanyang mga babala tungkol sa mga bulaang guro ang nilalaman ng buong 1 Juan. Wala siyang pangimi na tawaging "bulaang propeta" at mga "antikristo" ang mga nagtatangkang baluktutin ang katotohanan hanngang sa punto na tawagin sila na mga likas na sa demonyo (1 Juan 2:18, 26, 3:7, 4:1-7).

Gayundin naman, tinatawag din si Juan na "apostol ng pag-ibig." Sa kanyang sariling ebanghelyo, tinukoy niya ang kanyang sarili bilang "ang alagad na minamahal ni Jesus" (Juan 13:23, 20:2, 21:7, 21:20). Ipinakita siya bilang ang alagad na nakahilig sa dibdib ni Jesus sa huling hapunan, na maaaring isa ring indikasyon na si Juan ang pinakabata sa 12. Sa kanyang unang sulat, ipinakilala ni Juan na ang Diyos ay pag-ibig at ang ating pag-ibig sa isa't isa ang kapahayagn ng pag-ibig ng Diyos sa atin (1 Juan 3; 4:7-21). Ang kanyang maiksing ikalawang sulat ay punong-puno ng ekspresyon ng kanyang malalim na pag-ibig sa lahat ng kanyang pinaglilingkuran. Isinulat niya ito sa isang grupo ng mga mananampalataya "na aking minamahal sa katotohanan" at hinimok sila na "ibigin ang isa't isa" sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ni Jesus (2 Juan 1:1, 5-6). Tinawag ni Juan ang kanyang mga mambabasa ng maraming ulit bilang mga "minamahal" sa parehong 1 Juan at 3 Juan.

Ang buhay ni Juan ay nagpapaalala sa atin ng ilang aral na maaari nating ilapat sa ating sariling buhay. Una, ang sigasig para sa katotohanan ay dapat na laging balansehin ng pag-ibig para sa mga tao. Kung walang pag-ibig, ang sigasig ay nagiging kagaspangan at paghatol. Gayundin naman, ang malaking pag-ibig na kulang ng kakayahan na kilalanin ang katotohanan mula sa kasinungalingan ay isang hungkag na simbuyo lang ng damdamin. Gaya ni Juan, na natuto habang tumatanda, kung sasabihin natin ang katotohanan sa diwa ng pag-ibig, ang mga taong ating maaabot at tayo din naman ay magiging "lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat" (Efeso 4:15).

Ikalawa, ang pagtitiwala sa sarili at katapangan na walang kahabagan at biyaya ay maaaring maging isang uri ng pagmamataas at kayabangan. Isang kahangang-hangang katangian ang pagtitiwala sa sarili, ngunit kung walang kapakumbabaan, ito'y nagiging pansarili na maaaring maging daan sa pagyayabang at paglayo sa iba. Kung mangyayari ito, ang ating patotoo sa biyaya ng Diyos ay madudungisan at makikita sa atin ng ibang tao ang uri ng taong ayaw nilang tularan. Gaya ni Juan, kung nais nating maging epektibong mga saksi para kay Cristo, dapat makita sa ating paguugali at gawa ang kasigasigan para sa katotohanan, kahabagan sa mga tao, at hindi nagmamaliw na pagnanais na maglingkod at kumatawan sa ating Panginoon habang nasasalamin sa atin ang Kanyang biyaya at kapakumbabaan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni apostol Juan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries