settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Juan Bautista?

Sagot


Bagama't nagpapahiwatig ang kanyang pangalan na nagbabawtismo siya ng mga tao (na kanya talagang ginawa), ang buhay ni Juan Bautista sa mundo ay hindi lamang tungkol sa pagbabawtismo. Ang buhay ni Juan ay kinakitaan ng pagtatalaga at pagsuko kay Jesu Cristo at sa Kanyang kaharian. Ang tinig ni Juan ay "nagiisang tinig sa ilang" (Juan 1:23) habang ipinapahayag niya ang pagdating ng Mesiyas sa isang bansa na desperadong nangangailangan ng isang Tagapagligtas. Siya ang nagpasimula ng mga makabagong ebanghelista at hindi siya nahiyang ibahagi ang Mabuting Balita ng Panginoong Jesu Cristo. Siya ay isang lalaking puspos ng pananampalataya at huwaran para sa mga nagnanais na magbahagi ng pananampalataya sa iba.

Nakararaming indibidwal, mananampalataya man o hindi ang nakakakilala kay Juan Bautista. Siya ay isa sa mga pinakamahalga at pinakakilalang tauhan sa Bibliya. Habang kilala si Juan bilang ang "tagabawtismo," ang totoo, siya ang unang propeta na tinawag ng Diyos apat na raang taon pagkatapos ni Malakias. Ang pagdating ni Juan Bautista ay hinulaan ng isang propeta mahigit sa 700 taon pa bago maganap: "Ganito ang isinisigaw ng isang tinig: "Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang; gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang. Tambakan ang mga libis, patagin ang mga burol at bundok, at pantayin ang mga baku-bakong daan. Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh, at makikita ito ng lahat ng tao. Si Yahweh mismo ang nagsabi nito" (Isaias 40:3–5). Inilalarawan sa mga talatang ito ang plano ng Diyos na Kanyang gagawin at si Juan ang kanyang pinili upang maging espesyal na kinatawan para ipahayag ang Kanyang pagdating.

Mahimala ang pagsilang ni Juan Bautista. Isinilang siya sa matatandang magulang na hindi magkaroon ng anak (Lukas 1:7). Ibinalita ni anghel Gabriel kay Zacarias, isang saserdote mula sa lahi ni Levi na magkakaroon siya ng isang anak – isang balita na hindi niya pinaniwalaan (mga talata 8–18). Sinabi ni Anghel Gabriel kay Zacarias: "….siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon" (mga talata 15–17). Totoo sa salita ng Panginoon, isinilang si Juan ni Elizabeth, ang asawa ni Zacarias. Sa pagtutuli kay Juan, sinabi ni Zacarias patungkol sa kanyang anak, "Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos; sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan" (talata 76).

May relasyon si Juan kay Jesus dahil magkamag-anak ang kanilang mga ina (Lukas 1:36). Sa katotohanan, nang ibalita ni Anghel Gabriel kay Maria na isisilang niya si Jesus, sinabi din ng Anghel kay Maria ang tungkol kay Juan. Nang ipinagbubuntis na ni Maria si Jesus, dumalaw siya kay Elizabeth at lumukso si Juan sa sinapupunan ng kanyang ina dahil sa tuwa ng marinig ang tinig ni Maria (Lukas 1:39-45).

Namuhay si Juan sa bulubunduking bahagi ng Judea, sa pagitan ng Jerusalem at ng Dagat na Patay. Nagsuot siya ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at may sinturon na yari sa katad, ang tipikal na kasuotan ng isang propeta. Simple ang kanyang pagkain—balang at pulot-pukyutan (Mateo 3:4). Nabuhay si Juan ng isang simpleng buhay dahil nakatuon ang kanyang pansin sa gawain ng kaharian na nakahanda para sa kanya.

Naging popular ang ministeryo ni Juan gaya ng itinala sa Mateo 3:5–6: "Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan." Ang kahulugan ng bawtismo ni Juan ay pag-amin at pagsisisi sa mga kasalanan—na isang napakagandang paraan para maging handa sa pagdating ng Tagapagligtas. Ang pagsisisi kaugnay ng bawtismo ni Juan ay naglalayo din sa mga matuwid ang tingin sa sarili palayo sa tubig dahil hindi nila itinuturing ang kanilang sarili na makasalanan. Para sa mga matuwid ang tingin sa sarili, may mabagsik na babala si Juan na hindi sila dapat magtiwala sa kanilang pinanggalingang lahi para maligtas, sa halip dapat silang magsisi at patunayan muna sa kanilang mga buhay na talagang sila'y nagsisisi (Mateo 3:7–10). Ang mga tao ng panahong iyon ay hindi pinagsasabihan ang mga pinuno ng relihiyon man o ng gobyerno gaya sa paraang ginawa ni Juan sa takot na maparusahan. Ngunit dahil sa pananampalataya, hindi natakot si Juan sa harap ng oposisyon.

Ang pangkalahatang opinyon ng mga tao kay Juan ay isa siyang propeta ng Diyos (Mateo 14:5), at marami ang maaaring ipinagpalagay na siya ang Mesiyas. Hindi ito ang kanyang intensyon dahil malinaw ang kanyang pananaw sa gawaing ipinagagawa sa kanya. Sa Juan 3:28 sinabi ni Juan, "Kayo mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya.'" Nagbabala si Juan sa kanyang mga alagad na ang kanilang nakita at narinig sa kanya ay pasimula lamang ng himala na darating sa pamamagitan ni Jesu Cristo. Si Juan ay isa lamang mensahero na isinugo ng Diyos para ipahayag ang katotohanan. Ang kanyang mensahe ay simple at direkta: "Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!" (Mateo 3:2). Alam niya na sa oras na lumitaw si Jesus, matatapos na ang kanyang gawain. Kusa niyang ibinigay ang entablado kay Jesus na sinasabi, "Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba" (Juan 3:30).

Maaaring wala ng mas dakila pang halimbawa ng pagpapakumbaba ang ating makikita sa nangyari sa pagbabawtismo kay Jesus ni Juan sa Mateo 3:13–15. Dumating si Jesus mula sa Galilea para bawtismuhan ni Juan sa ilog Jordan. Kinilala ni Juan na hindi na kailangang bawtismuhan ng bawtismo ng pagsisisi ang walang kasalanang Anak ng Diyos at tiyak na hindi siya karapatdapat na bawtismuhan ang kanyang sariling Tagapagligtas. Ngunit pinawi ni Jesus ang pagkabahala ni Juan sa kahilingan na bawtismuhan Siya nito "para ganapin ang lahat ng katuwiran," na nangangahulugan na nakikibahagi Siya sa karanasan ng mga makasalanan na Kanyang paghahandugan ng kanyang mismong sariling buhay upang sa gayon ay masiguro ang katuwiran para sa kanila (2 Corinto 5:21). Sa kapakumbabaan, sumunod si Juan at pumayag na bawtismuhan si Jesus (Mateo 3:13–15). Habang umaahon si Jesus mula sa tubig, "Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!" (mga talata 16–17).

Kalaunan, ipinakulong ni haring Herodes si Juan Bautista. Inagaw ni Herodes ang dating asawa ng kanyang kapatid na si Felipe na si Herodias. Buong tapang na pinagsabihan ni Juan si Herodes tungkol sa kanyang kasalanan at hindi ito nagustuhan ni Herodias (Lukas 3:19–20; Markos 6:17–20). Habang nasa kulungan si Juan, narinig niya ang lahat na ginagawa ni Jesus. Sa tila mga sandali ng pagdududa, isinugo ni Juan Bautista ang kanyang mga alagad para tanungin si Jesus kung tunay na Siya nga ang Mesiyas. Sumagot si Jesus at sinabi sa mga lalaki na sabihin kay Juan kung ano ang kanilang nakita at narinig—na natutupad na ang mga propesiya. Hindi pinagsabihan ni Jesus si Juan; sa halip, nagbigay Siya rito ng mga ebidesnya na Siya nga ang ipinangakong Mesiyas (Mateo 11:2–6; Lukas 7:18–23). Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tao patungkol kay Juan na siya ang hinulaang mensahero bago dumating ang Mesiyas (Mateo 11:10; Lukas 7:27; cf. Malakias 3:1). Sinabi rin ni Jesus, "Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya" (Mateo 11:11; Lukas 7:28).

Ang ministeryo ni Juan, gayundin ang kanyang buhay ay biglang natapos sa kamay ni haring Herodes. Sa isang hindi katanggap-tanggap na akto ng paghihiganti, iniutos ni Herodias sa kanyang anak na ipapatay si Juan. Isang gabi sa isang hapunan, sumayaw ang anak na babae ni Herodias sa harap ng mga bisita at sobrang natuwa si Herodes kaya't sinabi dito, "Hilingin mo sa akin ang anumang iyong maibigan at ibibigay ko" (Markos 6:22). Sinangguni ng babae ang kanyang ina bago siya sumagot at kanyang sinabi kay Herodes na nais niya ang ulo ni Juan sa isang plato (Talata 25). Takot na si Herodes noon pa man kay Juan, dahil "nalalaman niya na ito ay isang matuwid at banal na tao" (talata 20), kaya tutol ang kanyang kalooban na patayin si Juan, ngunit nangako siya sa dalaga na ibibigay ang anumang maibigan nito. Dahil nakakulong na si Juan, napakadali ng magpadala ng berdugo para pugutan ito ng ulo na siyang aktwal na nangyari (Markos 6:27–28). Ito ay isang malungkot at walang karangalang katapusan ng buhay ng isang tapat na lingkod ng Diyos.

Ilang aral ang ating matututunan sa buhay ni Juan Bautista. Ang isang aral ay posible ang buong pusong paniniwala kay Jesu Cristo. Alam ni Juan na darating ang Mesiyas. Naniwala siya ng buong puso at ginugol ang kanyang buong buhay sa "paghahanda sa daan" ng Panginoon (Mateo 11:10). Ngunit ang landas sa paghahanda ay hindi madali. Araw-araw, humarap siya sa mga taong nagdududa na hindi niya katulad ang sigasig para sa darating na Mesiyas. Sa ilalim ng mabigat na pagtatanong ng mga Pariseo, ibinahagi ni Juan ang kanyang paniniwala: "Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Dumarating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas" (Juan 1:26–27). Sumampalataya si Juan kay Cristo at ang kanyang malaking pananampalataya ang nagpanatili sa kanya sa kanyang landas hanggang dumating ang araw na maaari niyang sabihin ng makita niyang dumarating si Jesus, "Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!" (Juan 1:29). Bilang mga mananampalataya, maaari din tayong magtaglay ng ganitong matibay na pananampalataya.

Habang mahirap na malaman ng tiyak kung ano ang nararamdaman ni Juan habang siya ay nakakulong, tiyak na nakaranas din siya ng pagdududa. Ngunit nagpadala si Juan ng mensahero kay Jesus sa pagnanais na matiyak ang katotohanan. Bilang mga Kristiyano, tiyak na daraan sa pagsubok ang ating pananampalataya at alinman sa dalawa, manghihina ang ating pananampalataya, o gaya ni Juan, kakapit tayo kay Cristo, hahanapin ang katotohanan at tatayong matatag para sa ating pananampalataya hanggang wakas.

Ang buhay ni Juan ay isang halimbawa para sa atin kung paano natin seseryosohin ang ating buhay bilang mga Kristiyano at ang tawag sa atin sa ministeryo, anumang uri man ang ministeryong iyon. Nabuhay si Juan sa pagpapakilala sa Panginoong Jesu Cristo sa iba; nakatuon ang kanyang pansin sa misyon na ibinigay sa kanya ng Diyos. Alam din ni Juan ang kahalagahan ng pagsisisi sa mga kasalanan upang makapamuhay ng isang banal at matuwid na buhay. At bilang isang lingkod ng Diyos, hindi rin siya natakot na sabihin ang katotohanan, kahit na mangahulugan iyon ng direktang pagsaway sa mga taong namumuhay sa kasalanan at kasinungalingan gaya ni Herodes at ng mga Pariseo.

Pinagkatiwalaan si Juan ng isang natatanging ministeryo ngunit tayo din naman ay tinawag para ibahagi sa iba ang katotohanan patungkol kay Jesus (Mateo 28:18–20; Juan 13:34–35; 1 Pedro 3:15; 2 Corinto 5:16–21). Maaari nating gawing halimbawa ang tapat at masunuring pagtitiwala ni Juan sa Diyos habang tayo'y nabubuhay at magpahayag ng kanyang katotohanan sa lahat ng mga pangyayari sa ating mga buhay na ipinahintulot ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Juan Bautista?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries