settings icon
share icon
Tanong

Sino si Juan Marcos sa Bibliya?

Sagot


Si Juan Marcos, na madalas na tinatawag sa pangalang Marcos ay ang manunulat ng Ebanghelyo ni Marcos. Isa siyang mananampalataya sa panahon ng unang iglesya na madalas na binabanggit sa aklat ng mga Gawa. Unang binanggit si Marcos bilang anak ng isang babae na nagngangalang Maria (Gawa 12:12), na ang bahay ay madalas na ginagamit ng mga mananampalataya para magtipon at manalangin. Kalaunan, binanggit si Marcos bilang kasama nina Barnabas at Pablo sa kanilang mga paglalakbay (Gawa 12:25). Si Juan Marcos ay pinsan din ni Barnabas (Colosas 4:10).

Katulong nina Pablo at Barnabas si Juan Marcos sa kanilang unang paglalabay bilang mga misyonero (Gawa 13:5). Gayunman, hindi siya nagpatuloly sa pagsama sa kanila. Iniwan ni Marcos sina Pablo at Barnabas sa Pamfilia at iniwan ang gawain (Gawa 15:38). Hindi sinabi sa Bibliya kung ano ang dahilan ng pagiwan ni Marcos sa dalawa ngunit naganap ang kanyang pagalis sa panahon ng kanilang pananatili sa Cyprus, isang panahong hindi gaanong mabunga ang kanilang gawain (Gawa 13:4–12). Isa lamang ang naging mananampalataya sa Cyprus ngunit may matinding paglaban doon ng mga demonyo. Posibleng pinanghinaan ng loob ang kabataang si Marcos sa hirap na kanilang naranasan doon at nagdesisyon na bumalik sa kanilang bahay sa kanyang mga magulang.

Makalipas ang ilang panahon, bumalik sina Pablo at Barnabas mula sa kanilang unang pagmimisyon at nagpahayag si Pablo ng kagustuhan na balikan ang mga kapatiran sa mga siyudad na kanilang unang pinuntahan upang tingnan kung ano ang kanilang kalagayan (Gawa 15:36). Pumayag si Barnabas sa kundisyon na isasama nila si Marcos. Tumanggi si Pablo na isama si Marcos sa paglalakbay dahil sa ginawang pagiwan sa kanila ni Marcos sa kanilang unang paglalakbay. Nagkaroon ng matinding pagtatalo sina Pablo at Barnabas patungkol kay Marcos (Gawa 15:39) at naghiwalay sila at nagpatuloy ng magkabukod sa kanilang pagmimisyon. Isinama ni Barnabas si Juan Marcos sa Cyprus, at isinama naman ni Pablo si Silas patungo sa Siria at Cilicia para palakasin ang loob ng mga mananampalataya sa mga iglesya sa mga lugar na iyon (Gawa 15:39–41).

Ninais ni Barnabas, na tinatawag na "anak ng pagpapalakas ng loob" (Gawa 4:36), na patawarin ang kabiguan ni Juan Marcos at bigyan ito ng isa pang pagkakataon. Pinili ni Pablo ang mas katanggap-tanggap na pananaw: ang paguumpisa sa gawain ng pagmimisyon ay nangangailangan ng dedikasyon, determinasyon at katatagan. Nakita ni Pablo na isang panganib si Marcos sa kanilang pagmimisyon. Walang kinampihan si Lukas, ang manunulat ng aklat ng mga Gawa o sinabi man kung sino sa dalawa nina Pablo at Barnabas ang tama. Simpleng itinala lamang niya ang pangyayari sa aklat ng mga Gawa. Magandang pansinin na sa huli, dalawang grupo ng mga misyonero ang isinugo at mas marami ang nagpakalat ng Ebanghelyo.

Naglayag si Juan Marcos patungong Cyprus kasama ang kanyang pinsang si Barnabas ngunit hindi iyon ang katapusan ng kuwento. Ilang taon ang lumipas, kasama siyang muli ni Pablo at itinuring siya bilang "kamanggagawa" (Filemon 1:24). At sa pagtatapos ng buhay ni Pablo, nagpadala ito ng kahilingan kay Timoteo habang nakakulong sa isang kulungan ng mga Romano: "Si Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain" (2 Timoteo 4:11). Malinaw na lumago na si Marcos sa pagdaan ng mga taon at naging isang tapat na lingkod ng Panginoon. Kinilala ni Pablo ang pagunlad ni Marcos at itinuring ito bilang isang mahalagang kasama.

Si Juan Marcos ang sumulat ng Ebanghelyo sa kanyang pangalan noong mga kalagitnaan ng AD 55 at 59. May isang nakatagong banggit kay Juan Marcos sa Marcos 14:51–52. Sa mga talatang ito, isang kabataang lalaki ang nagising sa pagtulog noong gabing arestuhin si Jesus, sinundan ang Panginoon at sinubukang hulihin ng mga humuhuli kay Jesus. Nakatakas ang kabataang ito at naglaho sa kadiliman ng gabi. Ang katotohanan na ang insidenteng ito ay natala lamang sa Ebanghelyo ni Marcos at ang katotohanang hindi kilala ang kabataang ito at dahil si Macos ang sumulat nito — ang nagtulak sa mga iskolar para ipagpalagay na ang kabataang ito ay walang iba kundi si Juan Marcos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino si Juan Marcos sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries