settings icon
share icon
Tanong

Sino si Judas Iscariote?

Sagot


Si Judas Iscariote ay tipikal na naaalala dahil sa isang bagay: ang kanyang pagkakanulo kay Jesus. Isa siya sa labindalawang alagad na nabuhay at sumunod kay Jesus sa loob ng tatlong taon. Nasaksihan niya ang ministeryo, pagtuturo at ang maraming himalang ginawa ni Jesus. Siya ang ingat-yaman ng grupo at ginamit niya ang posisyong ipinagkatiwala sa kanya para magnakaw sa kanilang kabang yaman (Juan 12:6).

Ang pangalang Judas ay pangkaraniwan sa panahong iyon at may ilan pang Judas ang pangalan na binanggit sa Bagong Tipan. Ang isa pa sa mga alagad ni Jesus ay Judas din ang pangalan (Juan 14:22), at Judas din ang pangalan ng isa sa mga kapatid sa ina ni Jesus (Markos 6:3). Para malaman ang pagkakaiba, ang Juan 6:71 at Juan 13:26 ay tumutukoy sa nagkanulo kay Jesus na si "Judas, ang anak ni Simon Iscariote."

May ilang ideya ang mga iskolar tungkol sa pinanggalingan ng salitang Iscariote sa pangalan ni Judas. Ang isang palagay ay tumutukoy ang salitang Iscariote sa Kerioth, isang rehiyon o bayan sa Judea. Ang isa pang ideya ay tumutukoy ito sa Sicarii, isang grupo ng mamamatay tao na mga rebeldeng Judio.

Ang posibleng kaugnayan ng salitang Iscariote sa Sicarii ay isang interesanteng haka-haka tungkol sa motibo ni Judas sa kanyang pagtataksil, ngunit ang katotohanan na sinadya niya at pinagdesisyunan niya sa kanyang sarili ang pagkakanulo kay Jesus ay walang ipinagkaiba (Lukas 22:48). Ang pangalang Iscariote ay kagamit-gamit dahil ito ang naglalarawan ng walang duda kung sinong Judas ang tinutukoy sa Bibliya.

Narito ang ilan sa mga ginawa ni Judas mula sa mga susing talata tungkol sa kanyang pagkatao at sa kanyang pagtataksil:

Mahalaga ang pera kay Judas. Gaya ng nabanggit na, isa siyang magnanakaw at ayon sa Mateo 26:14–15, binayaran siya ng mga punong saserdote ng tatlumpong salaping pilak para pagtaksilan ang Panginoon.

Alam ni Jesus sa simula pa lamang ang gagawin ni Judas Iscariote. Sinabi ni Jesus sa mga alagad, "Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa at ang isa sa inyo ay diyablo!" Ang tinutukoy niya'y si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagkat siya na kabilang sa Labindalawa ay magkakanulo sa kanya" (Juan 6:70-71). Sa Huling Hapunan, hinulaan ni Jesus ang pagkakanulo sa kanya at ipinakilala kung sino iyon: "Siya ang taong aabután ko ng tinapay na aking isinawsaw," sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote" (Juan 13:26-27).

Sinabi ni Jesus na hindi malinis si Judas Iscariote na ang ibig sabihin ay hindi siya isinilang na muli at hindi pinatawad sa kanyang mga kasalanan (Juan 13:10–11). Sa katunayan, binigyan ng lakas ng mismong demonyo si Judas para gawin ang kanyang nais: "Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, "Gawin mo kaagad ang dapat mong gawin" (Juan 13:27).

Walang alam ang ibang mga alagad na may masamang iniisip si Judas noon pa man. Nang banggitin ni Jesus na may taksil sa kanilang kalagitnaan, nagalala ang mga alagad na baka sila mismo ang tinutukoy ni Jesus (Juan 13:22). Walang naghinala kay Judas dahil Isa siyang pinagtitiwalaang miyembro ng labindalawa. Kahit ng sabihin ni Jesus kay Judas, "Gawin mo kaagad ang dapat mong gawin," (Juan 13:27), at umalis si Judas sa Huling Hapunan, simpleng inisip ng mga alagad sa hapag na inutusan si Judas na bumili ng kakailanganin sa pagdiriwang ng Paskuwa o kaya'y pinagbibigay ni Jesus ng limos sa mahihirap (mga talata 28–29).

Ipinagkanulo ni Judas Iscariote ang Panginoon sa pamamagitan ng isang halik, at perpektong pinanatili ang kanyang pagiging doble-kara (Lukas 22:47–48). Pagkatapos gawin ang ganito kalaking kasamaan,

"nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak" (Mateo 27:3). Ngunit alam natin na ang nagsisisi na hindi nagbabalik loob sa Diyos ay hindi tunay na nagsisisi—sa halip na lumapit kay Jesus para humingi ng tawad at ituwid ang pagkakamali, "umalis siya doon at nagbigti" (Mateo 27:5).

Tinupad ni Judas ang hula sa Awit 41:9, "Lubos akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman; ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban" (cf. Juan 13:18).Ngunit ganap na responsable si Judas sa kanyang aksyon. Sinabi ni Jesus, "Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!" (Mateo 26:24).

Iniulat sa Mateo 27:6–8 na kinuha ng mga punong saserdote ang "perang katumbas ng buhay ni Jesus at ibinili ng isang bukid ng magpapalayok," isang lugar para sa paglilibing sa mga dayuhan (sa gayon ay tinupad ang hula sa Zacarias 11:12–13). Ipinagpatuloy sa Gawa 1:18–19 ang kuwento kung ano ang nangyari pagkatapos na mamatay si Judas at ibinigay ang ilang karagdagang impormasyon. Iniulat ni Lukas, "Ang kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo." Ang karagdagang detalye na matututunan natin kay Lukas ay pagkatapos na magbigti si Judas, nalaglag ang kanyang bangkay sa mismong bukid na binili ng halagang ibinigay sa kanya ng mga punong saserdote para sa kanyang pagtataksil kay Jesus.

Dahil sa katotohanan ng pagiging malapit ni Judas kay Jesus sa loob ng tatlong taon ng Kanyang pagmiministeryo, mahirap isipin kung paanong magagawa niya ang ganoong pagtataksil. Itinuturo sa atin ng kuwento ni Judas na magbantay laban sa maliliit at paunti-unting pagbagsak na lumalakas at nagkakaroon ng kapangyarihan sa ating mga buhay at maaaring magbukas ng pintuan para sa mas malalaking kasalanan. Ang kanyang kuwento ay isa ring dakilang paalala sa atin na mandaraya ang panlabas na anyo. Itinuro ni Jesus, "Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, 'Panginoon, hindi po ba't sa iyong pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?' Ngunit sasabihin ko sa kanila, 'Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!'" (Mateo 7:22–23).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino si Judas Iscariote?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries