settings icon
share icon
Tanong

Sino si Lazaro sa Bibliya?

Sagot


May dalawang lalaki na tinatawag na Lazaro sa Bibliya. Ang unang Lazaro ay ang bida sa isang kuwento ni Jesus (Lukas 16:19–31). Ang Lazarong ito ay napakahirap, maaaring walang sariling bahay, at isang pulubi (Lukas 16:20). Lagi siyang nagaabang sa taranghakan ng isang mayaman sa pag-asa na makapulot ng tira-tirang pagkain. Parehong namatay ang dalawa at sinabi ni Jesus na si Lazaro ay dinala sa "sinapupunan ni Abraham," na isang lugar ng kasiyahan at kapahingahan, habang ang mayaman naman ay dinala sa "Hades," na isang lugar ng pagdurusa (Lukas 16:22–23). May ilang iskolar ng Bibliya ang naniniwala na ang kuwentong ito ni Jesus ay isang talinghaga, o isang kathang-isip lamang na hindi dapat unawain sa literal na paraan. Gayunman, gumamit si Jesus ng mga aktwal na pangalan sa kuwento, hindi Niya ipinaliwanag ang kuwento at hindi rin Siya nagdagdag ng aral sa pagtatapos ng kuwento. Dahil sa mga detalyeng ito, maaaring ang kuwento tungkol sa lalaking mayaman at si Lazaro ay isang totoong pangyayari, na nagsasalaysay ng aktwal na nangyari kay Lazaro at sa mayamang hindi mananampalataya. Alinman sa dalawa, malinaw ang katuruan ni Jesus tungkol sa katotohanan ng langit at impiyerno. Hindi makikita saanman sa buong Bibliya ang kuwento tungkol kay Lazaro, kaya't hindi natin malalaman kung kailan siya nabuhay sa kasaysayan o kung siya ay isang totoong tao.

Ang ikalawang Lazaro, na tinatawag ding Lazaro ng Betanya ay ang kapatid nina Maria at Marta. Ang tatlong magkakapatid na ito ay mga kaibigan at mga alagad ni Jesus at sila'y mga taong iniibig ni Jesus (Juan 11:5). Isang araw, isang mahalagang mensahe ang natanggap ni Jesus kina Maria at Marta na pinapapunta siya sa Betanya para pagalingin si Lazaro na nasa bingit ng kamatayan. Nagtaka ang mga alagad at kaibigan ni Jesus sa kanyang ginawa. Sinabi ni Jesus na hindi hahantong sa kamatayan ang sakit ni Lazaro sa halip, ang pangyayaring ito ay magiging para sa kaluwalhatian ng Diyos (Juan 11:4). Pagkatapos, nanatili si Jesus ng dalawang araw sa lugar kung saan Siya naroroon bago Siya pumunta sa Judea kung saan naroroon si Lazaro gayundin ang Kanyang mga kaaway na nagtangkang patayin siya sa pamamagitan ng pagbato (Juan 11:5–8). Sa pananatili ni Jesus sa Kanyang kinaroroonan, namatay si Lazaro ngunit sinabi ni Jesus na natutulog lang ito at sinabi sa mga alagad na gigisingin rin Niya ito (Juan 11:11). Sumagot ang mga alagad, Panginoon, "kung natutulog lang siya, gagaling Siya," na malinaw na tinutukoy ang literal na pagtulog (Juan 11:12). Pagkatapos, malinaw na sinabi ni Jesus na namatay na si Lazaro ngunit pupunta pa rin sila sa Judea upang makita ito (Juan 11:14). Perpektong ipinahayag ni Tomas ang pagkalito at kabiguan ng mga alagad ng sabihin nitong, "Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya" (Juan 11:16)—nakita Niya na desisido si Jesus, at alam Niya ang panganib ng pagpunta nila sa Betanya (Juan 11:8).

Pagdating nila sa sa Betanya sa bahay ni Lazaro, naabutan nilang nananangis sina Maria at Marta. Inilibing na nila ang kanilang kapatid apat na araw na ang nakalilipas at hindi si Jesus dumating para tumulong. Nalilito sila at biguan. Ngunit nananatili pa rin ang kanilang pananampalataya kay Jesus (Juan 11:17–36). Naging malinaw ang lahat ng gawin ni Jesus ang hindi inaasahan: Pumunta Siya sa libingan ni Lazaro at binuhay itong muli mula sa mga patay (Juan 11:43–44).

Ang buong pangyayari mula sa pagkakasakit, kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli ni Lazaro ay nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos at pinalakas ang pananampalataya ng mga tagasunod ni Jesus, gaya ng sinabi nI Jesus ng Kanyang mabalitaan ang pagkakasakit nI Lazaro. Bago Niya buhayin si Lazaro, nanalangin si Jesus, "Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dininig mo ako, at alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin" (Juan 11:41–42). Sinagot ng oo ang panalangin ni Jesus: nabuhay si Lazaro at "marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya" (Juan 11:45).

Nang tawagin ni Jesus si Lazaro, lumabas si Lazaro mula sa libingan—hindi isang zombie o patay ang ibang bahagi ng katawan kundi buhay na buhay at walang karamdaman. Ganito ang kapangyarihan ni Cristo. Hindi itinala sa Kasulatan ang pinagdaanan ni Lazaro sa loob ng apat na araw na nasa loob siya ng libingan. Ipinagpapalagay natin na ang kanyang kaluluwa/espiritu ay dinala sa paraiso, kung saan pumunta ang isa pang Lazaro na tinutukoy sa itaas.

Pagkatapos na buhayin ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay, nagplano ang mga punong saserdote at mga Pariseo para Siya ipapatay dahil napakaraming nakasaksi sa ginawa ni Jesus ang sumampalataya sa Kanya (Juan 12:9–11). Hindi mapabulaanan ng mga kaaway ni Jesus ang himala; ang pinakamabuti sa kanilang pananaw ay wasakin ang ebidensya—sa kasong ito, ang ebidensya ay isang nabubuhay at humihingang persona. Nagawa nga nila ito, ngunit hindi nila nakayang pigilan ang pagkalat ng katotohanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino si Lazaro sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries