Tanong
Sino ang lumalang sa Diyos? Saan ba nagmula ang Diyos?
Sagot
Isinulat ni Bertrand Russel (isang tanyag na pilosopong Briton na hindi naniniwala sa Diyos) sa kanyang librong “Why I am not a Christian” na kung totoo na ang lahat ng bagay ay may pinagmulan, samakatwid ang Diyos ay may pinagmulan din. Ayon sa kanya, kung ang Diyos ay nangangailangan ng pinagmulan kung gayon ang Diyos ay hindi Diyos at kung ang Diyos ay hindi Diyos samakatwid talagang walang Diyos. Ito ay isang kumplikadong katanungan na kahalintulad sa katanungan ng isang bata na, “Sino ang lumalang sa Diyos?” Kahit na ang mga bata ay nakakaalam na ang mga bagay bagay ay hindi nanggaling sa wala. Kung ang Diyos ay isang “bagay,” samakatwid dapat na mayroon din Siyang pinanggalingan. Tama ba ito?
Ang katanungan ay mapanlinlang at walang saysay. Ito ay katulad sa tanong na, “Ano ba ang amoy ng kulay asul?” Ang kulay asul ay wala sa kategorya ng mga bagay na mayroong amoy, dahil dito ang katanungan mismo ay hindi tama. Maihahalintulad natin ito sa pahayag ni Russel sa kanyang paghahambing sa pagitan ng Diyos at lahat ng bagay. Ang Diyos ay wala sa kategorya ng mga bagay na nilalang o mga bagay na may pinagmulan. Walang pinagmulan ang Diyos at hindi Siya isang nilalang. Siya mismo ang lumalang. Siya'y nabubuhay mula pa sa walang hanggan at wala Siyang simula at wakas. Sinasabi sa Pahayag 22:13 Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang una at ang huli.
Papaano natin ito matitiyak? Alam nating lahat na walang magaganap at manggagaling sa wala. Kung gayon kung may panahon man na wala talagang umiiral o nabubuhay, walang paraan upang may anumang mabuhay o umiral kung walang pagmumulan. Subalit ang mga bagay ay totoong umiiral. Samakatwid, dahil imposible na may manggaling o mabuhay mula sa wala, siguradong may Isang palagiang umiiral o nabubuhay na Siyang tiyak na pinanggalingan ng lahat ng bagay. Ang palagiang umiiral at nabubuhay na iyon ay ang Diyos.
English
Sino ang lumalang sa Diyos? Saan ba nagmula ang Diyos?