Tanong
Ano ang ating matututnan sa buhay ni Maria ng Betanya?
Sagot
Si Maria ng Betanya ay isa sa pinakamagandang karakter sa buong Kasulatan, at matututo tayo ng mahalagang mga aral sa pagaaral sa kanyang buhay. Si Maria ay kapatid ni Marta at ni Lazaro na binuhay ni Jesus mula sa mga patay. Makikita natin si Maria sa tatlong magkakaibang okasyon sa Bibliya, mula sa isang insidente sa bahay ng kanyang kapatid na si Marta (Lukas 10:38-42), kung saan pinaglilingkuran si Jesus at ang mga alagad pagkatapos nilang maglakbay na magkakasama. Abalang abala si Marta sa kanyang paghahanda at hindi natutuwa dahil hindi tumutulong ang kanyang kapatid anupa't kanyang aktwal na pinagsabihan ang Panginoong Jesus kung bakit balewala sa Kanya na nakaupo lang si Maria sa Kanyang paanan at walang ginagawa habang hindi naman siya magkanda-ugaga sa kanyang paghahanda. Ang sagot ni Jesus kay Marta ang magbibigay sa atin ng kabatiran kung sino si Maria ng Betanya. Pinuri ni Jesus si Maria dahil sa pagpili nitong gawin ang "mas mabuti," na nangangahulugan na ang pagnanais ni Maria na mapalapit sa Panginoon at makinig ng mabuti sa bawat salitang kanyang sinasabi ay mas karapatdapat kaysa sa maging abala sa paghahanda ng kanilang makakain. Sinabi pa ni Jesus na ang pagpili sa mas mabuting bagay — ang kaalaman sa Panginoon ay hindi aalisin kay Maria.
Sa "pagpili sa mas mabuti," sinasabi ni Jesus na ang mga taong inuuna Siya sa kanilang buhay at ang kaalaman tungkol sa kanya at ang pagiging malapit sa kanya — ang pumili ng isang bagay na magtatagal hanggang sa walang hanggan gaya ng "ginto, tanso at mamahaling mga bato" na tinukoy sa 1 Corinto 3:11-12. Mula sa insidenteng ito, matututunan natin na ang mga taong abala sa mga panlupa at makamundong mga bagay at nagtatayo sa pundasyon na yari sa "kahoy at dayami," mga materyales na hindi makatatagal sa apoy na dumarating sa atin sa mga panahon ng pagsubok at hindi sila maaalala sa walang hanggan. Ang pagsaway ni Marta kay Jesus ay nagbibigay sa atin ng kaalaman sa nilalaman ng kanyang puso at isip habang sinusubukan niyang gawin ang kanyang gawain ng perpekto at abalang abala na anupa't nawalan siya ng pagpapahalaga kung sino ang kanyang kausap. Ang pananahimik ni Maria, na muli nating makikita sa isa pang insidente ay nagpapahiwatig ng kawalan ng pansin sa kanyang sarili, lalo na ng pagtatanggol sa kanyang sarili. Kung itutuon natin ang ating pansin kay Jesus, Siya ang ating magiging pinakdakilang hangarin at ang resulta nito ay hindi natin pagbibgay ng sobrang pasnin sa ating sarili.
Ang ikalawang insidente kung saan muling makikita si Marta at Maria ay naganap sa Juan 11 sa pagbuhay ni Jesus sa namatay nilang kapatid na si Lazaro. Nang mabalitaan ni Maria na dumating si Jesus at tinatawag siya, agad niyang iniwan ang grupo ng mga nananangis sa kanyang bahay at dali-daling pumunta kay Jesus. Napakalaki ng kanyang pag-ibig para sa Kanya at ang kanyang pagnanais na bigyan Siya ng kasiyahan at sumunod sa Kanya ang nagtulak para iwanan niya ang mga taong nakiramay sa kanila at maghanap ng kaaliwan sa pinakadakilang Mangaaliw na nakilala ng sanlibutan. Nakita nI Jesus ang kanyang sobrang pagdadalamhati at nanangis Siya na kasama ni Maria, bagama't alam Niyang matatapos agad ang kalungkutang ito at maibabalik Niya si lazaro sa kanilang piling. Sa parehong paraan, kung naglulungkot tayo at nagdadalamhati, mayroon tayong Mangaaliw sa kay Jesus, na walang hanggan ang kahabagan. Kung hahawak tayo sa kanyang mga kamay na may sugat ng pako makakatagpo tayo ng kaaliwan, kapayapaan at kaligtasan, at matututunan natin ang katotohanan sa Awit 30:5b: "Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak, pagsapit ng umaga, kapalit ay galak."
Ang ikatlo at panghuling beses na makikita natin si Maria ng Betanya ay ilang araw bago ang pagpako kay Jesus sa krus (Mateo 26:6-13; Markos 14:3-9; Juan 12:1-8). Isang salu-salo ang inihanda sa bahay ni Simong ketongin, maaaring isang dating ketongin na pinagaling ni Jesus at naging isa sa Kanyang mga tagasunod. Muli, nagsilbi si Marta habang kumakain ang nabuhay na mag-uling si Lazaro sa hapag kasama si Jesus at ang mga alagad. Sa isang punto, binasag ni Maria ang isang sisidlang alabastro at ibinuhos ang mamahaling pabango sa ulo at mga paa ni Jesus at tinuyo niya ng kanyang buhok ang mga paa nito. Sa kabila ng pagpuna ng ilan sa mga alagad tungkol sa pagssayang ng isang mamahaling pabango, walang sinabi si Maria. Gaya ng unang insidente, hinayaan ni Maria na ipagtanggol siya ni Jesus, na Kanya namang ginawa at sinabi na inilaan niya ang pabango para sa paglilibing sa Kanya at gumawa siya ng isang napakagandang gawain ng paglilingkod na aalalahanin sa lahat ng panahon.
Makikita natin ang dalawang bagay tungkol kay Maria kung saan makakakuha tayo ng ating modelo. Una, tila alam niya na nalalapit na ang oras ng kamatayan ni Jesus sa krus, isang katotohanan na hindi naalala ng mga alagad sa kabila ng malinaw na deklarasyon ni Jesus sa katotohanag ito. Tila kuntento na si Maria sa pakikinig sa kanyang Panginoon at sa pagbubulay-bulay ng Kanyang mga salita, habang ang mga alagad naman ay nagtatalo-talo kung sino sa kanila ang pinakadakila sa kaharian. Dahil dito, hindi nila narinig ang mahalagang katotohanan na itinuturo ni Jesus tungkol sa Kanyang nalalapit na kamatayan at pagkabuhay na mag-uli (Markos 9:30-35). Gaano kadalas nating naiipagwalang bahala ang mga espiritwal na katotohanan dahil nakatuon ang ating pansin sa ating sarili at sobra tayong nagaalala para sa ating gantimpala, sa ating katayuan at sa ating reputasyon sa harap ng mga tao?
Ikalawa, makikita natin kay Maria ang isang matibay na kumbiksyon at pagtitiwala sa kanyang Panginoon anupa't ni hindi niya nagawang ipagtanggol ang kanyang sarili sa harap ng mga pagpuna. Gaano natin kadalas na ginagamit ang mga pagkakataon na pawalang sala ang ating sarili sa mga mata ng mga pumupuna at tumutuya sa atin, lalo na kung nakataya ang ating pananampalataya? Ngunit kung tayo, gaya ni Maria, ay uupo sa paanan nI Jesus at makikinig sa Kanya at uunahin Siya sa ating mga buhay, magkakaroon tayo ng malalim na pangunawa katulad ni Maria at ng pagnanais na paglingkuran si Cristo at magtiwala sa ganap na pananampalataya sa Kanyang plano para sa ating mga buhay. Maaaring hindi natin mapapaupo si Jesus sa ating salas ng ating bahay sa aktwal, ngunit nasa atin ang Kanyang mga salita, ang Bibliya at sa pamamagitan nito, taglay natin ang lahat ng kaalaman at pangunawa na ating kinakailangan para mabuhay ng payapa at may mapagtitiwalaang pananampalataya at pag-asa gaya ni Maria ng Betanya.
English
Ano ang ating matututnan sa buhay ni Maria ng Betanya?