Tanong
Sino si Mateo sa Bibliya?
Sagot
Si Mateo sa Bibliya ay isa sa mga alagad ni Jesus. Ang Ebanghelyo ni Mateo, maging ang mga Ebanghelyo ni Lukas, Juan, at Markos, ay kinasihan ng Banal na Espiritu – kaya nga isang tunay at walang pagkakamaling kasaysayan ang buhay ni Cristo. Ang Ebanghelyo ni Mateo ang pinakamahaba sa apat na Ebanghelyo, at naniniwala ang ilang iskolar na ito rin ang pinakaunang isinulat.
Bago naging isang alagad ni Jesus si Mateo, siya ay isang maniningil ng buwis o "publikano" sa bayan ng Capernaum (Mateo 9:9; 10:3). Si Mateo ay tinatawag din nina Lukas at Markos bilang si Levi na anak ni Alfeo (Markos 2:14; Lukas 5:27). Bagama't hindi sinabi ni Lukas at Marcos na si Mateo at Levi ay iisang tao, maaari nating sabihin na ang mga pangalan ay tumutukoy sa iisang tao dahil sa konteksto. Ang tala ni Mateo tungkol sa pagkatawag sa kanya ni Jesus ay eksaktong kapareho ng mga tala sa pagkatawag kay Levi sa Lukas at Markos, ayon sa paggamit ng salita at pagkakasunod-sunod sa kuwento. Gayundin, pangkaraniwan para sa isang tao na bigyan ng ibang pangalan pagkatapos ng pagtawag ng Diyos. Si Abram ay naging Abraham, si Jacob ay naging Israel, si Simon ay naging Pedro, at si Saulo ay naging Pablo. Maaaring ang pangalang Mateo (na ang ibig sabihin ay "kaloob ng Diyos") ay pangalang ibinigay ni Jesus kay Levi pagkatapos niyang maging isang mananampalataya.
Labis na ikinakahiya at tinututulan ng kanilang sariling kultura ang mga maniningil ng buwis sa Israel dahil nagtatabaho sila para sa gobyerno ng Roma at nagpapayaman sa pamamagitan ng pangongolekta ng buwis sa kanilang sariling mga kababayan – at kadalasang dinadaya nila ang halaga at nangongolekta ng sobra-sobra (tingnan ang Lukas 19:8). Maaaring si Mateo ay mayaman, dahil sinasabi ni Lukas na naghanda siya ng isang malaking piging para kay Jesus na dinaluhan ng napakaraming tao (Lukas 5:29).
Ang mga maniningil ng buwis na gaya ni Mateo ay itinuturing ng mayayamang relihiyoso bilang mga napakamakasalanang tao na anupa't ang pakikisama sa kanila ay agad na sumisira sa kanilang magandang reputasyon (Mateo 9:10–11). Nang kumain ng hapunan si Jesus sa bahay ni Mateo, kasama ang maraming maniningil ng buwis, kinuwestyon ng mga Pariseo ang pagpili ni Jesus ng mga kasama. Ang sagot ni Jesus ang isa sa pinakamalinaw na paliwanag ng nilalaman ng puso ng Diyos at ng kanyang Ebanghelyo sa tao: "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit….. Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid" (Mateo 9:12–13). Dumating si Jesus hindi para iligtas ang "mabubuti," at mga taong nagtitiwala sa sariling kabutihan, kundi sa mga taong kinikilala na hindi sila mabuti – mga taong tinatanggap ng kusang loob na nangangailangan sila ng pagliligtas (cf. Mateo 5:3).
Imposibleng maligtas ang isang taong nagaangkin na hindi niya kailangan ang kaligtasan. Marami sa mga tagasunod ni Jesus ay mahihirap, mga itinakwil ng lipunan, mga may sakit, mga makasalanan at mga napapagal (Mateo 11:28). Hindi Niya itinakwil ang mga tao; pinatawad Niya sila at pinalakas ang kanilang loob. Ang pinakamasakit na salita ni Jesus ay para sa mga Pariseo, mga guro ng Kautusan, at mga eskriba na iniisip na sila ay mabubuti, karapatdapat at mas matuwid kaysa sa mga "maniningil ng buwis at makasalanan sa kanilang paligid" (Mateo 9:10; 23:13–15).
Si Mateo ay isa sa mga maniningil ng buwis na iniligtas ni Jesus. Nang tawagin ni Jesus, agad na iniwan ni Mateo ang kanyang mesang singilan ng buwis at sumunod sa Panginoon (Mateo 9:9). Iniwan niya ang pinagkukunan niya ng kanyang kayamanan; iniwan ang kanyang posisyon ng seguridad at kaaliwan kapalit ng paglalakbay, kahirapan, at kamatayanl Iniwan niya ang kanyang dating buhay para sa isang bagong buhay na kasama si Jesus.
English
Sino si Mateo sa Bibliya?