settings icon
share icon
Tanong

Sino si Nicodemo sa Bibliya?

Sagot


Sa ebanghelyo ni Juan natin makikita ang lahat ng maaari nating malaman tungkol kay Nicodemo. Inilarawan siya sa Juan 3:1 na isang Pariseo. Matatalino sa Kautusan at madalas na tutol kay Jesus sa buong pangangaral Niya ang mga Pariseo. Madalas naman na tinutuligsa ni Jesus ang mga Pariseo dahil sa kanilang legalismo (Mateo 23). Isa ring Pariseo si Saulo ng Tarso (na naging si Apostol Pablo) (Filipos 3:5).

Inilarawan din si Nicodemo sa Juan 3:1 na isang lider ng mga Judio. Ayon sa Juan 7:50-51, miyembroi si Nicodemo ng Sanedrin, ang grupong namamahala o namumuno sa mga Judio. Mayroong Sanedrin ang bawat bayan, na may katungkulan bilang mga "mabababang hukuman." Noong panahon ni Jesus, sa ilalim ng pamamahala ng mga Romano, mayroong karapatan ng sariling pamamahala ang bayan ng mga Judio, ngunit ang pinakamataas na Sanedrin ang huling hukom o nagpapasya sa mga usapin tungkol sa Banal na Kautusan at Relihiyon. Ito ang kinatawan na siyang humatol kay Jesus sa huli. Gayon pa man, kinailangan pa rin nila ng pagpapasya ni Pilato upang payagan ang parusa nila kay Jesus, sapagkat hindi saklaw ng kanilang kapangyarihan ang pagpaparusa ng kamatayan. Lumilitaw na kasama si Nicodemo sa pinakamataas na Sanedrin sa Jerusalem na nagdesisyong patayin si Jesus.

Nabanggit ni Juan na pinuntahan ni Nicodemo si Jesus isang gabi. Marami ang nagpapalagay na nahihiya siyang bisitahin si Jesus sa araw kaya sa gabi niya ito ginawa. Maaaring ganoon nga ang dahilan, ngunit walang nabanggit ang Bibliya patungkol dito. May iba pang maaaring maging dahilan kung bakit. Kinuwestyon ni Nicodemo si Jesus. Bilang isa sa pinakamataas sa Sanedrin, responsibilidad lamang niya na kilalanin ang mga guro at iba pang mangangaral na maaaring magligaw sa mga tao.

Sa kanilang pag-uusap, agad na sinita ni Jesus si Nicodemo ng katotohanang dapat siyang "ipanganak na muli" (Juan 3:3). Pinagwikaan (marahil ng mahinahon) ni Jesus si Nicodemo nang makitang hindi ito naniniwala sa Kanya. Sinabi Niyang dapat ay nalalaman na niya ito dahil isa siyang guro sa Israel (Juan 3:10). Nagpatuloy si Jesus sa pagpapaliwanag tungkol sa muling kapanganakan, at dito sa kontekstong ito matatagpuan ang Juan 3:16, ang talata sa Bibliya na pinakilala at pinakamamahal.

Ang sumunod na tagpo kung saan nabanggit si Nicodemo ay noong ginagawa niya ang kanyang katungkulan bilang miyembro ng Sanedrin at nagpapasya kung ano ang gagawin nila kay Jesus. Sa Juan 7, inutusan ng mga Pariseo at ng mga pinunong pari ang ilang bantay sa templo na dakpin si Jesus. Ngunit nagbalik sila na hindi nadakip si Jesus dahil hindi nila ito nakayang gawin (Juan 7:32–52). Kinagalitan ng mga Pariseo ang mga bantay, ngunit inilahad ni Nicodemo ang kanyang opinyon na nararapat na pakinggan muna si Jesus bago hatulan: "Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?" (Juan 7:51). Gayon pa man, walang pakundangang binalewala ng konseho ang kanyang sinabi – makikitang tila may hatol na agad sila kay Jesus.

Huling nabanggit si Nicodemo sa Juan 19 pagkatapos ng pagpako kay Jesus sa Krus. Mababasa natin na tumulong siya kay Jose na taga Arimatea sa paglilibing kay Jesus. Inilarawan si Jose sa Mateo na isang mayamang tao at miyembro ng konseho sa Marcos 15:43. Sinasabi sa Lucas 23:50-51 na mabuti at matuwid na tao si Jose, at hindi siya sang-ayon sa desisyon ng konseho tungkol kay Jesus. Sinabi sa Juan 19:38 na alagad ni Jesus si Jose, kahit na inilihim niya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Humingi rin si Jose ng pahintulot kay Pilato na makuha ang bangkay ni Jesus. May dala si Nicodemong pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe para sa bangkay ni Jesus ayon sa kaugalian ng mga Judio, at tinulungan niya si Jose sa paglilibing kay Jesus. Ang halaga ng mga dala ni Nicodemo ay patunay na isa siyang mayamang tao na iginagalang si Jesus.

Nag-iiwan ng maraming katanungan ang kaunting salaysay ng ebanghelyo ni Juan tungkol kay Nicodemo. Tunay ba siyang mananampalataya? Ano'ng ginawa niya pagkatapos na mabuhay muli si Jesus? Tahimik ang Bibliya tungkol sa mga sagot dito, at wala ng iba pang mapagkukunan ng impormasyon para masagot ito. Maaaring isa ring alagad ni Kristo si Nicodemo katulad ni Jose ng Arimatea, na wala ring lakas ng loob na malaman ng lahat ang kanyang pananampalataya. Marahil, ang pinakahuling naitala na kanyang nagawa ay ang pagpapahayag ng kanyang pananampalataya – bagaman't hindi natin alam kung gaano ito kalantad sa publiko. Masasabing tunay nga ang kanyang pananampalataya dahil kanais-nais ang pagkasalaysay tungkol sa kanya sa ebanghelyo ni Juan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino si Nicodemo sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries