settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan mula sa buhay ni Pablo? Sino si Pablo?

Sagot


Napakaraming matututunan sa buhay ni Apostol Pablo. Binigyan si Pablo ng mga pagkakataon upang magawa ang mga hindi pangkaraniwang bagay para sa kaharian ng Diyos. Ang buhay ni Pablo ay istorya ng pagtubos ni Jesu-Cristo at patotoo na walang sinuman ang hindi maaabot ng biyaya ng Kanyang pagliligtas. Upang higit nating makilala si Pablo, kailangang suriin natin ang kanyang madilim na pagkatao bago siya tinawag na "Apostol ng biyaya ng Diyos." Kapuna-puna na puno ang kabataan ni Pablo ng sigasig sa relihiyon, ng karahasan, at ng mabagsik na pag-uusig sa sinaunang iglesya. Kapuna-puna naman ang malaking pagkakaiba nang mabuhay na siya para kay Kristo at para sa ikalalaganap ng kaharian ng Diyos sa mga sumunod na taon ng kanyang buhay.

Saulo ang unang pangalan ni Pablo. Ipinanganak siya sa Tarso, sa lalawigan ng Cilicia, noong AD 1-5 sa isang probinsya sa dakong timog-silangan ng kasalukuyang Tersous sa bansang Turkey. Isa siyang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at tunay na Hebreo (Filipos 3:5–6).

Mga taimtim na makabayang Judio ang mga magulang ni Pablo na mahigpit na sumusunod sa Kautusan ng kanilang mga ninuno. Mayroon silang hangarin na protektahan ang kanilang mga anak mula sa "karumihan" ng mga Hentil. Kinasusuklaman ang sinumang Hentil ng sambahayan ni Saulo, pero nakapagsasalita siya ng Griego at katamtamang Latin. Marahil, Aramaic (Hango sa wikang Hebreo, ang opisyal na wika ng Judea) ang wikang ginagamit ng kanilang sambahayan. Mga mamamayan ng Roma ang mga magulang ni Saulo ngunit naniniwala sila na ang Jerusalem ang tunay at sagradong bayan (Gawa 22:22-29).

Sa edad na labintatlo, ipinadala na si Saulo sa Palestina upang mag-aral sa ilalim ng rabbi na si Gamaliel. Sa ilalim ng pagtuturo Gamaliel, naging dalubhasa si Saulo sa kasaysayan ng mga Judio, sa mga Salmo, at sa mga ginawa ng mga propeta.

Marahil, nagpatuloy pa ng lima o anim na taon ang kanyang pag-aaral dahil marunong siyang sumuri sa Kasulatan (Gawa 22:3). Sa panahong ito niya natutuhan at nabuo ang "tanong at sagot" (Question-and-answer) na paraan niya ng pagtuturo, na kilala sa tawag na "diatribe" noong unang panahon. Nakatulong ang paraan ng pagpapaliwanag na ito sa mga guro upang pagdebatehan ang mga paksa ng Kautusan, para madepensahan ito o usigin ang sinumang susuway dito.

Nagpatuloy pa sa pagaaral si Saulo at naging abogado. Kaya naman, naging isa siya sa 71 na mga miyembro ng Sanedrin, ang pinakamataas na hukuman ng mga Judio na namumuno sa buhay at relihiyon ng mga Judio. Masigasig si Saulo sa kanyang pananampalataya at dahil dito, walang lugar sa kanya ang kompromiso. Ito rin ang nagtulak kay Saulo sa pagiging sobrang relihiyoso.

Sa Gawa 5:27-42, maaaring narinig ni Saulo ang pagtatanggol ni Pedro sa ebanghelyo at kay Jesus sa harapan ng kapulungan. Naroon din si Gamaliel at nagsalita upang pigilan ang pagbato ng kapulungan kay Pedro. Marahil, naroon din si Saulo sa paglilitis kay Esteban. Naroon siya nang pagbabatuhin at mamatay si Esteban: "Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo" (Gawa 7:58). Pagkatapos ng kamatayan ni Esteban, "nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem" (Gawa 8:1).

Determinado si Saulo na lipulin ang mga Kristiyano. Malupit siya sa pagtupad ng hangaring ito dahil naniniwala siya na ginagawa nya ito para sa pangalan ng Diyos. Hindi ba't wala ng mas mabagsik pa kaysa sa isang relihiyosong terorista, lalo na kapag naniniwala siya na ang ginagawa niya ay ang kalooban ng Diyos. Sinabi sa Gawa 8:3, "sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinasok niya ang mga bahay-bahay at kanyang kinaladkad at ibinilanggo ang mga sumasampalataya, maging lalaki o babae." Ito si Saulo: isang relihiyosong terorista.

Ang Gawa 9:1-2 ang pinakamahalagang pagsasalaysay sa buhay ni Pablo. Narito ang salaysay kung paano nakilala ni Pablo si Jesu-Cristo sa daan papuntang Damasco, isang 150 milyang paglalakbay. Galit si Saulo sa kanyang mga nasaksihan at nakahandang pumatay ng mga Kristiyano. Bago pa man niya simulan ang paglalakbay, humingi siya ng sulat sa pinaka-pinunong pari para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang Kristiyano (na kilala bilang tagasunod ng "Daan ng Panginoon") at maibilanggo. Habang papunta siya sa Damasco, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit at natumba siya sa lupa. Narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, "Saulo, Saulo! Bakit mo ako pinaguusig?" "Sino kayo, Panginoon?" tanong niya. "Ako si Jesus, ang iyong inuusig," tugon ng tinig sa kanya (Gawa 4–5). Marahil, hindi ito ang pinakaunang tagpo niya kay Jesus. Sinasabi ng mga iskolar na kilala na ng batang Saulo si Jesus at maaaring naroon din siya sa Kanyang kamatayan.

Mula nang mga sandaling iyon, lubos na nagbago ang buhay ni Saulo. Nabulag siya ng nakakasilaw na liwanag ng Panginoon, at umasa siya sa pag-akay ng dalawa niyang kasama habang naglalakbay. Katulad ng iniutos ni Jesus, nagpatuloy si Saulo papuntang Damasco para makipagkita sa isang lalaking si Ananias. Nag-alinlangan si Ananias noong una dahil kilala niya si Saulo at ang mga kasamaang ginawa nito. Ngunit sinabi ng Panginoon kay Ananias na pinili Niya si Saulo upang ipakilala ang Kanyang pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel (Gawa 9:15) at magtiis alang-alang sa paggawa nito (Gawa 9:16).

Sinunod ni Ananias ang utos ng Panginoon. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi sa kanya ang mga ipinakita ni Jesus sa kanya. Sa pamamagitan ng panalangin, napuspos siya ng Espiritu Santo (Gawa 9:17), muling nakakita, at binautismuhan (Gawa 9:18).

Agad siyang nangaral sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos (Gawa 9:20). Namangha at nagtaka ang mga nakarinig sa kanya dahil kilala siya ng mga tao (Gawa 9:21). Inakala ng mga Judio na naparoon siya para lipulin ang mga Kristiyano, sa katunayan, napabilang pa siya sa mga ito. Lalong naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo at walang maisagot ang mga Judiong naninirahan sa Damasco sa kanyang pagpapatunay na si Jesus ang Cristo (Gawa 9:22).

Naggugol ng panahon si Saulo sa Arabia, Damasco, Jerusalem, Syria, at sa Cilicia, at hiningi ni Barnabas ang tulong ni Pablo sa pagtuturo sa iglesya sa Antioch (Gawa 11:25). Ang mga mananampalatayang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban ang nagpasimula ng iglesya na magkakasama ang iba-ibang lahi (Gawa 11:19–21).

Ang unang tatlong taon ng paglalakbay ni Saulo ay noong mga AD 40. Habang gumugugol siya ng mas maraming oras sa mga lugar ng mga Hentil, sinimulan na niya ang paggamit ng pangalan niyang pang-Romano, ang pangalang Pablo (Gawa 13:9).

Isinulat ni Pablo ang maraming aklat sa Bagong Tipan. Sang-ayon ang maraming teologo na siya ang sumulat ng aklat ng Roma, 1 at 2 Corinto, Galacia, Filipos, 1 at 2 Tesalonica, Filemon, Efeso, Colosas, 1 at 2 Timoteo, at Tito. Ang 13 sulat na ito ang bumubuo sa "Mga Akda ni Pablo" at mga pangunahing pinagkukunan ng kanyang teolohiya. Kung iyong napansin, ang aklat ng Gawa ang nagsasalaysay ng kasaysayan ng buhay ni Pablo. Ibinuhos ni Apostol Pablo ang kanyang buhay sa pangangaral na nabuhay na mag-uling si Jesu-Cristo sa buong Roma, kadalasan kahit na nalalagay siya sa panganib (2 Corinto 11:24-27). Ipinapalagay na pinatay si Pablo noong mga kalagitnaan o huling bahagi ng AD 60.

Ano nga ba ang matutunan natin sa kanyang buhay? Una, matututunan natin na kayang iligtas ng Diyos ang sinuman. Ang kahanga-hangang istorya ni Pablo ay tila nauulit dahil sa maraming makasalanan ang nagbabago ang buhay araw-araw sa buong mundo dahil sa biyaya ng pagliligtas ni Jesu-Cristo. Ang ilan sa mga taong ito ay nakagawa ng mga kasuklam-suklam na kasalanan sa kapwa nila, samantalang ang iba naman ay sumusubok na mamuhay ng may kabutihan sa pag-aakala na tatanggapin sila ng Diyos sa araw ng paghuhukom. Kapag binasa natin ang buhay ni Pablo, mamamangha tayo sa katotohanang tinanggap ng Diyos sa langit ang isang relihiyosong terorista na pumatay ng napakaraming inosenteng kababaihan at mga bata. Nakikita natin ang mga terorista o ang mga kriminal sa kasulukuyan na hindi karapat-dapat sa pagtubos dahil sa laki ng kasalanan nila sa sangkatauhan. Ang istorya ni Pablo ay maaari pa ring gawing patotoo ngayon. Sa ating tingin, hindi siya karapat-dapat na bigyan ng pangalawang pagkakataon, ngunit pinagkalooban siya ng Diyos ng habag. Mahalaga ang bawat tao sa Panginoon, mula sa "mabait," "katamtaman," hanggang sa "pinakamasamang" tao. Tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas ng kaluluwa mula sa impyerno.

Pangalawa, matututunan natin mula sa buhay ni Pablo na maaaring maging mapagpakumbaba at makapangyarihang saksi para kay Jesu-Cristo ang sinuman. Wala ng iba pang karakter sa Bibliya ang nagpakita ng higit na kababaan ng loob habang nangangaral ng ebanghelyo na katulad ni Pablo. Sinabi sa Gawa 20:19 na "Buong kapakumbabaan at lumuluhang naglingkod ako sa Panginoon, at nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio." Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo ni Jesu-Cristo ng "buong tapang at malayang nangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo" (Gawa 28:31). Hindi takot si Pablo na sabihin ninuman kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa kanya. Ibinigay ni Pablo ang buong buhay niya sa walang humpay na pagtatrabaho para sa kaharian ng Diyos, mula sa kanyang pagkakilala kay Jesus hanggang sa kanyang kamatayan bilang isang martir.

Panghuli, matututunan natin na maaaring sumuko ng buong puso ang sinuman sa Diyos. Sa Filipos 1:12-14, isinulat ni Pablo habang nasa kulungan, "Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. Nalaman ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagsunod ko kay Cristo. At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita ng Diyos." Sa kabila ng mga nangyari sa kanya, nagpuri si Pablo sa Diyos at ipinagpatuloy ang pangangaral ng ebanghelyo (Gawa 16:22–25 at Filipos 4:11–13). Naunawaan ni Pablo ang kahihinatnan ng buhay na ibinigay kay Cristo sa pamamagitan ng kanyang mga paghihirap at pagtitiis. Isinuko niya ng buo ang kanyang buhay at nagtiwala sa Kanya sa lahat ng bagay. Sinulat ni Pablo, "Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang" (Filipos 1:21). Kaya ba natin ang magpahayag ng katulad nito?

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan mula sa buhay ni Pablo? Sino si Pablo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries