Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Pedro?
Sagot
Isa sa mga unang tagasunod ni Jesu-Cristo si Simon Pedro, na kilala rin bilang si Cefas (Juan 1:42). Hayagan siyang magsalita at masigasig. Isa siya sa pinakamalapit na mga kaibigan ni Jesus, isang apostol, at isang "haligi" ng iglesya (Galacia 2:9). Masigla, masugid, mapusok, at kung minsan, magaspang ang ugali ni Pedro. Marami siyang kalakasan at mga kahinaan sa buhay. Gayon pa man, pinili siya ng Diyos at hinubog sa kung ano ang gusto Niya para kay Pedro.
Mula sa Bethsaida si Simon Pedro (Juan 1:44) at nanirahan sa Capernaum (Markos 1:29), ang dalawang bayan na nasa baybayin ng dagat ng Galilea. Mayroon siyang asawa (1 Corinto 9:5; Marcos 1:30), at mga kasosyo niya sa negosyo ng pangingisda sina Santiago at Juan (Lucas 5:10). Nakilala ni Simon Pedro si Jesus sa pamamagitan ng kanyang kapatid na sj Andres, na naging tagasunod ni Jesus matapos na mapakinggan ang pahayag si Juan Bautista na si Jesus ang Kordero ng Diyos (Juan 1:29-36).
Agad na pinuntahan ni Andres ang kanyang kapatid upang dalhin kay Jesus. Binigyan ni Jesus ng bagong pangalan si Simon Pedro nang makita Niya ito — Cefas — mula sa Aramaiko o Pedro sa Griego, ang kanyang bagong pangalan, na ang ibig sabhin ay "bato." Pagkatapos, tinawag ni Jesus si Pedro na sumunod sa Kanya, at nagpakita Siya ng kagila-gilalas na himala ng marami silang nahuling isda (Lucas 5:1-11). Agad na iniwan ni Pedro ang lahat.
Nabuhay bilang isang alagad ni Jesus si Pedro sa sumunod na tatlong taon. Dahil natural kay Pedro ang maging lider, sjya ang naging tagapagsalita ng labindalawang alagad (Mateo 15:15; 18:21; 19:27; Marcos 11:21; Lucas 8:45; 12:41; Juan 6:6; 13:6-9, 36). Higit sa lahat, si Pedro ang unang nagpahayag na si Jesus, "ang Anak ng Diyos na buháy," isang katotohanang ang Diyos ang naghayag kay Pedro ayon kay Jesus (Mateo 16:16-17). Kasama si Pedro nina Santiago at Juan sa mga alagad na pinakamalapit kay Jesus. Silang tatlo lamang ang kasama ni Jesus nang buhaying muli ang anak na babae ni Jairo at ng magbagong anyo si Jesus sa isang mataas na bundok (Mateo 17:1). Si Pedro rin, kasama si Juan, ang inutusan ni Jesus para ihanda ang Hapunang Pampaskuwa (Lucas 22:8).
Sa ilang pagkakataon, ipinakita ni Pedro ang kanyang kapusukan na umabot sa kawalang-ingat. Halimbawa, si Pedro ang bumaba sa bangka para maglakad sa ibabaw ng tubig palapit kay Jesus (Mateo 14:28-29)—at nang alisin niya ang paningin kay Jesus, nagsimula siyang lumubog (talata 30). Si Pedro ang nagdala kay Jesus sa isang tabi para sawayin sa pagpapahayag tungkol sa Kanyang kamatayan (Mateo 16:22)—na agad na pinagsabihan ng Panginoon. Si Pedro ang nagpanukala na magtayo ng tatlong tolda, para kay Jesus, isa kay Moises at isa kay Elias (Mateo 17:4)—at nagpatirapa at natakot dahil sa kaluwalhatian ng Diyos (talata 5-6). Si Pedro ang bumunot ng tabak at tumaga sa tainga ng alipin ng Pinakapunong Pari at natigpas ang kanang tainga noon (Juan 18:10) — ngunit agad na ipinabalik sa kanya ni Jesus ang kanyang tabak sa kaluban (talata 11). Si Pedro rin ang nagmalaki na hindi niya iiwan ang Panginoon, kahit na iwanan Siya ng lahat (Mateo 26:33), ngunit itinatwa niya ng tatlong beses si Jesus (talata 70-74).
Sa kabila ng mga nangyari kay Pedro, nanatili si Jesus na mapagmahal niyang Diyos at tapat na gabay. Ipinahayag na muli ni Jesus sa Mateo 16:18-19, na si Pedro, ang "bato," kung saan itatayo ang Kanyang iglesya. Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesus, binanggit Niya mismo ang pangalan ni Pedro na isa sa mga dapat makaalam ng magandang balita (Marcos 16:7). Sa ikatlong pagpapakita ni Jesus, inulit Niya ang paggawa ng himala ng huling isda, kung saan siya nakilala ni Pedro. Nagbigay si Jesus ng pagdidiin sa Kanyang pagpapatawad at pagpapanumbalik kay Pedro at binasbasan ito bilang isang apostol (Juan 21:6, 15-17).
Noong araw ng Pentecostes, si Pedro ang nagsalita sa mga tao sa Jerusalem (Gawa 2:14), at nadagdagan ng may tatlong libo ang mga bagong mananampalataya (Gawa 2:41). Pagkatapos, pinagaling ni Pedro ang lalaking lumpo (Gawa 3), at matapang na nangaral sa harap ng Sanedrin (Gawa 4). Walang makapagpapatamlay ng panata ni Pedro na ipangaral si Jesus na nabuhay na mag-uli kahit pa ang mga pagdakip, paghagupit, at panganib.
Natupad ang pangako ni Jesus kay Pedro na siya'y magiging saligan sa pagtatayo ng iglessya sa pamamagitan ng tatlong yugto: Ang pangangaral niya sa araw ng Pentecostes (Gawa 2). Pagkatapos, nang tanggapin ng mga Samaritano ang Espiritu Santo sa harap ni Pedro (Gawa 8). At huli, nang ipatawag siya sa bahay ng isang kapitan ng mga "Batalyong Italiano" ng hukbong Romano, na si Cornelio na naniwala at tumanggap ng Espiritu Santo (Gawa 10). Dahil sa mga pangyayaring ito, binuksan ni Pedro ang daan at pintuan para sa mga iglesya para sa mga Judio, Samaritano, at Hentil.
Dumanas rin si Pedro ng mga paghihirap ng kalooban bilang apostol. Tumanggi siyang ipahayag ang ebanghelyo kay Cornelio na isang Hentil noong una. Kaya naman, nang masaksihan niya kung paano tumanggap ng Espiritu Santo ang mga Romano na katulad niya, naunawaan niya na "walang itinatangi ang Diyos" (Gawa 10:34). Pagkatapos nito, matapang na dinipensahan ni Pedro ang mga Hentil na mananampalataya at matibay niyang sinabi na hindi nila kailangang sundin ang Kautusan ng kanilang ninunong Judio (Gawa 15:7-11).
Ang isa pang pangyayari na nakapagbahala sa buhay ni Pedro ay nang bumisita siya sa Antiochia. Nasiyahan siya sa pagsasama-sama ng mga mananampalatayang Hentil. Subalit, nang biglang dumating ang mga legalistang Judio, lumayo at hindi na nakisalo si Pedro sa mga mananampalatayang Hentil, dahil sa takot nito sa pangkat ng Judio. Nakita ito ni Apostol Pablo bilang isang pagkukunwari at harapan niyang pinagsabihan si Pedro (Galacia 2:11-14).
Ginugol ni Pedro ang mga oras kasama si Marcos (1 Pedro 5:13) sa mga huling taon ng kanyang buhay. Si Marcos ang nagsulat ng ebanghelyo ni Marcos batay sa mga naaalala ni Pedro ng mga panahong kasama niya si Jesus. Isinulat ni Pedro ang dalawang sulat, ang 1 at 2 Pedro sa kalagitnaan ng AD 60 at AD 68. Sinabi ni Jesus kung paano mamamatay si Pedro (Juan 21:18-19)—isang propesiya na marahil ay naganap sa panahon ng paghahari ni Nero. Sinasabi ng tradisyon na ipinako ng nakabaliktad si Pedro sa Roma. Bagaman, maaaring totoo nga ito, wala paring nasulat o nabanggit ang Biblia tungkol sa kamatayan ni Pedro.
Ano ang matutunan natin sa buhay ni Pedro? Narito ang ilan:
Nadadaig ni Jesus ang takot. Kahit ang paghakbang sa ibabaw ng tubig sa gitna ng naghahampasang alon ng dagat o ang pagpunta sa lupain ng mga Hentil sa unang pagkakataon, mnatagpuan ni Pedro ang lakas ng loob sa pagsunod kay Kristo. "Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig." (1 Juan 4:18).
Pinapatawad ni Jesus ang pagtataksil. Matapos na ipagmalaki ni Pedro ang katapatan niya, itinatwa niya ng tatlong beses ang Panginoon. Buong pagmamahal na pinanumbalik ni Jesus si Pedro sa ministeryo. Isa siyang kabiguan, ngunit, para kay Jesus, hindi katapusan ang pagkabigo. "Kung tayo man ay hindi tapat, siya'y nananatiling tapat pa rin sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili." (2 Timoteo 2:13).
Matiyaga si Jesus sa pagtuturo. Paulit-ulit na kinailangan ni Pedro ng pagtutuwid, ibinigay ito ng Panginoon ng may katiyagaan, may katatagan, at may pag-ibig. Ang ating Punong Guro ay naghahanap ng mga mag-aaral na handang matuto. "Ang sabi ni Yahweh, "Aakayin kita sa daan, tuturuan kita at laging papayuhan" (Awit 32:8)
Nakikita tayo ni Jesus kung paano Niya nais na maging tayo. Noong una pa lamang sila magkatagpo ni Jesus, tinawag na kaagad ni Jesus na "Pedro" si Simon. Sa mga mata ni Jesus, ang magaspang at walang-ingat ay isang matibay at tapat na "bato." Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo (Filipos 1:6)
Gumagamit si Jesus ng mga hindi inaasahang bayani. Isang mangingisda mula sa Galilea si Pedro, ngunit tinawag siya ni Jesus na maging mangingisda ng tao (Lucas 5:10). Ginamit siya ng Diyos sa mga dakilang bagay dahil handa na si Pedro na iwan ang lahat sa pagsunod kay Jesus. Namangha ang mga tao sa katapangan ni Pedro sa pangangaral sapagkat isa lamang siyang "ordinaryo" at "walang aral." Ngunit natatandaan ng mga tao na kasama nila si Jesus (Gawa 4:13). Ang makasama si Jesus ang nagbibigay ng kaibhan sa lahat.
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Pedro?