Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Santiago na kapatid ni Jesus?
Sagot
Si Santiago ay anak nina Maria at Jose at kapatid sa ina ni Jesus at tunay na kapatid nina Jose, Simon, Judas, at ng iba pang mga kapatid na babae (Mateo 13:55). Sa mga Ebanghelyo, binanggit si Santiago ng ilang beses, ngunit ng panahong iyon ay hindi pa niya nauunawaan ang ministeryo ni Jesus at hindi pa siya isang mananampalataya (Juan 7:2-5). Si Santiago ay isa sa pinakaunang saksi sa pagkabuhay na mag-uli ni Jesus (1 Corinto 15:7). Pagkatapos niyang maging isang mananampalataya, nanatili siya sa Jerusalem at naging bahagi ng isang grupo ng mga mananampalataya na nanalangin sa isang silid sa itaas (Gawa 1:14). Mula ng araw na iyon, nagsimulang kilalanin ang mataas na katayuan ni Santiago sa Jerusalem bilang isang pinuno ng iglesya.
Nasa Jerusalem pa si Santiago ng dumating ang noo'y bagong mananampalatayang si Pablo para katagpuin siya at si Pedro (Galatia 1:19). Pagkaraan ng ilang taon, nang tumakas si Pedro mula sa kulungan, iniulat niya kay Santiago ang mahimalang paraan ng kanyang paglaya (Gawa 12:17). Nang magpulong ang konseho ng Jerusalem, si Santiago ang punong tagapangasiwa at tagapagsalita (Gawa 15:13-21). Isa rin siyang matanda sa iglesya at tinawag na isang "haligi" sa Galatia 2:9. Kalaunan, muling nanguna si Santiago sa isang pagpupulong sa Jerusalem, ang okasyong ito ay naganap pagkatapos ng ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero. Pinaniniwalaan na pinatay si Santiago bilang isang martir nong humigit kumulang AD 62, bagama't walang tala sa Bibliya tungkol sa detalye ng kanyang kamatayan.
Si Santiago ang manunulat ng sulat ni Santiago, na kanyang sinulat sa pagitan ng AD 50 at AD 60. Ipinakilala ni Santiago ang kanyang sarili bilang isang simpleng "alipin ng Diyos at ng panginoong Kesu Cristo" (Santiago 1:1). Higit na tinatalakay sa kanyang sulat ang mga bagay tungkol sa pamumuhay Kristiyano sa halip na teolohiyang Kristiyano. Ang kanyang tema ay ang pagsasapamuhay sa pananampalataya—ang panlabas na ebidensya ng panloob na pagbabago.
Ang isang pagaaral sa buhay ni Santiago ay magbibigay ng ilang mahalagang aral para sa atin. Ang pasimula niya sa pananampalataya ay isang patotoo sa napakalaking kapangyarihan ng pagiging isang saksi sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo: Mula sa pagiging isang taong nagdududa patungo sa isang pagiging pinuno ng iglesya dahil sa kanyang pakikipagkita sa nabuhay na mag-uling Jesu Cristo. Ang talumpati ni Santiago sa konseho ng Jerusalem sa Gawa 15:14-21 ay nagpapakita ng kanyang pagtitiwala sa Kasulatan, ng kanyang pagnanais na magkaroon ng kapayapaan sa loob ng iglesya, ng kanyang pagbibigay-diin sa biyaya ng Diyos ng higit sa kautusan, at ng kanyang pagmamalasakit para sa mga mananampalatayang Hentil, bagama't eksklusibo siyang nagministeryo sa mga Kristiyanong Judio. Gayundin, mahalagang pansinin ang kapakumbababaan ni Santiago — hindi niya ginamit kailanman ang kanyang posisyon bilang kapatid sa ina ni Jesus na basehan ng kanyang awtoridad. Sa halip, ipinakilala ni Santiago ang kanyang sarili bilang isang "alipin" ni Jesus, at wala ng iba pa. Sa madaling salita, si Santiago ay isang mapagmahal na lider na ginamit ng Diyos para pagpalain ng mayaman ang iglesya.
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Santiago na kapatid ni Jesus?