Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Timoteo?
Sagot
Anak ng isang Griego at isang babaeng Judio si Timoteo — ang sinulatan sa dalawang liham ng Bagong Tipan na may titulo gamit ang kanyang pangalan. Nakasama siya ni Pablo sa isa sa mga huli nitong paglalakbay. Tinawag ni Pablo si Timoteo na "tunay kong anak sa pananampalataya" (1 Timoteo 1:2). Marahil, nasa panahon pa siya ng kanyang kabataan nang makasama siya ni Pablo. Ngunit alam na niya sa kanyang sarili na isa siya sa mga tapat na lingkod, at napansin ito ng matatanda. Maaaring narinig at tinanggap niya ang ebanghelyo ng mangaral si Pablo sa Derbe at Listra sa mga nauna niyang paglalakbay, ngunit hindi natin ito matitiyak. Nagsilbing kinatawan ni Pablo si Timoteo sa ilang iglesya (1 Corinto 4:17; Filipos 2:19), at naging pastor sa Efeso (1 Timoteo 1:3). Nabanggit din si Timoteo na kasama ni Pablo ng isulat niya ang ilang mga liham sa Bagong Tipan – ang 2 Corinto, Filipos, Colosas, 1 at 2 Tesalonica, at Filemon.
Sinabi ni Pablo na "tapat sa pananampalataya" si Timoteo, katangian na nauna ng tinaglay ng kanyang lola at ina (2 Timoteo 1:1–5). Naihanda na ang puso ni Timoteo na tanggapin si Kristo sa pamamagitan ng pagtuturo ng kanyang inang si Eunice at ng lola niyang si Loida ng Banal na Kasulatan mula pagkabata upang makilala niya ang Mesiyas (2 Timoteo 3:15).
Nang dumating si Pablo at ipinangaral si Kristo, tinanggap nilang tatlo ang ebanghelyo at ibinigay ang buhay sa Tagapagligtas. Dapat rin nating ihanda ang ating mga anak sa pagkilos ni Kristo sa kanilang mga puso. Kailangan nilang matutuhang kilalanin ang pagkilos ni Kristo sa kanilang espiritu, at ang isang paraan upang magawa ito ay sundan ang halimbawa nina Eunice at Loida at ituro ang Salita ng Diyos sa ating mga anak.
Binigyan ni Pablo si Timoteo ng mga tagubilin at mga paalala kung paano pangungunahan ang iglesya sa kanyang unang liham. Pinayuhan din niya si Timoteo na huwag hayaang hamakin siya ninuman dahil sa kanyang kabataan. Sa halip, maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa kanyang "pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay" (1 Timoteo 4:12). Sinabi rin ni Pablo kay Timoteo na maging tapat sa pagbabasa ng Kasulatan, panghihikayat, pangangaral, at huwag kaligtaan ang mga kaloob na ibinigay sa kanya. Pinaalalahanan din ni Pablo si Timoteo na bantayan ang sarili. May kinalaman at kahalagahan pa rin para sa mga mananampalataya hanggang sa kasalukuyan ang mga tagubiling ito.
Tinatawag rin tayong mga mananampalataya na "sikaping mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. Ipaglaban nang mabuti ang pananampalataya. Panghawakan ang buhay na walang hanggan, dahil dito tayo tinawag ng Diyos nang ipahayag natin sa harap ng maraming saksi ang ating pananalig kay Cristo" (1 Timoteo 6:11–12).
Tila mayroong pisikal na karamdaman si Timoteo na kinakailangang bigyang-pansin (1 Timoteo 5:23). Pinayuhan siya ni Pablo na baguhin ang karaniwan niyang inumin para guminhawa ang kanyang kalagayan. May mga pagkakataon na hindi kaagad ipinagkakaloob ng Panginoon ang kagalingan. Minsan, ipinagkakaloob ang kagalingan ng natural, at minsan naman ay hindi.
Sa pangalawang liham ni Pablo kay Timoteo, nagbabala siya tungkol sa mga bulaang guro na maaari niyang makaharap at sinabing magpatuloy siya sa mga aral na natutunan niya at matibay na pinaniwalaan, sapagkat kilala niya ang mga nagturo nito sa kanya na sina Pablo, ang kanyang ina, at ang kanyang lola (2 Timoteo 3:14–15). Ang mga katotohanang itinuro kay Timoteo mula pagkabata – ang katotohanan tungkol sa kasalanan at ang ating pangangailangan sa isang tagapagligtas – ang humubog kay Timoteo na magkaroon ng "karunungan patungo sa kaligtasan" (2 Timoteo 3:15). Bilang mga magulang, ihanda natin ang ating mga anak na matutong kilalanin ang katotohanan at kabuktutan. At bilang mananampalataya, maging matibay tayo na panghawakan ang katotohanang ating natutuhan upang hindi tayo matangay ng maling turo at mga bulaang guro.
Sinabi rin ni Pablo kay Timoteo na, "Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan (2 Timoteo 2:15). Mahalaga ang mga paalalang ito sa lahat ng mananampalataya. Sapagkat "Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay" (2 Timoteo 3:16–17). Pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo, na kanyang "minamahal na anak" (2 Timoteo 1:2), mula sa kanyang puso, na manatiling matatag sa kanyang pananampalataya at pangunahan ang mga kapwa mananampalataya. Isang tapat na lingkod si Timoteo. Sundan natin ang kanyang halimbawa.
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Timoteo?