settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Sola Scriptura?

Sagot


Ang salitang "Sola Scriptura" ay mula sa salitang Latin na "sola" na nangangahulugang "lamang," "tangi," at "nagiisa," samantalang ang salitang "scriptura" naman ay nangangahulugang "Kasulatan" — na tumutukoy sa Banal na Kasulatan. Nangangahulugan ang Sola Scriptura na tanging ang Banal na Kasulatan lamang ang mapagtitiwalaang awtoridad sa pananampalataya at mga gawa ng isang Kristiyano. Ang Bibliya ay kumpleto, makapangyarihan at totoo. "Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran" (2 Timoteo 3:16).

Ang Sola Scriptura ang isinisigaw ng repormasyong Protestante. Sa loob ng maraming siglo, gumawa ang Romano Katoliko ng mga tradisyon na itinuturing nilang higit ang awtoridad kaysa sa Bibliya. Nagbunga ito sa paglikha ng maraming gawaing panrelihiyon na salungat sa itinuturo ng Bibliya. Ang ilan sa mga halimbawa ay ang pananalangin kay Maria at sa mga santo, ang pagsilang ng kay Maria ng walang kasalanan, ang pagiging tunay na laman at dugo ng tinapay at alak sa Banal na Kumunyon, pagbibinyag sa mga bata, indulhensya at ang kapangyarihan ng Papa. Sinansala ni Martin Luther, ang tagapagtatag ng iglesyang Lutheran at Ama ng Repormasyon ang Simbahang Katoliko dahil sa mga katuruan nito na salungat sa itinuturo ng Bibliya. Pinagbantaan ng Simbahang Katoilko na ititiwalag nila at ipapapatay si Martin Luther kung hindi niya babaguhin ang kanyang doktrina. Ngunit sumagot si Luther: "Hanggat hindi ako nakukumbinsi ng pahayag ng Kasulatan, o ng malinaw na pangangatwiran, hanggat hindi ako nakukumbinsi ng Salita ng Diyos na aking pinagbabatayan ng aking pangunawa at malibang matanto ko na sumasalungat sa Bibliya ang aking budhi, hindi magbabago ang aking paniniwala, dahil hindi ligtas sa isang Kristiyano na labanan ang kanyang sariling budhi. Narito ako’t nakatayo, wala akong magagawang anuman; nawa'y tulungan ako ng Diyos! Amen!"

Ang pangunahing argumento ng Simbahang Katoliko laban sa Sola Scriptura ay hindi umano itinuturo ng Bibliya ang Sola Scriptura. Tinitindigan ng mga Katoliko na hindi mababasa ang salitang Sola Scriptura sa Kasulatan na tanging pamantayan ng pananampalataya at mga gawa. Totoong walang nakasulat na ganitong salita sa Bibliya, ngunit nabigong kilalanin ng Simbahang Katoliko ang isang napakahalagang katotohanan. Idineklara ng Bibliya na ito ay hiningahan ng Diyos, hindi nagkakamali at makapangyarihan. Alam din natin na hindi nagbabago ang isip ng Diyos o sinasalungat ang Kanyang sarili. Kaya nga habang totoo na walang nakasulat na "Sola Scriptura" sa Bibliya, tiyak na hindi nito sasang-ayunan ang mga paniniwala o tradisyon na sumasalungat sa mensahe at mga katuruan nito. Hindi lamang isang argumento ang Sola Scriptura laban sa tradisyon. Ito ay argumento din laban sa mga doktrina o katuruan na hindi ayon sa Bibliya, wala sa Bibliya at laban sa Bibliya. Ang tanging paraan upang malaman kung ano ang inaasahan ng Diyos sa atin ay ang manatiling totoo at sang-ayon sa katuruan na ipinahayag Niya sa tao sa pamamagitan ng Bibliya. Malalaman natin ng walang pagdududa na ang Bibliya ay totoo, mapagkakatiwalaan at makapangyarihan. Hindi maaaring sabihin ang ganito sa tradisyon at mga kaugalian ng tao.

Ang Salita ng Diyos ang tanging awtoridad sa pananampalatayang Kristiyano. Maaari lamang gawin ang isang tradisyon kung iyon ay malinaw na sumasang- ayon sa Bibliya. Anumang tradisyon na hindi ayon sa Bibliya ay hindi mula sa Diyos at hindi maaaring maging batayan ng pananampalataya. Ang Sola Scriptura ang tanging paraan upang maiwasan ang mga maling paniniwala at gawa at manatiling tapat sa mga katuruan ng Bibliya. Ang esensya ng pagyakap sa Sola Scriptura ay pagbase ng espiritwalidad ng tanging sa Bibliya lamang at pagtanggi sa anumang gawa, kaugalian, tradisyon at katuruan na hindi makikita at hindi sinasang-ayunan ng Bibliya. Sinasabi sa 2 Timoteo 2:15, "Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan."

Hindi pinawawalang saysay ng Sola Scriptura ang konsepto ng tradisyon. Sa halip, binibigyan tayo ng matibay na pundasyon ng Sola Scriptura kung ano ang tamang batayan ng tradisyon. Maraming tradisyon sa Romano Katolisismo at Protestanteng iglesya na resulta lamang ng tradisyon ngunit hindi itinuturo sa Bibliya. Maganda at mabuti para sa iglesya na magkaroon ng tradisyon. Ang tradisyon ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pag-organisa at pagpapatupad ng mga kaugaliang Kristiyano. Ngunit para maging tama ang isang tradisyon, kailangang ito ay hindi sumasalungat sa itinuturo ng Bibliya. Dapat na nakabase ang tradisyon sa katuruan ng Bibliya. Ang problema sa Simbahang Katoliko at sa maraming iglesya, ibinabase nila ang kanilang tradisyon sa mga tradisyon na base din sa mga tradisyon na ang unang pinanggalingan ay mga tradisyon ng mga ninuno na hindi ayon sa Bibliya. Kaya't nararapat lamang na bumalik sa Sola Scriptura ang mga Kristiyano, at ituring na tanging ang Bibliya lamang ang batayan ng lahat ng pananampalataya at mga gawa.

Sa aspetong praktikal, ang laging ginagamit na pangangatwiran laban sa Sola Scriptura ay ang katotohanan na ang canon ng kasulatan ay hindi pa opisyal na napagkasunduan mga 250 taon pagkatapos na itatag ang iglesya. Gayundin naman, hindi pa napapasakamay ng masa o ng maraming tao ang Bibliya sa loob ng 1,500 taon pagkatapos itatag ang iglesya. Paano ipinatupad ng unang iglesya ang Sola Scriptura kung wala pa sa kanilang kamay ang buong Bibliya? At paano ibabase ng mga Kristiyano na nabuhay bago naimbento ang palimbagan ng Bibliya ang kanilang tradisyon sa Bibliya kung wala pang kaparaanan upang magkaroon sila ng kopya ng Bibliya? Idagdag pa ang napakataas na antas ng mga walang pinagaralan sa kasaysayan noong unang panahon. Paano sasagutin ng mga naniniwala sa Sola Scriptura ang mga argumentong ito?

Ang problema sa argumentong ito ay ang maling pangangatwiran na ang basehan ng Sola Scriptura ay ang pagkakaroon ng kopya ng Kasulatan. Hindi ito tamang pangangatwiran. Ang awtoridad ng Salita ng Diyos ay pangkalahatan; dahil ito ay Salita ng Diyos, ito ang Kanyang awtoridad. Ang katotohanan na wala pa noong Bibliya o hindi pa nakakabasa ang tao noon ng Bibliya ay hindi makapagbabago ng katotohanan na ang mga Kasulatan ay Salita ng Diyos. Gayundin naman, sa halip na gamiitin ang argumentong ito laban sa Sola Scriptura, dapat na ito ang maging argumento para sa dapat na gawin ng iglesya sa halip na kung ano ang ginawa noon ng iglesya. Tiyak na binigyan ng ibayong pansin ng unang iglesya ang ang paggawa ng kopya ng Banal na Kasulatan. Habang hindi makatotohanan na ang bawat mananampalataya noong panahon ng unang iglesya ay may kumpletong kopya ng kasulatan, posible na may ilang Kristiyano hindi man lahat, ang may kopya ng ilang bahagi ng Kasulatan. Tiyak na ginawang prayoridad ng mga naunang pinuno ng iglesya ang pagtuturo ng Salita ng Diyos upang maunawaan ng mga Kristiyano ang itinuturo nito. Kahit hindi pa naiilimbag ang Bibliya at wala pang kopya ang lahat ng Kristiyano, ang mga lider ng iglesya ay dalubhasa sa pagtuturo ng Salita ng Diyos. Sa halip na gumawa sila ng tradisyon at ipasa ang mga tradisyong iyon sa mga sumunod na henerasyon, kinopya nila ang Salita ng Diyos at itinuro iyon hindi ang tradisyon (2 Timoteo 4:2).

Muli, hindi ang mga tradisyon ang problema. Ang mga tradisyon na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang problema. Hindi ang pagkakaroon ng kopya ng Bibliya ang isyu. Ang itinuturo ng Kasulatan ang isyu. Ang Salita ng Diyos lamang ang dapat na maging batayan ng lahat ng katuruan at gawaing panrelihiyon. Nasa atin na ngayon ang Bibliya. Sa pamamagitan ng masusing pagaaral sa Salita ng Diyos, malinaw na makikita natin na napakaraming tradisyon na nabuo sa paglipas ng panahon ang sumasalungat sa Katuruan ng Salita ng Diyos. Dito natin mailalapat ang prinsipyo ng Sola Scriptura. Ang mga tradisyon o kaugalian na sinasang-ayunan ng Bibliya ay maaaring panatilihin. Ngunit ang mga tradisyon o kaugalian na hindi ayon sa Bibliya ay dapat na itakwil. Ibinabalik tayo ng Sola Scriptura sa kung ano lamang ang malinaw na ipinahayag ng Diyos sa Kanyang mga Salita, ang Bibliya. Hindi kailanman magsisinungaling ang Diyos at hindi Niya kailanman kokontrahin ang Kanyang sinabi. Lagi Siyang mapagkakatiwalaan kaya't kung ano lamang ang sinasabi Niya sa Bibliya, iyon lamang ang dapat nating paniwalaan habang sinasanay natin ang ating mga sarili sa ating pamumuhay bilang mga Kristiyano.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Sola Scriptura?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries