Tanong
Bakit mahalaga ang soli Deo gloria?
Sagot
Ang soli Deo gloria ay isa sa mahalagang doktrina na binigyang-diin sa panahon ng Repormasyon ng mga Protestante. Ang Soli Deo gloria, kasama ang apat na solas ng mga Repormador ang naghihiwalay sa biblikal na Ebanghelyo mula sa mga maling paniniwala. Ang salitang latin na soli ay nangangahulugang “nagiisa” o “lamang;” at ang pariralang Deo gloria ay nangangahulugang “ang kaluwalhatian ng Diyos.” Kaya nga, ang soli Deo gloria ay nangangahulugang “para sa kapurihan ng Diyos lamang.”
Ang Soli Deo gloria ay may kinalaman sa ating kaligtasan kay Cristo. Noong magturo ang mga Repormador tungkol sa ating kaligtasan na “para lamang sa kapurihan ng Diyos,” binigyang diin nila ang biyaya ng Diyos. Ang kaligtasan ay sa biyaya lamang ng Diyos, hindi sa ating mga gawa (Efeso 2:8–9). Ang susing parirala sa Efeso 2:9 ay “upang walang sinuman ang magmalaki”; Sa pagtuturo ni Pablo tungkol sa pagpapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya ng hiwalay sa Kautusan, isinulat niya, “Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo” (Roma 3:27).
Walang lugar para sa kapurihan ng tao sa plano ng Diyos para sa kaligtasan. Ang kaluwalhatian lamang ng Diyos. Sinabi ni Jesus, “sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin” (Juan 15:5). Kung posible para sa sinuman na maligtas sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusan, mayroon silang maipagmamalaki (Roma 4:2); ngunit imposible ito. Hindi natin kayang iligtas ang ating sarili. Tayo na mga patay dahil sa ating mga kasalanan at pagsuway (Efeso 2:1) ay walang magagawa para tulungang iligtas ang ating sarili. Ngunit, purihin ang Diyos, “sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (Roma 6:23). Ang kaluwalhatian ay sa Diyos, hindi sa atin. Soli Deo gloria.
Ang pagliligtas sa mga makasalanan ay plano ng Diyos, ang pagsasakatuparan ng pagliligtas na ito ay gawain ng Diyos, ang pagkakaloob ng kaligtasang ito ay biyaya ng Diyos, ang katuparan ng kaligtasang ito ay pangako ng Diyos. Mula sa umpisa hanggang wakas, “ang kaligtasan ay sa Panginoon” (Awit 3:8; cf. Pahayag 7:10). Ikinumpara ni Jesus ang kaligtasan sa isang bagong pagsilang (Juan 3:3); bilang isang sanggol, hindi natin maaangkin na ating kagagawan ang ating “pagsilang na muli.” Hindi inangkin ni Ezekias ang pagliligtas sa Jerusalem mula sa mga taga Asiria (2 Hari 19); Ang Diyos ang Siyang tumalo sa mga kaaway. Hindi sina Sedrac, Mesac at Abednego ang dahilan kung bakit sila naligtas mula sa nagniningas na pugon (Daniel 3); Ang Diyos ang nagingat sa kanila sa apoy. Ang kaluwalhatian ay sa Diyos lamang. Soli Deo gloria.
Sa Reformed Theology, ang doktrina ng soli Deo gloria ay may malapit na kaugnayan sa doktrina ng hindi natatanggihang biyaya. Ang biyaya ng Diyos ang naglapit sa atin sa kaligtasan at nagbigay sa atin ng kakayahan na sumampalataya. Oo, nagsisi tayo sa ating kaligtasan, ngunit dahil lamang sa binigyan tayo ng kakayahan ng Diyos para magsisi. Inilagak natin ang ating pananampalataya kay Cristo, ngunit dahil lamang sa binigyan tayo ng Diyos ng kakayahan na sumampalataya. Wala tayong magagawa sa anumang paraan para maging karapatdapat tayo sa kaligtasan o para tiyakin ang ating kaligtasan. Tinawag tayo at iniingatan ng kapangyarihan lamang ng Diyos, “Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus” (Efeso 2:7). Soli Deo gloria.
Naunawaan ng Alemang kompositor na si Johann Sebastian Bach (1685–1750) na ang musika ay isang kaloob ng Diyos na dapat gamitin para sa kaluwalhatian ng Diyos. Sa ibaba ng lahat ng kanyang komposisyon, isinulat ni Bach ang mga inisyal na SDG, o soli Deo gloria. Sa kanyang pangitain ng langit, nakita ni apostol Juan, “ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Inilalagay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi, “Aming Panginoon at Diyos! Karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan; sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay, at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nagkaroon ng buhay at nalikha” (Pahayag 4:10–11). Kahit na ang matatanda sa langit ay hindi inangkin ang kanilang korona; ibinigay nila ang kapurihan sa karapatdapat tumanggap—sa Diyos lamang.
English
Bakit mahalaga ang soli Deo gloria?