settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan mula sa buhay ni haUhring Solomon?

Sagot


Si Solomon ang pangatlo at huling hari ng nagkakaisang kaharian ng Israel, na sumunod kay haring Saul at haring David. Siya ay anak ni David kay Batsheba, ang dating asawa ng Heteong si Urias na ipinapatay ni David para itago ang kanyang ginawang pangangalunya kay Batsheba habang nasa labanan si Urias. Sinulat ni Solomon ang awit ni Solomon, ang aklat ng Mangangaral, at karamihan sa mga salawikain sa aklat ng Kawikaan. Pinagdududahan ng iba ang kanyang pagsulat sa aklat ng Mangangaral, ngunit si Solomon ang nagiisang "anak ni David" na naging "hari ng buong Israel" (hindi lamang ng Juda) sa "Jerusalem" (Mangangaral 1:1, 12), at marami sa mga paglalarawan sa may-akda ng Mangangaral ay perpektong angkop kay Solomon. Naghari si Solomon sa loob ng 40 taon (1 Hari 11:42).

Ano ang mga natatanging yugto sa buhay ni Solomon? Nang maupo siya sa trono, hinanap niya ang Diyos at binigyan siyang Diyos ng oportunidad na hingin ang kanyang anumang maibigan, Mapagpakumbabang kinilala ni Solomon ang kanyang kawalan ng kakayahan na pamunuan ng makatarungan ang bayan ng Diyos. Binigyan siya ng Diyos ng karunungan bukod pa sa kayamanan (1 Hari 3:4–15; 10:27). Sa katunayan, " Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo" (1 Hari 10:23). Binigyan din ng Diyos si Solomon ng kaayapaan sa lahat ng teritoryo ng Israel sa maraming panahon ng kanyang pamamahala (1 Hari 4:20–25).

Ang isa sa pinaka-pangkaraniwang paglalarawan sa karunungan ni Solomon ay ang kanyang paghatol sa pagkakakilanlan ng tunay na ina ng isang sanggol sa1 Hari 3:16-28. Iminungkahi ni Solomon na hatiin sa dalawa ang sanggol dahil alam niya na mas gugustuhin ng tunay na ina na mapasakamay ng ibang ina ang bata sa halip na mamatay iyon. Hindi lamang matalino si Solomon sa kanyang pamumuno kundi mayroon din siyang pangkalahatang karunungan sa maraming aspeto ng buhay. Kinilala ang kanyang karunungan noong siyaý nabubuhay pa. Naglakbay ang reyna ng Sheba ng 1,200 milya para tiyakin ang bali-balita tungkol sa kanyang karunungan at karangalan (1 Hari 10). "Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita" (1 Hari 10:3–5). Pinatunayan ni Solomon na hindi lamang siya marunong kundi kanya rin namang inilalapat ang kanyang karunungan sa kanyang pamamahala sa kanyang kaharian.

Sumulat si Solomon ng napakaraming kawikaan at mga awit (1 Hari 4:32) at nagpatayo ng maraming proyekto at gusali (1 Hari 7:1–12, 9:15–23). Nagtayo si Solomon ng mga barko at nagkamal ng tone-toneladang ginto mula sa Ophir kasosyo si Hiram, ang hari ng Tiro (1 Hari 9:26–28; 10:11, 22). Maaaring ang pinakamahalagang proyekto ni Solomon ay ang pagtatayo ng templo ng mga Judio ayon sa mga tagubilin at probisyon ng kanyang amang si David (1 Hari 6; 1 Cronica 22).

Nagkaroon si Solomon ng 700 asawa at 300 kabit, marami sa kanila ay mga dayuhan na nagtulak sa kanya para sumamba sa mga diyus-diyusan sa publiko sa kanyang katandaan na lubhang ikinagalit ng Diyos (1 Hari 11:1–13). Itinala sa 1 Hari 11:9–10, "Nagalit si Yahweh kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na nagpakita sa kanya si Yahweh at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyosan. Ngunit hindi niya sinunod si Yahweh." Sinabi ng Diyos kay Solomon na aalisin Niya ang kaharian sa kanya, ngunit alang-alang kay David, hindi niya ito gagawin habang siyaý nabubuhay. Ipinangako din Niya na magtatatag Siya ng mga kaaway laban kay Solomon na magiging dahilan ng maraming kaguluhan sa nalalabing buhay ni Solomon (1 Hari 11:14–25). Nagsimula ding magrebelde laban kay Solomon si Jeroboam, na magiging kauna-unahang hari sa 10 tribo ng Israel, bagama't tumakas muna ito (1 Hari 11:26–40). Ang kaharian ni Solomon ay nahati sa ilalim ng pamumuno ni Rehoboam, ang anak ni Solomon (1 Hari 12).

Maraming aral tayong matututunan sa buhay ni Solomon. Una, kung hahanapin natin ang Diyos ng ating buong puso, matatagpuan natin Siya (1 Hari 3:3–7). Pangalawa, ang mga nagpaparangal sa Diyos ay pararangalan din Niya (1 Hari 3:11–13; 1 Samuel 2:30). Pangatlo, bibigyan tayo ng Diyos ng kakayahan na ganapin ang mga gawain na Kanyang ipinagkatiwala sa atin kung magtitiwala tayo sa Kanya (1 Hari 3; Roma 12:3–8; 2 Pedro 1:3). Pangapat, ang buhay espiritwal ay isang marathon hindi isang maiksing karera. Hindi garantiya ang isang magandang pasimula sapagtatapos ng maayos (1 Hari 3; 11). Panglima, maaari nating hingin ng tapat sa Diyos na maituon natin ng higit ang ating mga puso sa Kanya (1 Hari 8:57–58), ngunit mapapalayo tayo sa landas ng katuwiran kung pipiliin nating suwayin ang Kanyang nahayag na Salita. Panganim, ang mga taong pinakamalapit sa atin ay nakakaapekto sa ating buhay espiritwal (Exodo 34:16; 1 Hari 11:1–8; Daniel 1; 3; 1 Corinto 15:33), kaya dapat tayong maging napakaingat sa mga taong ating pinakikisamahan. Pangpito, ang buhay na hiwalay sa Diyos ay buhay na walang kabuluhan, anuman ang taas ng pinag-aralan, naabot na tagumpay sa buhay, anumang laki ng kasiyahan, at dami ng kayamanan (Mangangaral 1:2).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan mula sa buhay ni haUhring Solomon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries