Tanong
Ano ang mga Biblikal na solusyon sa mga problema ng magasawa?
Sagot
Ang pagaasawa ang pinakamalapit na relasyon na maaaring maranasan ng dalawang tao, pangalawa sa relasyon ng tao sa Diyos. Pinalalabas ng pagaasawa ang pinakamaganda at pinakamasama sa katauhan ng isang tao, habang ang dalawang magkaibang indibidwal ay nagsisikap na mamuhay bilang "isang laman" (Mateo 19:6; Markos 10:8). Ang pinakaugat ng lahat ng problema sa nakararaming relasyon ng magasawa ay ang pagiging makasarili. Sa tuwing inuuna ng isa o pareho sa magasawa ang kanyang sariling kapakanan, nagbubunga ito sa mga problema.
Tinatalakay sa ilang mga talata sa Bibliya ang dapat na maging paguugali ng asawang lalaki at asawang babae. Ang ilan sa mga ito ay makikita sa 1 Pedro 3:1-8, Colosas 3:18-19, at Tito 2:3-5. Bagamat hindi direktang tinatalakay ang relasyon sa pagitan ng magasawa, itinuturo sa Filipos 2:3-13 ang isang napakagandang paalala para sa paglutas ng mga problema sa relasyon ng magasawa. Sinasabi sa sitas ng ito na gayahin natin ang paguugali ni Kristo ng Kanyang isuko ang Kanyang mga karapatan at pribilehiyo bilang Anak ng Diyos at nagtungo sa lupa bilang isang mapagpakumbabang alipin. Sinasabi sa talatang 3 at 4, "Na huwag ninyong gawin ang anoman sa pamamagitan ng pagkakampikampi o sa pamamagitan ng pagpapalalo, kundi sa kababaan ng pagiisip, na ipalagay ng bawa't isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili; Huwag tingnan ng bawa't isa sa inyo ang sa kaniyang sarili, kundi ang bawa't isa naman ay sa iba't iba." Kung ang turong ito ni Pablo ay isasapamuhay ng magasawa, maaaring mapagtagumpayan ang halos lahat ng balakid sa pagsasama.
Ang paghingi ng payo sa isang pastor o isang Kristiyanong tagapayo ay sangayon sa Bibliya (Kawikaan 19:20). Ang paghingi ng payo ay isang napakagandang paraan upang mawala ang mga hindi pagkakaunawaan sa papel na ginagampanan ng bawat isa, upang makita ang sitwasyon mula sa pananaw ng isa't isa, at upang malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng pamantayan ng Diyos at pamantayan ng mundo.
Ibinibigay sa Efeso 5:21-33 ang ilang mga instruksyon para sa lalaki at babae. Dapat na ibigin ng asawang lalaki ang kanyang asawang babae "gaya ng kung paanong inibig ni KRisto ang iglesya at ibinigay ang Kanyang sarili para sa kanya" (talata 25). Ang ganitong uri ng pag-ibig at pagpapakasakit ang lumilikha ng sitwayon kung saan mas madaling makakapagpasakop ang asawang babae sa pangunguna ng kanyang asawa. Kung ang isang lalaki ay nakatalaga sa pagpapakita ng pag-ibig sa kanyang asawa, at ang asawang babae ay nakatalaga din naman sa mabiyayang pagpapasakop sa kanyang asawa, magtatagumpay ang kanilang relasyon.
Dapat ding suriing mabuti ang mga talata bago ang mga partikular na katuruan para sa magasawa. Sinasabi sa Efeso 5:18-21, "At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu; Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon;
Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama; Na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo."
Pansinin ang ilang mga utos bago ang katuruan tungkol sa mag-asawa. Ang mga Kristiyano ay dapat na:
• Huwag maglalasing
• Mapuspos ng Banal na Espiritu
• Magpalakasan ng loob ng isa't isa
• Umawit ng mga imno at awiting espiritwal
• Ugaliin ang palagiang pagsamba
• Mabuhay sa diwa ng pagpapakumbaba
• Magpasakop ng buong biyaya sa isa't isa
Marami tayong katotohanang maipagwawalang bahala kung didiretso tayo agad sa mga instruksyon para sa magasawa ng hindi isinasabuhay ang mga praktikal na alituntunin sa mga naunang talata. Kung isasapamuhay ng magasawa sa kanilang personal na buhay ang mga katotohanang nabanggit sa itaas, maiiwasan ang mga problema sa kanilang relasyon. Kung itatalaga ng dalawang Kristiyano ang kanilang sarili sa paghahanap sa kaloban ng Diyos at susunod sa Kanyang kalooban anuman ang mangyari, walang problema sa kanilang relasyon ang hindi nila kayang hanapan ng solusyon.
English
Ano ang mga Biblikal na solusyon sa mga problema ng magasawa?