settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Stigmata? Ito ba ay naaayon sa Bibliya?

Sagot


Ang Stigmata ay ang pagpapakita ng mga sugat ni Hesus sa katawan ng ibang tao. May ilang stigmata na kasama ang marka ng mga sugat ni Hesus sa kanyang likod na sanhi ng mga palo at/o ng sugat sa kanyang ulo na sanhi ng pagpuputong sa Kanya ng koronang tinik. Ngunit, sa tradisyon, ang stigmata ay kinapapalooban ng limang bahagi ng katawan ni Hesus: ang tagiliran (kung saan inulos si Hesus ng sibat upang tiyakin na Siya ay totoong patay na), at ang kanyang mga paa at kamay (na ang sugat ay sanhi ng mga pako na pinalampas sa Kanyang mga kamay at paa). Ang Stigmata ay kilala din sa tawag na “Ang Limang Sugat” o ang “mga banal na sugat ng ating Panginoon.”

May ilang indibidwal sa kasaysayan ng Iglesya na nagangkin na mahimalang nagkaroon sila ng Stigmata. Gayunman, may mga seryosong pagdududa sa pagiging totoo ng mga ipinagpapalagay na pagpapakita ng mga sugat ni Hesus sa kanilang katawan. Marami ang nagpatunay na ginawa lamang nila ang kanilang mga sugat sa pagtatangka na pekein ang mahimalang Stigmata. Hindi itinuro saanman sa Bibliya na ang sinuman ay magkakaroon ng stigmata o sinabi na magbibigay ang Diyos sa tao ng Stigmata. Sa Galacia 6:17, sinabi ni Apostol Pablo, “Buhat ngayon sinoman ay huwag bumagabag sa akin; sapagka't dala kong nakalimbag sa aking katawan ang mga tanda ni Jesus.” Hindi ito nangangahulugan na literal na may mga marka ng sugat ni Hesus si Pablo sa kanyang katawan. Sa halip, ipinapahiwatig nito na nagkasugat ang katawan ni Pablo dahilan sa kanyang pagtatalaga ng sariling buhay sa pagsunod kay Kristo. Nagdusa at nasugatan si Hesus upang huwag na tayong masugatan at magdusa pa dahil sa ating mga kasalanan. Ang mga sugat ni Hesus na mahimalang nagmamarka sa katawan ng ibang mananampalataya ay sumasalungat sa katotohanan na hindi na natin kailangang magdusa pa para sa ating mga kasalanan: “Nguni't siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo” (Isaias 53:5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Stigmata? Ito ba ay naaayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries