settings icon
share icon
Tanong

Kinasihan ba ng Diyos ang mga sulat ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 7:12?

Sagot


Ang karamihan ng mga Kristiyanong kabilang sa konserbatibong Ebangheliko ay naniniwala sa tinatawag na “verbal plenary inspiration” ng Bibliya, na nangangahulugan na ang bawat salita sa Bibliya ay “hiningahan ng Diyos” (2 Timoteo 3:16). Kung sinasabi ng mga kritiko ng Bibliya na ang 1 Corinto 7:12, ay hindi kinasihan ng Diyos kundi isa lamang opinyon ni Pablo, ano pang ibang mga talata sa Bibliya ang maaari nilang ipalagay na hindi kinasihan ng Diyos kundi opinyon lamang ng mga manunulat ang mga iyon at hindi galing sa Diyos? Ang isyung ito ay isang tahasang pagtanggi sa awtoridad ng Bibliya.

Isinulat ni Pablo ang liham na ito sa isang grupo ng mga mananampalataya na naninirahan sa Corinto na isang makasalanang siyudad. Bahagi ng pagiging makasalanan ng siyudad na ito ay ang presensya ng templo ni Aphrodite, ang tirahan ng mahigit isanlibong bayarang babae. Sa lugar na ito itinatag ni Pablo ang Iglesya sa Corinto. Sa katunayan, maraming mga miyembro sa iglesya ang dating may imoral na pamumuhay. Ang iglesya sa Corinto ay binubuo ng mga dating mangangalunya, dating mapakiapid, dating mga sumasamba sa diyus diyusan, mga dating bakla at tomboy, mga dating magnanakaw at mga dating maglalasing (1 Corinto 6:9-11).

Pagdating sa ikapitong kabanata ng kanyang sulat, sinagot niya ang katanungan ng iglesya tungkol sa sekswal na relasyon sa pagitan ng mga babae at lalaki. Dahil sa kultura ng mga taga Corinto, inisip nila na mabuti para sa bawat isa na manatiling walang asawa. Sinabi ni Pablo na mabuti ang manatiling walang asawa at ninanais niya na mas maraming mananampalataya ang manatiling walang asawa na gaya niya. Hindi sinasabi ni Pablo na masama ang pagaasawa. Sinasabi lamang niya ang mga pakinabang ng isang taong walang asawa sa ministeryo. Gayunman, sinabi ni Pablo na ang hindi pagaasawa ay kaloob ng Diyos at hindi lahat ng mananampalataya ay binigyan ng kaloob na ito (talata 7). Para sa mga dati ng may asawa, sinabi ni Pablo na manatili sila sa kanilang kalagayan, at sinabi ni Pablo sa talata 10, “hindi ako may sabi kundi ang Panginoon.” Nangangahulugan ito na ipinapahayag ni Pablo ang direktang utos na nagmula sa Panginoong Hesus. Ang katuruang ito ay nagmula sa Ebanghelyo, partikular sa Mateo 5:32.

Sa huli, sa talata 12, tinalakay ni Pablo ang pagaasawahan sa pagitan ng mananampalataya at hindi mananampalataya. Dahil sa nasabing kultura sa Corinto, maaaring natutukso ang mga Kristiyano na makipaghiwalay sa kanilang mga asawang hindi mananampalataya sa pagaakala na ang ganoong hakbang ay makapaglilinis sa kanila. Sinabi ni Pablo na dapat na manatili ang isang mananampalataya na nakikisama sa kanyang asawang hindi mananampalataya, at sinabing ang pangungusap na ito ay nanggaling sa kanya at hindi sa Panginoong Hesus. Ngunit ipinapahayag lamang dito ni Pablo ang kanyang opinyon. Sinasabi niya na hindi direktang itinuro ni Hesus ang kanyang sinabi noong nagmiministeryo pa si Hesus sa lupa. Hindi direktang tinalakay sa mga Ebanghelyo ang ganitong sitwasyon sa pagitan ng magasawa na hindi mananampalataya ang isa. Ibinigay ni Hesus ang nagiisang lehitimong dahilan para sa pakikipaghiwalay sa asawa (Mateo 5:32; 19:19), at wala siyang sinabi na maaaring humiwalay sa asawa ang isang tao kung ang dahilan ay ang hindi nito pagiging mananampalataya.

Kaya ang pinakamagandang sagot sa tanong na kung ang sinabing ito ba ni Pablo ay kinasihan ng Espiritu Santo ay ito: nagpapahayag si Pablo ng bagong katuruan sa isang aspeto ng pagaasawahan na hindi direktang tinalakay ni Hesus. Kaya sinabi ni Pablo na “ito ang aking sinabi, hindi ng Panginoon.: Sa ibang salita, sinasabi ni Pablo na “Ako, hindi si Hesus ang nagbibigay sa inyo ng utos na ito bagamat base ito sa mga prinsipyong itinuro ni Hesus.” Bagamat napakalawak ng sakop ng ministeryo at katuruan ni Hesus, hindi Niya ipinaliwanag ang lahat ng bagay patungkol sa pamumuhay Kristiyano. Kaya nga isinugo Niya ang mga Apostol upang ipagpatuloy ang Kanyang ministeryo pagkatapos Niyang umakyat sa langit at ito rin ang dahilan kung bakit mayroon tayong aklat na “hiningahan ng Diyos” - ang Bibliya, “upang ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.” Responsable si Pablo sa bagong kapahayagan bagamat ang mga bagong kapahayagang ito ay ipinagkaloob sa Kanya ng Banal na Espiritu. Sa marami sa kanyang mga sulat, inihayag ni Pablo ang maraming mga “hiwaga.” Ang salitang “hiwaga” ay teknikal na terminolohiya na nangangahulugan na ang dating hindi pa nahahayag na katotohanan ay nahayag na ngayon gaya ng katotohanan na ang Iglesya ay binubuo ng mga Hudyo at Hentil (Roma 11:25), o ng pagdagit sa mga mananampalataya (1 Corinto 15:51-52). Ipinahayag lamang ni Pablo ang mga karagdagang katuruan tungkol sa pagaasawa na hindi tinalakay ng Panginoong Hesus.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kinasihan ba ng Diyos ang mga sulat ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 7:12?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries