settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pananampalataya kay Jesus?

Sagot


"Sumasampalataya ka ba kay Jesus?" Tila kakaibang tanong. Kahalintulad ng tanong na "Naniniwala ka ba kay Santa Claus?" o "Naniniwala ka ba sa aliens?" Ngunit ang tanong na "Naniniwala ka ba kay Jesus?" ay higit pa sa katanungang "Naniniwala ka bang umiral o umiiral si Jesu-Cristo?" Sapagkat ang tunay na kahulugan ng tanong ay "Naniniwala ka ba sa itinuturo ng Biblia kung sino ba talaga si Jesus, at nagtitiwala ka ba sa Kanya bilang Tagapagligtas?"

Kung ganoon, naniniwala ka ba kay Jesus?

Naniniwala ka ba na si Jesus ay Diyos na naging tao? (Juan 1:1-14)? Naniniwala ka ba na si Jesus ay namatay sa krus upang bayaran ang iyong mga kasalanan (1Corinto 15: 3; 2 Corinto 5:21), na s’yang dahilan ng walang hanggang pagkahiwalay mo sa Diyos (Roma 6:23)? Naniniwala ka ba na ang sakripisyo ni Jesus, (Diyos na nagkatawang tao), ay ang tanging sapat na kabayaran ng iyong mga kasalanan (1 Juan2:2; Juan 14:6; Gawa 4:12)?

Naniniwala ka ba sa mga bagay na ito? Mabuti kung ganoon, ngunit ang paniniwala sa mga katotohanan tungkol kay Jesus ay bahagi lamang ng kabuuan. Ang Biblikal na paniniwala/pananampalataya ay higit pa sa paniniwala na ang isang bagay ay totoo nga. Ang Biblikal na pananampalatayang nakapagliligtas ay nangangahulugan din ng pagtitiwala sa mga katotohanang iyon.

Isang magandang paglalarawan nito ay ang upuan. Pwede mong paniwalaan na ang upuan ay ginawa sa pamamagitan ng matibay na sangkap at kaya nitong dalhin ang iyong bigat, naniniwala ka rin na tama ang pagkakagawa nito. Subalit hindi ganyan ang Biblikal na paniniwala/pananampalataya. Sapagkat ang Biblikal na pananampalataya o paniniwala ay maihahalintulad sa pag upo sa upuan. Ito ay nangangahulugan na ikaw ay lubos na nagtitiwala sa upuan na kaya ka nitong dalhin.

Nagtitiwala ka ba na si Jesus ay iyong tagapagligtas? Nagtitiwala ka ba na ang kanyang kamatayan ang tanging kabayaran ng iyong kasalanan? Nagtitiwala ka ba na ang kanyang muling pagkabuhay ay katibayan o garantiya rin, na kahit ikaw ay mamatay ay muli kang bubuhayin para sa buhay na walang hanggan? Hindi dahil sa maaari itong mangyari, ngunit kung ang "upuan" halimbawa, ni Jesus ay alisin sa iyo (sa espirituwal na pangungusap) babagsak ka ba, o kaya'y magtitiwala ka sa iba maliban sa upuan?

Kung nauunawaan at sinasampalatayanan mo ang sinasabi ng Biblia tungkol kay Jesus, at kung pinagtitiwalaan mo ang mga katotohanang iyon bilang batayan ng iyong kaligtasan - ikaw ay ligtas! Ikaw ay "sumasampalataya kay Jesus" ayon sa turo ng Biblia.

Gayunman, kung hindi ka nakatitiyak na sumasampalataya ka nga kay Jesus ngunit ito ay nais ng puso mo, o kaya'y nararamdaman mong ikaw ay inilalapit ng Diyos sa pananampalataya kay Jesus, ang susunod na hakbang ay simple lamang. Sumampalataya ka! Magtiwala ka! Manalig ka sa Kanya para sa iyong kaligtasan. Hayaan mong baguhin at patawarin ka ng Diyos sa iyong mga kasalanan upang ikaw ay maligtas.

Kung nais mong ipahayag sa iyong mga labi ang iyong bagong pananampalataya sa Diyos, maaari mong sambitin ang panalangin o katagang ito: "Diyos ko, alam ko pong ako ay nagkasala. Alam ko po na ang aking kasalanan ang naghihiwalay sa iyo at sa akin magpakailanman. Sumasampalataya at nagtitiwala po ako kay Jesu-Cristo bilang aking Tagapagligtas na Siya ay namatay upang bayaran ng buo ang aking mga kasalanan at Siya ay muling nabuhay sa ikatlong araw. Tanging sa Kanyang sakripisyo lamang ako nananalig upang ako ay magkaroon ng tamang relasyon sa Iyo. Salamat po sa pagpapatawad mo sa akin, Salamat po sa pagliligtas mo sa akin. Tulungan mo po akong lumago at mapalapit sa 'yo bawat araw habang ako'y nabubuhay.

Nakapagpasya ka na ba tungkol kay Cristo dahil nabasa mo ang artikulong ito? Kung ganoon, iklik ang link na "tinanggap ko na si Jesus ngayon" sa ibaba.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pananampalataya kay Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries