settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos?

Sagot


Sa simpleng paliwanag, ang paniniwala o pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng tiwala sa Kanya. Nakapaloob din dito ang pagkilala sa kanyang pag-iral, ngunit higit pa riyan ang totoong pananampalataya sa Diyos. Ang Teismo (pagkilala o paniniwala sa Diyos) kung sa isang paglalakbay ay magandang pasimula, ngunit hindi lamang dito natatapos. Ang pinakamahalaga ay ang layunin ng paglalakbay.

Ang paniniwala sa Diyos ay mahalaga sa pangrelihiyong pananampalataya. Sinasabi sa Banal na Kasulatan na ang pananampalataya sa tunay na Diyos ay napakahalagang pundasyon sa pagkakaroon ng kaugnayan sa kanya: "At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos, sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya" (Hebreo 11:6).

Samakatuwid, ang paniniwala sa Diyos ay nangangailangan ng pananampalataya na Siya ay tunay na umiiral. Maraming tao sa mundo ang naniniwala sa supernatural na daigdig, tulad halimbawa ng paniniwala sa Diyos o mga "diyos." At kahit hindi na natin ibilang ang mga tagasunod ng mga relihiyong pagano, makikita natin na may mga tao pa ring naniniwala sa isang personal na Diyos. Ito ay isang mahalagang hakbang, ngunit hindi sapat ang simpleng paniniwala lamang na mayroong Diyos na umiiral. Katulad ng paliwanag sa Santiago 2:19, na ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin. Kaya't ang isang tao ay hindi nagiging maka-diyos sa pamamagitan ng simpleng paniniwala na mayroon ngang Diyos na umiiral.

Ang totoong pananampalataya sa Diyos ay may kaakibat na pagtatalaga at pagbabago ng buhay. Lahat tayo ay may mga pinaniniwalaang bagay subalit hindi nababago ng mga ito ang ating buhay. Halimbawa, maraming tao ang naniniwala na kapag sinasabi sa kanila ang tungkol sa kahalagahan ng tamang pagdi-dyeta at pag eehersisyo, pero karamihan sa kanila ay hindi naman nababago ang pamumuhay dahil sa mga katotohanang iyon, malibang ilapat nila ang mga iyon sa buhay nila. Gayundin, marami ang naniniwala sa katotohanang mayroong Diyos pero hindi naman sila namumuhay batay sa katotohanang iyon. Kaya't ang kanilang paniniwala ay walang ipinagkaiba sa pananampalatayang mayroon ang demonyo. Sapagkat ang pananampalatayang walang kalakip na gawa ay patay na pananampalataya (Santiago 1:26).

Ngunit kahit ang pananampalataya sa Diyos na gumaganyak sa tao upang gumawa ay hindi pa rin sapat. Sapagkat may mga taong naniniwala sa Diyos subalit kinikitil naman ang kanilang buhay. Ito ang nagtutulak sa kanila upang gumawa ng dakilang sakripisyo, mga panatang pangrelihiyon, o paglilingkod sa pangalan ng Diyos. Marami ring mga relihiyon na ang mga tagasunod ay handang gawin ang lahat para sa kanilang diyos o mga diyos. Ngunit umaasa sila sa diyos na may katanungan. Ang mga gawa na hinihiling ng mga relihiyong ito sa mga deboto ay nakakasakit o kaya'y nakamamatay. Ang pagtatalaga, paglilingkod, at pamamanata upang magkaroon ng mataas na antas ng kapangyarihan ay hindi nagbibigay garantiya sa isang tao upang maging matuwid.

Ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay nakabatay sa kung sino ba talaga Siya. Sinasabi sa Biblia na "..ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos.."(Hebreo 11:6) Ito'y nangangahulugan na ang pananampalataya ay kinakailangang sa Diyos lamang na itinuturo ng Biblia iukol at hindi sa sinumang ibang diyos. Maraming tao ang naniniwalang may Diyos at nais nilang paglingkuran Siya. Subalit ang totoo, ang diyos na kanilang sinasamba at pinaglilingkuran ay diyos na nilikha lamang nila ayon sa kanilang disenyo. Kadalasan ay binabago ng tao ang imahe ng Diyos, nililikha nila ito ayon sa kanilang wangis at pinipili lamang nila ang aspeto at mga katangian ng tunay na Diyos na aayon sa kanila. Halimbawa, maaaring naniniwala sila na ang Diyos ay pag-ibig (na may biblikal na konsepto sa 1Juan 4:8), Subalit ipinapaliwanag nila ito ayon sa sarili nilang pakahulugan ng pag-ibig. Para naman sa iba ang Diyos ay katulad ng isang magiliw na lolo na nabibigay sa kanila ng mabubuting bagay at nais na sila ay maging masaya. Maaaring masabi natin na ang mga kultong kristiyano ay masugid sa paglilingkod sa Diyos, ngunit hindi sa Diyos na ipinapahayag ng Banal na Kasulatan. Ang pananampalataya sa Diyos na hinubog lamang natin ayon sa ating sarili ay walang saysay na pananampalataya. Kaya't kung nais natin na ang ating pananampalataya ay umayon sa katotohanan, marapat lamang na ang Diyos na nahayag at itinuturo ng Banal na Kasulatan ang ating paniwalaan: Ang Tatlong personang Diyos na perpekto at ganap, marunong sa lahat, makapangyarihan sa lahat, nagtataglay ng lahat, hindi nagbabago, totoo, matapat, puspos ng kagandahang-loob, maibigin, mahabagin, banal, at makatarungan.

Upang maipakita natin na tunay ngang tayo'y sumasampalataya sa Diyos ayon sa kapahayagan ng Biblia tungkol sa Kanya, kinakailangan nating sumampalataya kay Jesu-Cristo, na s’yang "…kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos at tunay na larawan ng kanyang likas.." (Hebreo 1:3). Si Jesus ang kapahayagan ng Diyos sa laman at sa pamamagitan niya ay ipinakilala ng Diyos ang kanyang sarili sa atin sa paraang mauunawaan natin. "Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya'y ginawa ang mga sanlibutan" (Hebreo 1:1-2). Katulad ng sinabi ni Jesus, "..Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama....Hindi ka ba sumasampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasabi mula sa aking sarili, kundi ang Ama na nananatili sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Sumampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin" (Juan 14:9-11).

Sa makabagong kulturang ito, ang pangkaraniwang paniniwala maging ang debosyon o panata sa Diyos na umaakay sa ating kapwa tao upang magsilbi ay nananatiling katanggap-tanggap sa lipunan. Subalit, ang tiyakang pananampalataya kay Jesu-Cristo, bilang pinakamataas at pinakahuling kapahayagan ng Diyos at tanging daan patungo sa Diyos ay hindi tinatanggap ng lipunan. Ang pangkalahatang paniniwala sa Diyos ay maaaring makapagbuklod sa mga Hudyo, Kristiyano, at Muslim para sa kabutihan. Gayunman, sinasabi sa Mateo 10:34 na si Jesu-Cristo ay magiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi. Itinuturo rin sa Biblia na ang isang tao ay hindi magkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos, malibang ang pananampalatayang iyon ay naka-ugnay kay Jesu-Cristo (Juan 14:6). Ang sinumang hindi kumikilala kay Cristo ay hindi kumikilala sa Diyos Ama (Juan 5:23)

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries