settings icon
share icon
Tanong

Sumasagot ba ang Diyos sa mga panalangin?

Sagot


Ang maiksing sagot sa tanong na ito ay, “Oo!” Ipinangako ng Diyos na kung hihiling tayo ng isang bagay na ayon sa Kanyang kalooban, ipagkakaloob Niya ang ating hinihingi (1 Juan 5:14–15). Gayunman, may isang karagdagang katotohanan: maaaring hindi natin magustuhan ang sagot ng Diyos.

Nananalangin tayo para sa maraming bagay—ang iba ay mabuti, ang iba ay masama, ang iba ay walang kabuluhan. Ngunit nakikinig ang Diyos sa lahat ng ating mga panalangin, anuman ang ating hinihingi (Mateo 7:7). Hindi Niya ipinagwawalang bahala ang Kanyang Anak (Lukas 18:1–8). Kung may idinudulog tayo sa Kanya, ipinangako Niya na makikinig Siya at tutugon (Mateo 6:6; Roma 8:26–27). Maaaring iba’t iba ang Kanyang sagot, “oo” o “hindi” o “maghintay dahil hindi ngayon.”

Lagi nating tandaan na ang panalangin ay hindi isang paraan upang makuha natin sa Diyos ang anumang gugustuhin natin. Ang ating mga panalangin ay dapat nakatuon sa mga bagay na nagpaparangal at lumuluwalhati sa Diyos at sumasalamin sa kalooban ng Diyos na malinaw na ipinapahayag sa atin sa Bibliya (Lukas 11:2). Kung mananalangin tayo para sa isang bagay na hindi magbibigay karangalan sa Diyos o para sa isang bagay na hindi Niya kalooban para sa atin, malamang na hindi Niya ibibigay ang ating hinihingi. Higit na marunong ang Diyos kaysa sa atin at dapat nating pagtiwalaan na ang Kanyang mga sagot sa ating mga panalangin ang pinakamaganda para sa atin.

Sumasagot ba ang Diyos sa mga panalangin? – Kung ang sagot ng Diyos ay “Oo.”
Sa unang dalawang kabanata ng 1 Samuel, nanalangin si Hannah para bigyan siya ng Diyos ng anak. Siya ay isang baog, isang bagay na itinuturing na kahihiyan para sa isang babae noong panahon ng Lumang Tipan. Marubdob na nanalangin si Hannah anupa’t napagkamalan siyang lasing ng isang saserdote na nakakita sa kanya. Ngunit tinugon ng Diyos ang panalangin ni Hannah at pinahintulutan siya ng Diyos na magkaanak ng isang batang alaki.

Sinabi ni Hesus, “At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak” (Juan 14:13). Kung nananalangin ka para sa isang partikular na bagay at ipinagkaloob iyon sa iyo ng Diyos, makasisiguro ka na iyon ay ayon sa Kanyang kalooban. Walang anumang nangyayari na hindi pinapahintulutan ng Diyos (Roma 8:28).

Sumasagot ba ang Diyos sa mga panalangin? – Kung sumasagot ang Diyos ng “Hindi.”
sa Juan 11, ninais nina Maria at Marta na pagalingin ni Hesus ang kanilang maysakit na kapatid, ngunit hinayaan ni Hesus na mamatay si Lazaro. Bakit Siya sumagot ng “hindi” sa dalawang babaeng ito na nagdadalamhati para sa kanilang minamahal na kapatid? Dahil may magandang plano si Hesus para kay Lazaro, isang bagay na walang sinuman ang magaakala.

Ang sagot na “Hindi” ang isa sa pinakamahirap na sagot na maaari nating matanggap sa Diyos. Ngunit muli, dapat tandaan na alam ng Diyos ang lahat ng bagay sa buong kasaysayan. Alam Niya ang mga posibleng resulta ng bawat posibleng aksyon sa bawat posbileng sitwasyon. Nakikita Niya ang “malaking larawan”; samantalang ang nakikita lamang natin ay isang napakaliit na bahagi ng larawan. Sinasabi sa Kawikaan 3:5, “Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. ” Kung hindi ang natanggap nating sagot sa Diyos, dapat nating pagtiwalaan na ang bagay na ating hinihingi ay hindi kalooban ng Diyos para sa atin.

Sumasagot ba ang Diyos sa mga panalangin? - Kung ang sagot ng Diyos ay “Maghintay, hindi ngayon.”
Minsan ang sagot na “maghintay” ay higit na mahirap kaysa sa sagot na “hindi” dahil kailangan nating maging magtiyaga (Roma 8:25). Habang mahirap ang paghihintay, maipagpapasalamat natin na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay at perpekto ang Kanyang panahon (Roma 12:12; Awit 37:7—9).

Nais ng Diyos ang pinakamabuti para sa ating buhay. Hindi Niya nais na tayo’y magdusa. Sinasabi sa Jeremias 29:11, “Sapagka't nalalaman ko ang mga pagiisip na aking iniisip sa inyo, sabi ng Panginoon, mga pagiisip tungkol sa kapayapaan, at hindi tungkol sa kasamaan, upang bigyan kayo ng pagasa sa inyong huling wakas.” Magtiyaga tayo at kilalanin na Siya ang ating mapagmahal na Ama (Awit 46:10).

Alalahanin natin ang Filipos 4:6 sa tuwing humihiling tayo sa Diyos: “Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.” At kung sumagot ang Diyos, maging handa tayo na tanggapin ang Kanyang karunungan — sang-ayon man tayo o hindi sa Kanyang kasagutan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sumasagot ba ang Diyos sa mga panalangin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries