settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagsuko sa Diyos?

Sagot


Ang mundo ay isang lugar ng labanan. Mula ng bumagsak ang tao sa kasalanan sa hardin ng Eden (Genesis 3:17-19), ang mundo na na nilikha ng Diyos ay laging lumalaban sa Kanya (Roma 8:20-22). Si Satanas ang tinatawag na “diyos ng sanlibutang ito” (2 Corinto 4:4), at dahil sa kasalanan ni Adan, ipinanganak tayo sa kanyang koponan (Roma 5:12).

Nang dumating tayo sa edad na maaari na tayong gumawa ng mga moral na desisyon, dapat nating piliin kung susundin natin ang ating makasariling kagustuhan o susunod sa Diyos (tingnan ang Josue 24:15). Ipinangako ng Diyos na kung hahanapin natin Siya ng ating buong puso, matatagpuan natin Siya (Jeremias 29:13). Kung matagpuan natin Siya, may desisyon tayong gagawin: magpapatuloy ba tayo sa pagsunod sa ating sariling kagustuhan o susuko tayo sa Kanyang kalooban?

Ang salitang pagsuko ay isang salita na may kinalaman sa labanan. Nagpapahiwatig ito ng pagsusuko ng lahat ng ating karapatan sa manlulupig. Kapag sumuko ang kalaban, ibinababa nila ang kanilang mga armas, at mapapasakamay ng nanalong hukbo ang kontrol. Ganito rin ang pagsuko sa Diyos. May plano ang Diyos sa ating mga buhay at ang pagsuko sa Kanya ay nangangahulugan na isasantabi natin ang ating sariling mga plano at masugid na susundin ang kanyang kalooban. Ang mabuting balita ay laging para sa ating ikabubuti ang plano ng Diyos (Jeremias 29:11), hindi gaya ng ating sariling plano na laging humahantong sa pagkawasak (Kawikaan 14:12). Ang Panginoon ay isang marunong at mabuting mananagumpay; nilulupig Niya tayo para tayo pagpalain hindi para pahirapan.

May iba’t ibang antas ng pagsuko pero ang lahat ay nakakaapekto sa ating relasyon sa Diyos. Ang inisyal na pagsuko ay ang paglalapit sa atin ng Banal na Espiritu sa Diyos na humahantong sa kaligtasan (Juan 6:44; Gawa 2:21). Nang isuko natin ang ating mga sariling pagsisikap para makamtan ang biyaya ng Diyos at magtiwala sa natapos na gawain ni Cristo sa krus para sa atin, tayo ay naging mga anak ng Diyos (Juan 1:12; 2 Corinto 5:21). Pero may mga pagkakataon ng mas malalim na pagsuko sa buhay Kristiyano na nagreresulta sa isang mas malapit na kaugnayan sa Diyos at mas malaking kakayahan sa paglilingkod. Mas maraming lugar sa ating buhay ang ating isinusuko sa Kanya, mas maraming lugar para sa pagpuspos ng Banal na Espiritu (Efeso 5:18). Kung puspos tayo ng Banal na Espiritu, nagpapakita tayo ng Kanyang katangian (Galacia 5:22). Mas nagsusuko tayo sa Diyos, mas napapalitan ang ating lumang pagkatao na sumasamba sa sarili ng isang pagkatao na kawangis ni Cristo (2 Corinto 5:17).

Sinasabi sa Roma 6:13 na hinihingi ng Diyos ang ating pagsuko ng lahat sa ating buhay; nais Niya ang buo hindi ang isang bahagi lamang: “Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan.” Sinabi ni Jesus na dapat na itakwil ng Kanyang mga tagasunod ang kanilang sarili (Mark 8:34)—isa pang tawag sa pagsuko.

Ang layunin ng buhay Kristiyano ay maaaring lagumin sa pamamagitan ng Galacia 2:20: “Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin.” Ang ganitong buhay ng pagsuko ay nakalulugod sa Diyos na nagreresulta sa pinakamalaking kasiyahan na mararanasan ng tao, at magaani ng ultimong gantimpala sa langit (Lukas 6:22-23).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagsuko sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries