settings icon
share icon
Tanong

Sinasabi ba sa Bibliya na dapat mong sundin ang iyong puso?

Sagot


Maraming panawagan para "sundin ang iyong puso" sa mga pelikula, nobela, slogans, blogs, at memes. Ang mga kasamang payo ay "magtiwala ka sa 'yong sarili," at "sundin mo ang iyong pakiramdam." Ang isa pang payo ay "hindi ka ililigaw ng iyong puso." Ang problema sa mga pangunugsap na ito ay wala isa man sa kanila ang sinusuportahan ng Bibliya.

Sa halip na magtiwala sa ating mga puso, dapat nating italaga ang ating mga puso sa Diyos: "Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin" (Kawikaan 3:5–6). Ibinibigay sa mga talatang ito ang isang malinaw na utos na huwag tayong magtiwala sa ating sarili. At ibinibigay din sa mga talatang ito ang pangako ng paggabay sa mga pinipiling sumunod sa Panginoon.

Para sa pagbibigay ng tamang direksyon sa anumang bagay, dapat na nakabase ito sa katotohanan. Anuman ang konklusyon sa isang bagay na inihihingi ng payo, dapat na nakabase iyon sa katotohanan at hindi sa emosyonal na pagpapalagay. Itinuturo ng Bibliya na dapat na sundin ng tao ang Diyos. Idineklara ng Diyos, "Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh, pagpapalain ang umaasa sa kanya" (Jeremias 17:7). Perpekto ang kaalaman ng Diyos sa lahat ng bagay (1 Juan 3:20), isang katangian na tinatawag na walang hanggang kaalaman. Ang karunungan ng Diyos ay hindi nalilimitahan sa anumang paraan. Alam ng Diyos ang lahat ng mga naganap, nagaganap at magaganap (Isaias 46:9–10). Ang kaalaman ng Diyos ay lampas pa sa mga pangyayari lamang at saklaw ang lahat ng iniisip at mga intensyon ng lahat ng tao (Juan 2:25; Gawa 1:24). Gayunman, hindi lamang ang kaalamang ito ang dahilan kung bakit ang mapagkakatiwalaan ang Diyos at perpektong mapagkukunan ng gabay. Alam din ng Diyos ang lahat ng posibilidad, ang bawat kaganapan, at lahat ng maaaring isiping resulta ng anumang serye ng mga pangyayari (Mateo 11:21). Ang kakayahang ito, kasama ang Kanyang kabutihan ang dahilan kung bakit Siya ang makakapagbigay ng pinakamagandang direksyon na tatahakin ng tao.

Sinasabi ng Diyos patungkol sa puso ng makasalanan: "Sino ang makakaunawa sa puso ng tao? Ito'y mandaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan?" (Jeremias 17:9). May dalawang malinaw na dahilan sa talatang ito kung bakit hindi dapat na sumunod ang isang tao sa kanyang puso sa paggawa ng mga desisyon. Una, walang kapantay ang pagiging mandaraya ng puso ng tao sa lahat ng nilikha dahil sa likas na minanang kasalanan ng tao. Kung susundin natin ang ating puso, sumusunod tao sa isang hindi mapagkakatiwalaang gabay.

Sa katotohanan, tayo mismo ay bulag sa mandarayang kalikasan ng ating sariling puso. Gaya ng tanong ni propeta Jeremias, "Sino ang makakaunawa sa puso ng tao?" Kung magtitiwala tayo sa ating sarili para sa karunungan, sa huli wala tayong kakayahan na malaman kung ano talaga ang mali at tama. Ang pagkilala sa mali at tama base sa "pakiramdam" ay mapanganib (at hindi biblikal) na paraan ng pamumuhay.

Itinuturo sa Jeremias 17:9 na walang lunas ang kabulukan ng ating puso. Walang paraan ang tao para ayusin ang kanyang puso. Sa halip kailangan ng tao ang bagong puso. Ito ang dahilan kung bakit sa paglapit ng isang tao kay Kristo sa pananampalataya, ginagawa siyang isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Hindi lang inaayos ni Jesus ang puso; sa halip, pinapalitan Niya ito ng bago.

Ngunit hindi ito nangangahulugan na maaari na tayong magtiwala sa ating puso pakatapos nating lumapit at manampalataya kay Kristo. Kahit na bilang mga mananampalataya, hinihimok tayo na sundin ang kalooban ng Diyos sa halip na ang ating sariling mga pagnanasa. Itinuturo ng Bibliya, "Sapagkat ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin" (Galacia 5:17).

Dapat na linawin ang ilang puntos. Hindi sinasabi sa itaas na laging mali ang ating emosyon o hindi naglalagay ang Diyos ng magandang pagnanais sa ating mga puso (Awit 37:4). Hindi mapagkakatiwalaang gabay ang ating emosyon, ngunit nakakapagbigay ito ng impormasyon at kagamit-gamit. Ang mga nasa ng ating puso ay hindi laging makadiyos, ngunit maaaring ang mga 'yon ay mga pagnanais na ipinagkaloob ng Diyos. Nagtataglay ang mga Kristiyano ng makasalanang kalikasan at bagong kalikasan; at ang kakayahan ng pagkilala sa pagitan ng dalawa ay nakadepende sa antas ng espiritwalidad ng isang Kristiyano. Ang pagkilala sa nasa ng ating puso sa pamamagitan ng salita ng Diyos at pananalangin ay isang matalinong gawain. Gayundin naman, dapat na bigyan natin ng atensyon ang mga bagay na binigyan tayo ng Diyos ng kaloob para gawin o ang mga bagay na nagbibigay sa atin ng kagalakan. Muli, hindi natin "susundin ang ating puso" katulad ng laging pakahulugan ng mundo, ngunit hindi maling gamitin ang ating kaalaman. May mga panahon na ang pagsunod sa udyok ng Espiritu ay maaaring katulad ng pakiramdam ng "pagsunod sa iyong puso." Ngunit muli, ang "pagsunod sa ating puso" ay tama lamang hanggat ang ating puso ay nagpapasakop sa pangunguna ng Diyos at sa katotohanan ng Kanyang salita.

Ipinangako sa atin ng mahabaging Panginoon na walang hanggan ang kaalaman na Siya ang magbibigay sa atin ng karunungan (Santiago 1:5); isinulat din para sa atin ang kinasihan at hindi nagkakamaling salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16). Sa halip na sumunod sa kapritsosong udyok ng ating makasalanang puso, bumabaling tayo sa Diyos at nagtitiwala sa Kanyang walang hanggang mga pangako.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sinasabi ba sa Bibliya na dapat mong sundin ang iyong puso?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries