Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa suwail na anak?
Sagot
Mula sa pagiging isang maliit na bata na bago pa lamang naglalakad at bago pa lamang natuto ng salitang "hindi," hanggang sa isang mas nakatatandang anak na tahasang sumusuway sa mga magulang, hinaharap ng lahat ng mga magulang ang mga hamon sa pagkakaroon ng suwail na anak. Ipinapakita sa atin ng Bibliya na nakikibaka tayong lahat sa pagnanais na pamahalaan ang ating sarili at gawin ang anumang ating magustuhan dahil ipinanganak tayong lahat ng may minanang kasalanan at lumalaban sa Diyos (Awit 51:5; Efeso 2:3; Roma 3:10; 7:17–21). Ang pakikibakang ito laban sa pamamahala sa sarili ay isang mahigpit na labanan para sa ating mga anak lalo na kung hindi agad masasawata ang pagiging suwail; isa itong digmaan na makakaapekto sa relasyon ng ating anak sa hinaharap — sa kanyang mga guro, mga kaibigan, magiging amo, asawa, mga tumatandang magulang at maging sa kanilang relasyon sa Ama sa langit. Ngunit kung titingnan natin ang sinasabi ng Bibliya, makikita natin ang dakilang katotohanan na ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang mga kasangkapan upang maturuan natin at madisiplina ang mga suwail na anak, gayundin ang mga pangako ng pagpapala para sa mga nagpapasakop at lumalago sa pagsunod.
Puno ang Kasulatan ng utos na igalang at sundin ang mga magulang Mula sa aklat ng Exodo ng ibigay ng Diyos ang Sampung Utos (Exodo 20:12) hanggang sa iba pang mga aklat sa Lumang Tipan (Levitico 19:3; Deuteronomio 5:16; Kawikaan 1:8; 6:20–21; 23:22) at hanggang sa bagong Tipan. Pinagtibay ng Panginoong Jesus at ng mga apostol ang ikalimang utos (Mateo 15:4; 19:19; Efeso 6:1–3; Colosas 3:20) at ang mga pangako na kaugnay ng utos na ito. Hinikayat ang mga anak na ang kanilang pagsunod ay magbubunga ng pagpapala at mahabang buhay (Exodo 20:12; Jeremias 35:17–19; Efeso 6:3; Colosas 3:20), habang ang pagiging suwail naman ay magbibigay kahihiyan sa magulang at magbubunga sa kaparusahan (Levitico 20:9; Deuteronomio 21:18; 27:16; Kawikaan 10:1; 15:5; 20:20; 30:17; Mateo 15:4). Ang laganap na pagsuway sa magulang ang ating nakikita sa sosyedad sa mga huling panahong ito (2 Timoteo 3:2).
Ang bansang Israel na Kanyang tinatawag na Kanyang mga anak (Exodo 4:22), ang isang halimbawa ng isang masuwaying anak. Paulit-ulit na iniutos ng Diyos sa mga Israelita na sumunod sa Kanya at ipinangako Niya ang malaking pagpapala para sa pagsunod at malaking sumpa sa pagsuway. Noong panahon ni Josue, sumunod ang Israel sa Diyos at binigyan sila ng Diyos ng tagumpay sa kanilang mga kaaway (Josue 11:23). Kalaunan, gaya ng ipinapakita ng aklat ng mga Hukom, sumuway ang Diyos sa Israel at ito ang nagdulot sa kanila ng napakaraming problema.
Itinuturo ng Bibliya ang pangangailangan ng pagdidisiplina at pagtutuwid sa mga suwail na anak. Bahagi ng buhay ng bawat tao ang pagsisisiplina, at ang mga lumalaban sa mga magulang ay dapat na parusahan. Sinasabi sa Kawikaan 19:18, "Ituwid mo ang iyong anak habang may pagkakataon pa, kung hindi'y ikaw na rin ang nagtulak sa pagkawasak niya." Sa talatang ito, ipinapakita ang pagdidisiplina sa anak bilang isang bagay tungkol sa buhay at kamatayan. Kung hindi susugpuin, itutulak ng pagsuway ang mga anak sa kanilang pagkawasak. Sinasabi sa Kawikaan 13:24, "Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina, anak na di napapalo, hindi mahal ng magulang." Sa talatang ito, ang pag-ibig at maingat na pagdidisiplina ay gumagawang magkasama. Sinasaway nito ang ideya na hindi dinidisiplina ng mapagmahal na magulang ang kanilang mga anak. Ang pagbubulag-bulagan sa pagrerebelyon ay pagkamuhi sa isang suwail na anak.
Ang Efeso 6 ang isang susing talata patungkol dito. Sinasabi sa mga anak sa unang talata: "Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, alang-alang sa Panginoon." Ipinapakita sa talatang ito na ang pagsunod sa magulang ay isang pangaraw-araw na gawain na ibinigay ng Diyos para sa bawat anak. Hangga't hindi sumasalungat sa kalooban at utos ng Diyos ang mga utos ng magulang, dapat na sumunod ang mga anak. Ang talatang 4 ay para naman sa mga magulang: "Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon." Isang tungkulin ng mga ama na hubugin at palakihin ang kanilang mga anak sa isang makadiyos na pamamaraan at turuan sila na sumunod sa mga utos ng Panginoon. Sa pamamagitan nito, pinalalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak sa makadiyos na pamamaraan upang mabuhay sila ng matagal at masagana sa mundong ito (talata 3)—at makamit din naman ang mga kayamanan sa langit sa hinaharap — sa walang hanggan (Mateo 6:20; Galacia 6:8–9; Efeso 1:3–4).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa suwail na anak?