settings icon
share icon
Tanong

Ano ang tabak ng Espiritu?

Sagot


Ang pariralang “tabak ng Espiritu” ay isang beses lamang matatagpuan sa buong Kasulatan sa Efeso 6:17. Ang tabak na ito ay bahagi ng baluting espiritwal na ipinasusuot ni Pablo sa mga Kristiyano upang mapagtagumpayan ang mga lalang ng diyablo (Efeso 6:13).

Ang tabak ay isang armas na ginagamit na pang opensiba para atakehin ang kaaway at mapagtagumpayan iyon at pang depensa rin upang protektahan ang sarili mula sa pagatake ng kaaway. Kinakailangan para sa isang sundalo na magsanay ng mahigpit upang matutunan ang tamang paggamit ng kanyang tabak at ng mapakinabangan niya iyon ng husto. Ang lahat ng Kristiyanong sundalo ay nangangailangan ng gayunding mahigpit na pagsasanay upang matutuhang gamitin ng tama ang tabak ng Espiritu, na “walang iba kundi ang Salita ng Diyos.” Dahil ang bawat Kristiyano ay nasa gitna ng espiritwal na labanan laban sa puwersa ng hukbo ni satanas sa mundong ito, kailangan nating malaman ang tamang paggamit sa Salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang nito magiging epektibong pangdepensa ang Salita ng Diyos laban sa kaaway at magiging isang mabisang sandata upang magpaguho ng mga kuta ng mga kasinungalingan at maling pangangatwiran (2 Corinto 10:4-5).

Ang Salita ng Diyos ay tinawag ding tabak sa Hebreo 4:12. Sa talatang ito, inilarawan ang Salita ng Diyos na buhay at mabisa at higit na matalas kaysa alinmang tabak na tigkabila'y talim. Ang tabak ng mga sundalong Romano ay karaniwang tigkabila ang talim, upang maging mas mabisa ito sa pagsaksak o sa pagputol. Ang ideya ng Kasulatan ng pagtimo ay nangangahulugan na ang salita ng Diyos ay umaabot sa “puso,” ang pinakasentro ng aksyon ng tao at naghahayag ng mga motibo at damdamin ng tinatamaan nito.

Ang layunin ng tabak ng Espiritu - ng Bibliya - ay ang palakasin at patatagin tayo upang mapaglabanan natin ang mga gawa ni Satanas sa ating mga buhay (Awit 119:11; 119:33-40; 119:99-105). Ginagamit ng Banal na Espiritu ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos upang bumuhay ng mga patay sa espiritu at tumawag ng mga kaluluwa sa kaligtasan at bigyan sila ng espiritwal na kalakasan upang maging mga matagumpay na kawal ng Panginoon. Kung mas marami tayong nalalaman at nauunawaan sa Salita ng Diyos mas lalo tayong nagiging kagamit gamit upang magampanan ang kalooban ng Diyos at magiging matatag tayo sa ating katayuan bilang mga Kristiyano at magtatagumpay sa ating pakikipagbaka sa kaaway ng ating kaluluwa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang tabak ng Espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries